Chapter 16

4 0 0
                                    

Nakahiga ako sa papag sa likod-bahay, patay-sinding pinaglalaruan ang lighter sa kamay, hinihintay mahulog ang gabi. Damang-dama ko ang malamig na hangin ng Disyembre. Ang pambihirang lakas nito ay nagdudulot para sumayaw ang nagtataasang kawayan sa harapan ko; ang nililikha nilang ingay na nagbibigay kapayapaan sa aking isipan ay maihahalintulad sa paghampas ng mga alon sa dalampasigan o sa boses na hindi ko narinig nang mahabang panahon mula sa taong inaasam kong makasama bawat segundo ng oras. Tumingin ako sa itaas, sa kanan ko, sa langit, sa buwan na unti-unting nagpapakita sa malayo at naisip ko, isang linggo na lang, magpapasko na, at hindi ko alam kung ano ang dapat na maramdaman ukol dito.

Bago magbakasyon, may maikling kuwentong ipinabasa sa amin si Mrs. Clemente tungkol sa isang binatang mag-isang umakyat ng Mount Banahaw. Sa daan patuktok, may humarang sa kanyang matandang babae, nagmamakaawa sa unting piraso ng pagkain at tubig. At kahit sapat lang ang dala, walang pag-aatubili niya itong tinulungan. Nagpalit ito ng anyo bilang diwata, at dahil sa kabutihang ipinakita niya, pinagkalooban siya nito ng isang kahilingan. "Gusto kong bumalik sa pagiging bata," sabi niya, at bago tuparin ng diwata ang hiling, tinanong siya nito kung bakit. Tumugon siyang, "Gusto kong muling maramdaman na ako'y buhay."

Hindi mabilang na paglalakad at pagsakay kay D. A. ang ginugol ko para pagnilayan ang kahulugan ng kanyang sinabi: Gusto kong muling maramdaman na ako'y buhay. At ngayon, habang bilang na lang sa mga daliri ko ang nalalabing araw bago magpasko at marahil, ang totoo, wala akong kahit gatiting na pananabik para dito, saka ko naunawaan ang ibig niyang sabihin. Noong bata ako, sabik na sabik ako sa tuwing sasapit ang pasko. Napakaespesyal nito sa akin dahil parang masaya ang lahat sa araw na iyon at nagmamahalan ang lahat at magagandang bagay lang ang mangyayari; sa kung paano ako binabalot ng saya kapag nakakarinig ng mga kantang pang-pasko o nakakakita ng mga regalo sa ilalim ng nagliliwanag na christmas tree. Gaano ko ninanais na may magpakitang diwata ngayon at ipagkaloob ang hiling kong bumalik sa pagiging bata para muling maramdaman na ako ay buhay gaya ng lalaki sa kuwento? Ang muling makaramdam ng pananabik sa lalamunan para sa mga araw na darating tulad ng pasko? Siguro, habang tumatanda ang isang tao at dumarami ang mga sakit at pighating nararanasan niya, ang matitingkad na kulay na bumubuo sa mundo ng kainosentehan noong bata siya ay nagiging itim at puti.

Sa madaling sabi, malaki ang parte ng sakit sa pagbabago ng isang tao.

Lumalakas na ang tunog ng mga nagtatagong kuliglig. Hudyat na iyon para pumasok sa loob. Paglabas ng likod-bahay, napahinto ako sa paglalakad. Hindi pa ganoon kadilim subalit bukas na ang mga christmas lights (nakasabit palibot sa gilid ng bahay) na ipinabili ko kay Lola Martha noong pumunta kami sa CSI Alaminos anim na araw na ang nakararaan. Kumikislap sila, parang mga bituin. Ang liwanag na lumalabas sa maliliit na bumbilya: dilaw. Umihip ang hangin, kasabay nito, ipinikit ko ang aking mga mata. Mabilis na rumagasa ang mga alaala ng gabing iyon sa Patar White Beach Resort: ang kuwentuhan at tawanan ng mga estrangherong kasama namin sa bar, ang mga alon sa tabing-dagat, ang pakiramdam na para bang maaari naming gawin anuman ang naisin, ang mapait na lasa ng Diablo, ang bawat ngiti at titig niya sa akin, ang sukang ikinalat ko sa sahig, ang mga romantikong dilaw na ilaw.

Mga alaalang napakasariwa, na parang walang katotohanang walong buwan na ang lumipas simula niyon, na parang kahapon lang nangyari ang lahat ng iyon.

Ako, si Dave, at ang mga dilaw na ilaw.

Ayaw kong umiyak.

Tumabi ako kay Lolo Isko sa sala, nanonood ng TV. Binigyan ko siya ng pilit na ngiti nang mapalingon sa akin.

"Nakakaawa iyong dalawang namatay," sabi niya sa mababang boses. Gusto kong itanong kung ano ang nangyari subalit wala ako sa kondisyong magsalita kaya pinanood ko na lang ang ipinapalabas na dokyumentaryo. Limang lalaking French National ang pumunta sa Palawan para ipagdiwang ang nalalapit na kasal ng isa sa kanila subalit tatlo na lang sa magkakaibigan ang nakauwing buhay sa bansa nila. Humiwalay sa grupo ang dalawang kasama nilang namatay––palihim na naligo sa parte ng islang ipinagbabawal sa publiko. Natagpuan ang malalamig nilang bangkay sa kwebang nasa ilalim ng dagat, at ang masaklap, nakuhanan ng video ang aktwal nilang pagkalunod gamit ang kamerang dinala sa ilalim. Umikot ang sikmura ko, masusuka. Mabilis akong tumayo at kumuha ng tubig sa ref.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon