Chapter 15

6 1 0
                                    

Tinupad ng Diyos ang hiling ko, dahil bago makauwi, bumuhos ang napakalakas na ulan. Ipinarada ko si D. A. sa gilid ng bahay, katabi ng tricycle ni Lolo Isko, hindi pa rin nawawala ang mabigat na pakiramdam ko. Basang-basa, nanginginig ang aking katawan sa matinding lamig. Inilatag ko ang mga palad ko, sinulyapan ang mga daliri at nandoon sila––kulubot ang mga dulo, namumutla na parang mga isdang wala sa tubig. Sarado ang pinto papasok ng sala kaya dumeretso ako roon sa kusina, bukas ang pinto nito, at tanaw mula sa labas sina lolo at lola, nakaupo sa tabi ng mesa, hinihintay ako. Sabay silang tumayo, lumapit sa pinto, may hawak na makapal na tuwalya si Lola Martha, iniabot sa akin na ipinatong ko sa mga balikat ko, isinara sa dibdib ang magkabilang dulo, nakatayo pa rin sa labas, at may init, parang may yumakap sa akin. Naalala ko ang pagyakap ni Dave kanina, at tiningnan ko sina lolo at lola direkta sa mga mukha, may ekspresyong hindi ko maipaliwanag o mailagay sa salita subalit pareho iyon ng ekspresyon sa mukha ni Mama noong umagang sinabi niya sa aking inilibing niya si Target sa bakuran.

Naisip ko si Target at si Dave at ang lahat ng bagay, nilalang, taong mahal ko sa mundong ito at ang ideyang lahat sila, balang araw, madudulas din sa mga daliri ko ay masyadong mahirap, masakit para isipin, damdamin, kayanin, kaya hindi ko napigilang humagulgol sa iyak na parang limang taong gulang na batang sumemplang at nasugatan ang mga tuhod habang nagbibisikleta. Sa bawat hagulgol, nagtataas-baba ang mga balikat ko, hinahabol ang bawat paghinga, nag-aapoy ang mga mata. Wala akong pakialam kung nasa harapan ko sila, gusto kong ilabas ang lahat ng nararamdaman ko, at mas maging totoo at bukas sa kanila dahil mahal na mahal ko sila. Niyakap nila ako, hindi mahalaga sa kanila kung basa ako, niyakap lang nila ako, hinahaplos ni lolo ang likod ko at ibinubulong ni lola na, "Ayos lang iyan apo, ayos lang iyan."

Naisip ko, kahit ilang milya na ang layo sa akin ni Dave, na habang mas lumalayo ang sinasakyan niyang bus, mas lumalaki ang pagitan namin sa isa't isa, alam kong may tahanan pa rin ako.

Pagkatapos kong maligo, kumain kami ng tanghalian. Mga pasado alas-dos ng hapon nang lumabas ako ng kuwarto at sumanib kay lolo sa sala para manood ng TV. May dala si lola na mga tasa ng chamomile tea na galing pang Italy paglabas sa kusina, inabutan kami ng tag-isa, umupo sa tabi namin. Humigop ako rito. Nakakapagpakalma ang saktong init na humahagod sa lalamunan ko, pababa sa dibdib. Sumulyap ako sa labas mula sa bukas nang pinto sa sala at gusto kong pinagmamasdan ang mga ulang tumutulo sa gilid ng bubong ng bahay at ang mga basang puno, halaman at mabababang damo, at ang malungkot na makulimlim na langit. Sa tingin ko, mas gusto ko na ang tag-ulan kaysa tag-araw. Kahit tutok ang mga mata sa pinapanood namin, naagaw ang pansin ko nang marinig na tumunog ang cell phone ko. Pumasok ako ng kuwarto, kinuha ito sa itaas ng aparador, at may mensahe galing kay Mama: I miss you rin anak. May kumawalang ngiti sa akin at ibinagsak ko ang likod ko sa malambot na kamang kakapalit lang ng sapin dahil amoy na amoy ang fabriconditioner sa buong kuwarto. Nakaramdam ako ng ginhawa. Salamat Lola Martha, bulong ko. Naisip ko kung ano ang ginagawa ni Mama ngayon, kung ayos ba siya. Gusto ko siyang tawagan subalit natigilan ako dahil baka maistorbo ko siya. Marahil, sa mga puntong ito, gumagawa siya ng mga lesson plan dahil nalalapit na ang pasukan, halos isang linggo na lang, at sa kauna-unahang pagkakataon, nasasabik akong pumasok para makakilala ng iba, umaasang magkakaroon ng kaibigan, pansamantala, dahil si Dave lang ang kaibigang tunay na kailangan ko sa buhay na ito at habang wala pa siya, kailangan kong humanap ng mga paraan para malagpasan ang pighating idinulot ng kanyang paglisan, para hindi ko siya laging maisip. Hindi iyon magiging madali, alam ko, subalit kailangan kong subukin. Kailangan kong subukin. Kailangan kong humanap ng mga paraan.

Bumalik ako sa sala, ipinagpatuloy ang panonood, inubos ang malamig nang tsaa. Ilang sandali pa, bumigat ang talukap ng mga mata ko, nagpakawala ng mahinang hikab at ipinagkasya sa maliit na espasyong natira sa sopa ang katawan para humiga, pormang arko, ginawang unan ang mga hita ni lolo. Ginawa ko iyon nang hindi nagpapaalam sa kanya. Alam kong ayos lang. Ganoon ang ginagawa ng magkakapamilya, hindi ba? Hinaplos niya ulit ako sa likod, na sa pagkakataong iyon, hinehele ako. At bago tuluyang magdilim ang lahat, sa malabong paningin, naaninag ko si lola, nakatayo sa harapan ko, may dalang kumot na ipinatong sa akin.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon