Tanghalian. Sa kusina.
Nakaupo ako sa tabi ng mesa, nakadungaw sa labas, pinagmamasdan ang bawat dahong bumabagsak galing sa mga nagsasayawang puno ng kawayan dulot ng malakas na hangin habang inihahanda nina Lolo Isko at Lola Martha ang mga pagkain nang pumasok si Mang Raul sa pinto.
"Magandang tanghali!" bati niya. May ginang sa likod niya. Bumati rin ito. Sunod na pumasok ang batang lalaking may hawak na laruang eroplano. At ang huli, si Dave. Tumingin siya sa akin nang tatlong segundo bago inilayo ang tingin. Misteryoso.
"Umupo na kayo," sabi ni lola.
Pumalibot sila sa mesa. Sa bakanteng upuan sa pagitan namin ng batang lalaki umupo si Dave. Nang handa na ang lahat, umupo na rin sina lolo at lola. May nakahaing sinigang na hipon, pritong isda, ginataang alimasag, dalawang bandehadong kanin at ang ginawa kong mango juice gamit ang blender na nasa babasaging pitsel. Lumingon sa akin si lolo, sa kaliwa ko, sinabing, "Apo, ikaw ang magdasal."
Huminto ang pagtibok ng puso ko, sanhi para panandaliang huminto ang sirkulasyon ng dugo sa katawan ko, kaya pakiramdam ko, namutla ako. Hindi ako paladasal kaya hindi ko alam ang idadasal at kung marunong man, hindi ko rin pipiliing magdasal sa harap ng marami.
"Kayo na lang po ang magdasal lo," tugon ko. Sa kanan ko, napangisi si Dave.
"Ikaw na, sige na," pilit niya. Bumalik sa pagtibok ang puso ko, ngunit ngayon, sa hindi normal na bilis. Hindi pa rin ako nagsasalita. Natuyo ang lalamunan ko. Hanggang sa,
"Ako na po ang magdadasal," boluntaryo ni Dave. Nag-umpisa siya at nang matapos, lumingon siya sa akin, ngumiti at kumindat. Makapal ang mga kilay niya. Mahaba ang mga pilik-mata na lalong nagpapatingkad sa nakakaakit niyang mukha.
Inumpisahan namin ang salo-salo. Nag-uusap sina lolo, lola, Mang Raul at Manang Rosa tungkol sa pagtatanim ng palay kapag nag-umpisa na ang tag-ulan––pagsapit ng buwan ng Hunyo––habang ako, si Dave at ang batang lalaki, tahimik na kumakain. Inabot ko ang pitsel nang tanungin ako ni Mang Raul at nabaling sa akin ang usapan.
"Iho, totoo bang dito ka na mag-aaral?"
Itinungga ko ang baso ng mango juice bago ipaliwanag na,
"Opo, dito ko ipagpapatuloy ang pag-aaral ng high school at dito na rin po 'ko sa Pangasinan magka-college."
Matawa-tawang sumabat si lolo. "Pasaway kasi itong apo ko sa Maynila sabi ni Francine kaya pinauwi rito para magtino."
Totoo ang sinabi niya, subalit ang hindi nila alam, sinadya ko ang lahat ng iyon para matupad ang plano ko.
Matapos kumain, sinabi ko kay lola na ako na ang maghuhugas ng mga pinagkainan ngunit tumanggi siya; sinabing siya na ang bahala. Kaya naman, pumasok ako ng kuwarto, kinuha ang cell phone ko, headset, shades, lighter at sigarilyong maingat kong itinago sa aking bulsa saka lumabas papuntang likod-bahay at humiga sa papag na kawayan, sa ilalim ng malaking puno ng mangga. Nagshades ako. Matirik man ang araw ng tanghaling-tapat, napakasariwa at presko naman ng hangin. Iyong tipong hinding-hindi mo matitikman sa siyudad. Sa bahay namin sa Maynila, dahil nakatira kami malapit sa kalsada, wala kang ibang maririnig araw-araw kung hindi ingay ng mga sasakyan, usapan ng mga taong dumadaan o sigawan ng mga kapitbahay. Pero sa puwesto ko ngayon, nalulunod ako sa tunog ng mga dahong sumasabay sa ihip ng hangin at sa huni ng mga ibon.
Nalulunod ako at ayaw ko nang umahon pa.
Isinuot ko ang headset ko. Pinatugtog ang album na Brand New Eyes ng paborito kong bandang Paramore na kakalabas lang nitong huling Setyembre. Nagsindi ako ng sigarilyo. Nasa likod ng puno ang papag kaya hindi madaling makitang naninigarilyo ako kung sakaling may dumating. Ipinikit ko ang aking mga mata, tahimik na sumasabay sa kanta habang palihim na humihithit ng sigarilyo. Natapos ang kanta, tinanggal ko ang headset ko, nakatitig sa nakasisilaw na sinag ng araw na tumatagos sa mga sanga at dahon mula sa lente ng shades ko, nalulunod sa mapayapang pagkakataon nang mapatalon ako sa kinahihigaan dulot ng matinding gulat dahil sa narinig na Hoy!
Si Dave.
Humalakhak siya.
"'Tang ina naman!" bulyaw ko. Nag-iinit ang mukha.
Patuloy lang siya sa pagtawa. May hawak na baso at pistel ng mango juice na inilapag niya sa papag.
"Pasaway ka nga," sabi niya. "Alam ba ng lolo at lola mong nagyoyosi ka?" Nakatayo siya sa harapan ko; kalahating metro ang layo sa akin. Wala akong ibang nararamdaman nang sandaling iyon kung hindi kuryente ng galit laban sa kanya. Gusto kong umalis subalit mas pinili kong manatili. Nandoon lang siya. Nakatingin sa akin. Hindi ko siya pinapansin. At wala akong balak na sagutin ang tanong niya para ipakita ang pagkamuhi sa kanya.
"Ganito," sabi niya, "dahil 'di ka nagsasalita, isusumbong na lang kita." Nag-umpisa siyang maglakad palayo. Muling tumibok nang mabilis ang puso ko sa kaba, gaya ng nangyari kanina. Hindi maaaring malaman nina lolo at lola na naninigarilyo ako. Sa sandaling mangyari iyon... katapusan ko na.
"Teka lang!" sigaw ko. Tumayo ako, tinanggal ang shades. Huminto siya, lumingon sa akin, may pilyong ngiti. "'Wag mo 'kong isumbong."
Naglakad siya pabalik, nakangiti pa rin, saka inagaw ang paubos na sigarilyo sa mga daliri ko at hinithit ito.
"Nakakabagot dito sa baryo kapag wala kang kaibigan." Seryoso ang mukha niya nang bitiwan ang mga salitang iyon. At nang maubos ang sigarilyo, isinubsob niya sa lupa ang nagbabaga at umuusok pang upos nito bago itapon sa kawayanan.
"Dave nga pala," pakilala niya. Ipinorma ang kanang kamay para makipagkamay. Nagdalawang-isip ako kung makikipagkamay ako pero ginawa ko ang sa tingin kong tama.
"Jeff."
Malaki ang kamay niya. Binalot nito ang kabuuan ng akin.
"May utang ka sa 'kin," sabi niya.
Napakunot ang noo ko. "Anong utang?"
"Kanina, isinalba kita."
Napangisi ako. Alam ko kung ano ang tinutukoy niya.
"Siyempre, may utang ka, dapat mong bayaran."
"Ano ba'ng puwede kong ibayad?"
Natahimik siya; nilinis ang lalamunan at sinabing, "Simple lang, maging magkaibigan tayo."
Ako naman ang natahimik. May tumusok na kaba sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit.
"Ano? Payag ka?" tanong niya.
"Dahil ayokong magkautang sa'yo, sige, payag ako," sagot ko.
Ngumisi siya. "At dahil magkaibigan na tayo, 'di ko na sasabihin sa lolo at lola mong nagyoyosi ka. Sekreto lang natin 'yon."
Napabuntong-hininga ako. "Salamat."
Naglagay siya ng mango juice sa baso at itinungga ito nang napakabilis––may kompyansa, may angas, may dating––saka tumayo at nagpaalam.
"Sige, Jeff."
Hinimas niya ang ulo ko dahilan para magulo ang buhok ko at naglakad pabalik sa loob. Bakat na bakat ang magandang hulma ng mga kalamnan sa likod niya mula sa manipis na T-shirt dahil sa tumatamang araw sa kanya. Nagbabakasakali akong lilingon siya subalit hindi nangyari hanggang maglaho siya nang tuluyan sa paningin ko. Naglagay ako ng mango juice sa baso, isinuot ang headset, at nasa akto na akong iinumin ito nang matigilan.
Naisip ko, sa basong ito inilapat ni Dave ang mga labi niya.
Naisip ko, siguro, may natuyong laway niya rito.
Pinaikot ko ito sa mga daliri ko, pinagmasdang mabuti, hanggang mahuli ang sariling inaamoy ang palibot ng bibig ng baso.
BINABASA MO ANG
SUMMER OF 2010: A Novel
Romance🏆 The Wattys Awards 2022 Shortlisted First friend. First love. A summer of many firsts. Walang ibang ninanais si Jeffrey kung hindi ang malayo sa magulong buhay sa Maynila. Gumawa siya ng paraan para pauwiin ng kanyang mga magulang sa bahay ng ka...