Chapter 9

6 0 0
                                    

Pasado alas-singko ng hapon, nakita ko ang sariling nakaupo sa silong ng puno ng sampalok malapit sa bahay nila Dave, katabi siya. Umalis ang kanyang mga magulang at kapatid kaninang tanghali; bumisita sa kamag-anak nilang nasa ibang barangay at sa sunod na araw pa ang uwi. Nagpaiwan siya kaya siya lang ang tao ngayong gabi sa kanila. Hawak ko ang librong Changing, hindi binabasa, naninigarilyo siya, pangalawa niya na, hindi kami nag-uusap, hindi tumitingin sa isa't isa. Pinapanood namin ang langit na unti-unting dumidilim habang lumalakas ang tunog ng mga kuliglig. Hanggang tanungin niya ako.

"Kailan 'to nag-umpisa?"

Kailan 'to nag-umpisa? Inulit ko sa isip ko.

Gusto kong inuulit, kahit palihim, ang mga sinasabi niya. Gusto kong angkinin kung anuman ang sa kanya.

"Noong unang araw kitang makita."

Ngumiti siya, napakamisteryoso. At nandoon kami, lalaki sa lalaki, tao sa tao, winawasak ang makapal na pader ng kahihiyan, mga sekreto, pagpipigil, at alinlangan hanggang walang natira kung hindi ang hubad na katotohanan.

"Ikaw?" tanong ko.

"Noong unang araw din."

Tinakpan ko ng libro ang aking mukha dahil ayaw kong makita niyang namumula ako. May kahihiyan pa rin, hindi iyon mawawala, lagi iyong kasama.

"Kilala ko ang sarili ko, pero 'di ko alam sa'yo, hanggang hinawakan mo 'yong ari ko at hinalikan mo 'ko sa isla. At kundi mo naitatanong, alam na alam ko kung ano'ng nangyari noong gabi ng fiesta, at masaya 'kong nangyari 'yon. Sana masaya ka rin."

"Siyempre masaya 'ko, 'di ko 'yon ipagpapalit sa mundo."

Ganito ba ang pakiramdam kapag nakamit mo na ang pinakaninanais mo? Na para bang wala nang imposible sa mundo? O lahat ng bagay ay puwedeng makamit? Mangyari?

"Oo nga pala, napansin ko 'yong litrato ng bahay sa bangin malapit sa dagat, 'yong nakadikit sa pader ng kuwarto mo––painting 'yon ni Monet, 'di ba?" tanong niya.

"Kilala mo si Monet?"

"Si Claude Monet, siyempre."

At pumasok kami sa loob ng bahay nila; sinabing may ipapakita siya. Sa maliit na kuwarto, binuksan niya ang aparador sa sulok, naghalungkat, at sa mga kamay ay may lumang sketchbook. Iniabot niya ito sa akin.

"Kung ikaw mahilig magbasa at magsulat ng tula, ito ako, o sabihin nating ang dating ako," sabi niya.

Binuksan ko ito at huminto sa bawat pahina––naglalaman ng sumatutal labing-limang pinta. May pinta ng nagtataasang kawayan sa tanghaling-tapat, pinta ng orchids at bugambilya, mahabang kalsada, bukas na asul na langit, tanawin ng dagat sa paraiso (hindi ako maaaring magkamali), palubog na araw, at iba pa. Napakaganda ng mga ito na sa gabi, kapag mahimbing siyang natutulog, tahimik akong papasok sa kanyang kuwarto para nakawin ang sketchbook na ito, at kung tanungin niya ako ng: Kinuha mo ba 'yong sketchbook ko? Sasagot akong: Hindi! At hihintayin ko siyang sabihing: Hayaan mo na nga. At ako ang magiging pinakamasuwerteng nilalang sa mundo dahil mapapasaakin ang pag-aaring pinaghirapan niya; ang parte ng kanyang pagkataong hinahawakan niya nang matindi sa kanyang puso.

"Ang galing mo! Walang halong biro!" puri ko.

"Dati."

"Naniniwala 'kong ang talento, puwede mong talikuran o kalimutan, pero 'di 'to mawawala."

"High school pa noong huling beses akong nagpinta."

"Puwes, baka oras na ulit para magpinta ka."

Niyaya niya akong tulungan siyang kunin ang mga nakapastol nilang baka. Nag-uusap kami tungkol kay Monet habang naglalakad. Noong second year high school, may nakita siyang picture book sa library––The Haystacks Series by Claude Monet. Namangha siya kung paano ipinta ni Monet ang parehong subject sa magkakaibang oras ng araw at panahon ng taon at sa istilo nitong Impressionism. Simula noon, nahilig siyang magpinta.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon