Mayo.
Maaga akong gumising dahil magpapa-enroll ako ngayon. Bago tumayo, pinagmasdan ko ang kisame, iniisip kung magiging maganda ang araw na ito. Umunat ako pagkatapos para tuluyang gisingin ang sarili. Paglabas ng kuwarto, pumunta ako ng kusina at nandoon si Lola Martha, kakatapos lang maligo. Si Lolo Isko ay nagkakape.
"Apo, mag-almusal ka na," sabi ni lola.
"Sige po la," sagot ko. Umupo sa tabi ni lolo. "Magandang umaga lo!" bati ko na para bang siguradong magiging maganda ang araw na ito.
"Magandang umaga rin apo!"
Pritong hotdog, scrambled egg, sinangag na kanin at pandesal ang mga handang almusal sa mesa. Ang mga paborito ko. Nagtimpla ako ng kape. Napapikit sa mapait na amoy nito. Pumasok si lola ng kuwarto para magbihis.
"Magpapa-enroll ka ngayon, hindi ba?" tanong ni lolo.
"Opo." Humigop sa kape ko.
"Nasasabik ka na ba sa pasukan?"
Sa seryosong boses, sumagot ako.
"Ang totoo po niyan, kung puwede lang, ayoko pang magpasukan."
Tinanong niya kung bakit.
"Kasi ang ibig sabihin niyon, kailangan nang bumalik ni Dave ng Maynila. Gusto ko pa siyang makasama nang matagal kasi po..." gusto kong lagi siyang kasama... kasi po hindi ko kayang isipin ang isang araw na wala siya... kasi po gusto ko siya, "masaya siyang kasama."
Natahimik siya sandali at sinabing,
"Hinahangaan ko ang nabuong pagkakaibigan niyo ni Dave apo. Maniwala ka. At alam kong malulungkot ka kapag umalis na siya. Pero mga bata pa kayo at sa edad niyong iyan, ang buhay ay tungkol sa pag-usad, tungkol sa paglalakbay at paghahanap ng mga sarili niyo, ng mga bagay na gusto niyo. At kung talagang nagmamalasakit ka sa kanya at sa pagkakaibigan niyo, oo, alam ko, may pighati, pero kailangan mo iyong yakapin at hayaan siyang bumagsak sa sarili niyang mga paa at maghintay kung babalik siya. Kahit itinatago mo sa amin, sa akin, alam kong matalino ka, kaya alam kong maiintindihan mo itong sasabihin ko apo. Tandaan mo, hindi masusukat ang kadakilaan ng mga bayani sa kung gaano kabilis o katagal silang bumalik, bagkus, ito ay sa kakayahan nilang bumalik. "
Hindi ko alam ang sasabihin pero gusto ko siyang yakapin at umiyak sa kanyang dibdib. Masuwerte akong nagkaroon ng lolo na gaya niya, pero, sa mga sinabi niya, naisip ko: May gusto kaya siyang ipahiwatig? Iparating? Ang talinhagang binigkas niya? Alam kaya niya? Alam na kaya niya ang namamagitan sa amin ni Dave? Hindi ako sigurado. At kung sakaling alam na niya, ni lola, nila at ng buong mundo... hindi ako matatakot o mahihiya. Iyon ang bagay na sigurado ako.
Pagkatapos maligo, sinabi ko kay lola na kay Dave na lang ako magpapasamang magpa-enroll dahil sumagi sa isip kong ilang linggo na lang, maghihiwalay na ang aming mga landas at gusto kong sulitin ang nalalabing araw namin sa isa't isa.
Hindi siya humindi.
"Dederetso na rin po kami sa bayan para bumili ng mga gagamitin ko sa eskuwelahan," paalam ko sa kanya.
"O sige apo, basta mag-ingat kayo."
Naglakad ako papunta kina Dave. Tulog pa siya nang pumasok ako sa kuwarto kaya ginising ko siya. Hindi niya inaasahang nandoon ako kaya nagulat siya pagdilat. Hindi niya alam kung gaano ako kasaya sa ideyang ako ang una niyang nakita paggising niya. Gusto kong laging ako ang makikita niya pagdilat sa umaga tulad ng pagnanais kong makita ang kanyang mukha, sa tabi ko, sa iisang kama, sa ilalim ng iisang kumot, sa iisang bahay, bago ipikit ang aking mga mata sa gabi.

BINABASA MO ANG
SUMMER OF 2010: A Novel
Romance🏆 The Wattys Awards 2022 Shortlisted First friend. First love. A summer of many firsts. Walang ibang ninanais si Jeffrey kung hindi ang malayo sa magulong buhay sa Maynila. Gumawa siya ng paraan para pauwiin ng kanyang mga magulang sa bahay ng ka...