Chapter 8

11 0 0
                                    

Huwebes ng hapon habang naninigarilyo sa spot na nadiskubre namin malapit sa poso, pinagmamasdan ang langit na magpalit ng kulay, mula asul hanggang maging parang malawak na canvas na sinabuyan ng isang dalubhasang pintor ng samu't saring kulay ng pintura, nakakapang-agaw hininga, sa puntong nagdalawang-isip ako kung totoo ba ang nakikita ko o hindi. At kung totoo man, naisip ko kung paano ang ganoong kaganda, perpektong bagay ay kayang umiral, at ano pa ang mga natitirang misteryo ng Diyos ang matutuklasan ko sa buhay na ito nang humantong si Dave sa isang ideya.

"Gusto kong pumunta kung saan," sabi niya.

Ilang segundo ang nawala bago ako magsalita. Nagigitla pa rin sa tanawin sa aming harapan.

"Saan mo gustong pumunta?"

Napabuntong-hininga siya.

"'Di ko alam. Gusto kong umalis dito kahit isang araw lang."

"May problema ba?"

"W-wala naman."

"Talaga?"

"Maniwala ka."

Alam kong hindi siya nagsasabi ng totoo. Alam kong marahil, may nangyaring hindi kaaya-aya para gustuhin niyang lumayo panandalian sa lugar na sobrang mahal niya.

Ano kaya ang bumabagabag sa kanya?

Tungkol ba sa pamilya niya?

Sa kanya?

Sa akin?

Sa aming dalawa?

At hanggang sa araw na mamatay ako, hindi ko na kailanman malalaman pa ang dahilan, puwera na lang kung buksan niya ang pinto bago ako malagutan ng hininga. Kung mangyari, sasabihin ko sa kanyang, "'Wag kang mag-alala, dadalhin ko kung anuman ang mga bigat na dinadala mo sa mahabang tulog na 'to. 'Di ako magtitira kahit isang hibla. Sisiguruhin kong iiwan kita sa mundong 'to na malayo sa mga dalita."

Kung hahayaan niya ako... kung hahayaan niya lang ako, handa akong maging bubong para sa mga araw niyang mabagyo.

"Basta pag-uwi mo, maghanda ka ng mga gamit dahil bukas may pupuntahan tayo." Tumayo siya, ipinagpag ang mga dumi sa puwetan, inubos ang sigarilyo bago bitiwan at tapakan, at naglakad palayo, hindi ako niyaya o tiningnan.

7:08 a.m. nang marinig ko ang motor niya sa harap ng bahay.

"Handa ka na ba?" tanong niya pagpasok sa pinto sa sala. Binigyan ko siya ng ngiti ng pagsang-ayon. Mula sa kusina, tinanong ni Lolo Isko si Dave kung nag-almusal na ba siya. Sumagot siyang, "Tapos na po lo, salamat!" Nagpaalam kami kina lolo at lola. Paglabas ng bahay, sasakyan ko na si D. A. nang matigilan sa tanong niya.

"Ano'ng ginagawa mo?"

"Sasakyan si D. A.?" sagot ko, nakakunot ang noo.

Tumawa siya. Iyong tawang parang walang pakialam sa mundo, o sa akin, o sa kahit na sinuman o anuman. Ang tanging mahalaga ay masaya siya at siguro, ayos lang iyon, masaya na rin ako, gusto kong nakikita siyang ganoon dahil nahirapan akong makatulog kagabi matapos ang inasta niya kahapon.

"Hayaan mo muna riyan si D. A. Itong motor kong walang pangalan ang gagamitin natin," sabi niya. Mataas na ang araw subalit hindi mahapdi sa balat ang init nito. Nakaangkas ako sa likod, at hindi ko mapigilang isipin kung ano ang mararamdaman ko, kung ano pa ang mga matutuklasan ko sa sarili na hindi kailanman sumagi sa aking parte ng pagkatao ko at kung ano pa ang kaya kong gawin at handang gawin nang mapangahas kung sakaling isang malamig na gabi, literal na konektado ang aming mga katawan at ako ang nasa likod niya. Tinigasan ako. Sinulyapan ko siya sa side-mirror. Nahuli niya ako. Ngumiti siya, pilyo, at sinabing,

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon