Chapter 4

16 0 0
                                        

Tahimik ang buong bahay. Nakabukas ang pinto sa sala at malayang pumapasok ang sinag ng araw sa loob. Pumunta ako sa kusina at nandoon si Lolo Isko, nagbabasa ng diyaryo habang nagkakape. Napatingin siya sa akin.

"Gusto mo ba ng kape apo?" tanong niya.

Tumango ako at umupo sa tabi niya. Kinuha niya ang termos at ipinagtimpla ako. May supot ng pandesal sa mesa, kumuha ako ng isang piraso, isinawsaw ito sa kapeng umuusok pa, isinubo.

"Nasaan po si Lola Martha?" tanong ko.

Sumagot siya matapos humigop sa kape.

"Pumunta ng bayan apo para mamalengke kasama si Raul."

Sinabi niyang ngayong araw na ito, biyernes, ang Market Day rito sa Anda. Pag-ubos ko ng kape, tinanong ko siya kung saan ang bahay nila Dave. Ipinaliwanag niya kung paano makapunta roon. Tinanong niya kung bakit gusto kong malaman at sinabing may kailangan akong ibigay kay Dave. Tumayo ako, pumasok ng kuwarto, binuksan ang backpack kong nakahimlay malapit sa aparador at kinuha ang gray kong notebook. Napasulyap ako sa salamin, inayos ang buhok, lumabas ng kuwarto, nagpaalam kay lolo saka lumabas sa sala.

Habang naglalakad, pinaghalong amoy ng lupa at damo ang umagang hangin. Sa paligid, may nagtataasang kawayan at mangilan-ngilang puno ng silag. May inahing manok kasama ang kanyang mga sisiw sa gilid ng maliit na bundok ng dayami, naghahanap ng makakain. May ilang bahay akong nalagpasan hanggang maagaw ang atensiyon ko ng dilaw na bahay na gawa sa plywood, may mga naggagandahang orchids at bugambilyang nakapalibot sa harapan at may puno ng sampalok sa malapit, gaya ng pagkakalarawan ni lolo. Nakita ko si Dave, nakabilad sa araw, nagsisibak ng kahoy, walang pang-itaas. Napalingon siya sa presensya ko. Lumapit ako. Tumutulo ang mga pawis sa mukha at dibdib niya.

"O, bakit ka nandito?" pagkagulat niya. Napatingin siya sa hawak ko.

"Namamasyal lang. Itinuro ni lolo sa 'kin 'tong bahay niyo," sagot ko.

Binitiwan niya ang palakol, kinuha ang bimpo sa balikat at pinunasan ang mga pawis sa mukha, sa dibdib, pababa ng mga braso saka niyaya akong pumasok sa loob. Naghuhugas ng mga pinagkainan si Manang Rosa. Binati ko siya. Tinanong niya kung nag-almusal na ba ako. Malugod kong sinabing tapos na. Dumeretso kami sa maliit na sala, umupo. Nakabukas ang TV at nandoon ang kapatid niyang si John Paul, nanonood ng cartoons. Iniabot ko sa kanya ang notebook.

"Ano 'yan?" tanong niya. Kinuha ito, tiningnan sandali subalit hindi binuksan.

"'Yong mga tula ko."

Ngumiti siya. Ibinalik ang notebook sa akin, sinabing,

"Teka, magbibihis lang ako."

Pumasok siya ng kuwarto. Paglabas,

"Tara!" yaya niya.

"Saan?"

"May malapit akong tambayan dito. Basahin mo ang mga tula mo sa 'kin doon."

May nadaanan kaming naglalawakang bukirin at may mga nagkalat na baka at kambing sa paligid na malayang kumakain ng damo. Huminto kami sa tapat ng malaking puno ng mangga, mas malaki kaysa sa puno malapit sa balon doon sa likod-bahay, at mula roon, tanaw na ang dagat: may mga bangka at balsang namamahinga sa dalampasigan. Umupo kami sa ilalim ng puno, sa mga nakausling ugat, nakaharap sa dagat.

"Umpisahan mo na," sabi niya.

"Basahin mo na lang, nahihiya 'ko."

"'Wag ka nang mahiya."

May dalawang katotohanan akong alam nang sandaling iyon. Una, nahihiya ako at totoo iyon. Pangalawa, gusto kong magbasa sa harap niya at totoo rin iyon. Ipinaliwag kong dalawampu't isang tula na sa ngayon ang naisulat ko subalit isa lang ang aking babasahin, ang pinakapaborito ko sa lahat at siya na ang bahalang magbasa ng iba.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon