Chapter 13

6 1 0
                                    

Nagising ako sa mainit na halik niya.

"Gising na pogi," bulong niya. Dumampi ang hininga sa aking pisngi. Umupo siya sa gilid ng kama, sa tabi ko, may hawak na dalawang tasa ng kape, iniabot sa akin ang isa.

"Kanina ka pa ba gising?" tanong ko.

Natahimik siya sandali, parang inisip pa ang sasabihin.

"Kakagising ko lang."

Kakaiba ang lalim ng kanyang mga mata, ang buong presensya, na parang nandoon siya, kasama ko, subalit wala rin siya roon, nakakulong sa isang masamang panaginip at hindi makahanap ng daan palabas, para makatakas, magising. Lumapit ako sa kanya, nagtanim ng halik sa kanyang mga labi, umaasang kahit papaano, makakatulong iyong bawasan ang mga bumabagabag sa kanya dahil wala nang mas sasakit pa sa tuwing nakikita ko siyang ganoon. At iba rin ang sakit na naidudulot ng sarili kong kaduwagan, hindi pagkakaroon ng lakas ng loob, na tanungin, alamin, tuklasin, kung ano ang gumagambala sa kanya, sa takot na malaman ang katotohanang ako ang dahilan.

Sumakay kami ng taxi at bumaba sa terminal ng van kung saan kami sasakay patungong DENR Station. Habang hinihintay mapuno ang van ng mga pasahero, ginamit namin ang pagkakataon para manigarilyo at uminom ng coke. Narating namin ang opisina ng DENR mga alas-otso ng umaga. Nagregister kami at dumalo sa mandatoryong Pre-climb Orientation na tumagal ng isang oras. Pagkatapos, sumakay kami ng jeep papuntang Babadac Ranger Station kung saan namin uumpisahan ang pag-akyat sa bundok na binansagang The Playground of Gods. Kumuha kami ng tour guide dahil kailangan at siya si Mang Angelito, limamput anim na taong gulang, ipinanganak at lumaki rito sa Bokod, Benguet. May maliit na banyo malapit sa kalsada na sa tingin ko ay sinadyang gawin para sa mga aakyat ng Mount Pulag. Pumasok kami roon ni Dave para magbihis, at sa salaming nasa pader sa itaas ng maruming lababo, kita ang repleksyon naming dalawa, nakatingin siya sa akin, nginitian ko siya, ngumiti siya pabalik at sinabing,

"Masaya 'ko dahil kasama kita."

"Masaya 'ko dahil isinama mo 'ko."

"Nasasabik ka na ba?"

"Higit pa sa nasasabik."

Lumapit siya sa likod ko, binalot ang mga braso sa dibdib ko at nag-iwan ng halik sa ibabaw ng aking ulo.

Inumpisahan namin ang paglalakad, at sa bawat araw ng buhay ko, naglalakad ako, tulad ng iba, hindi ito bago sa akin, kasing normal ng paggising sa umaga o pagtulog sa gabi, subalit hindi ko pa nasubukang maglakad para umakyat ng bundok, at ang ideyang iyon ang humahamon at nagpapasabik sa akin, bukod sa katotohanang aakyatin ko ito kasama siya. Isang gabi lang kaming mamamalagi sa Mount Pulag kaya payo ni Mang Angelito, kung nais naming masaksihan ang makaagaw-hiningang sunset at sea of clouds bago kumagat ang dilim, kailangang limitahan ang mga gagawin naming paghinto, at ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko, subalit minsan, hindi ko maiwasang huminto sa hingal, pagod, at ang hangin ay panipis nang panipis habang umuusad kami paitaas, dahilan kung bakit madalas akong mahirapang huminga. Halos dalawang talampakan lang ang lapad ng Ambangeg Trail, na patarik nang patarik habang tumatagal. Naglipana sa dinadaanan namin ang mga tuyong dahon, putol na mga sanga, nakausling mga ugat ng punong-kahoy at mga batong iba't iba ang laki at hugis, at sa paligid, naghahari ang helera ng mga puno at halaman.

Si Mang Angelito ang nasa unahan, sa likod niya si Dave, ako ang nasa huli. Habang naglalakad,

"Nakalimutan kong itanong kanina, taga saan kayo mga iho?" tanong ni Mang Angelito.

"Pangasinan po," mabilis na sagot ni Dave.

"Ano'ng dahilan bakit niyo naisipang akyatin itong Pulag bukod sa dinarayong sunset at sea of clouds?"

"Dahilan?" tugon niya.

"Karamihan kasi ng mga umaakyat dito, may dahilan. Iyong iba may gustong patunayan sa sarili, mayroon ding mga nabigo sa pag-ibig at gustong makalimot, may mga naliligaw sa buhay at nagbabakasakaling dito mahahanap ang kanilang sarili, at iyong iba, naghahanap lang ng sakit ng katawan. Nalaman ko ang lahat ng iyon dahil sa tatlong dekadang pagtatrabaho ko rito. Ang dami kong nakasalamuhang tao, iba't ibang klase ng ugali, maniwala kayo, at sa lahat ng mga naging kliyente ko, ang pinakatumatak sa akin ay iyong mga kumplikado. Sino ba namang makakalimot sa mga ganoong klase ng tao, hindi ba? Pero balik tayo sa tanong ko, ano'ng dahilan bakit kayo nandito?"

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon