Chapter 1

72 5 1
                                    

Matagal kong hinintay na dumating ang araw na ito.

Ako, si Mama, nasa loob ng itim na 2006 Honda Civic. Nakaparada kami sa labas ng Five Star Bus Terminal sa Pasay. Nakatingin sa isa't isa. Walang salitang lumalabas sa mga labi namin. Namumula ang mukha niya na parang iiyak siya anumang sandali. Niyakap ko siya dahil iyon ang alam kong paraan ng pagpapaalam sa magulang kahit hindi ko gustong gawin. Niyakap niya ako nang mahigpit bilang ganti. Halos hindi ako makahinga. At gaya ng inaasahan, humagulgol siya ng iyak.

"Mamimiss kita anak," sabi niya.

"Ako rin," tugon ko.

Pero ang totoo, hindi ako mangungulila sa kanya.

Kahit iisa akong anak, hindi naging malapit ang loob ko sa mga magulang ko. Lumaki akong inaalagaan ng kapitbahay naming si Ninang Beth dahil laging abala sa trabaho si Mama bilang English Teacher. Si Papa naman ay seaman––isang beses lang sa loob ng dalawang taon kung siya ay umuwi. Suntok sa buwan kung makasama namin siya.

Binuksan ko ang kotse at kinuha ang backpack at maleta ko sa likod nito. Palapit na ako ng bus nang tawagin ni Mama ang pangalan ko.

"Jeffrey!"

Naglakad ako pabalik. Napabuntong-hininga.

"Pagdating mo ng Anda, i-text mo ako. Okey?" bilin niya. Pinupunasan ang mga luhang tumulo sa mga pisngi. Tumango ako at mabilis na umalis. Binagabag ako ng konsensya ko sapagkat naramdaman ko ang sinseridad ng kalungkutan niya, at ito ako... walang pakialam.

Naisip ko, galit ka sa kanya, hindi ba?

Naisip ko, tama! Kaya hindi ka dapat maawa.

Umupo ako sa dulo ng bus, tabi ng bintana. Kinuha ko sa backpack ang librong When We First Met, binasa ang ilang natitirang pahina, at nang marating ang wakas, halos mapaiyak ako dahil nagkatuluyan sina Jenny at Rob sa kabila ng mga pinagdaanan nila. Isinuot ko ang shades at headset ko. Isinandal ang likod at ulo sa upuan saka nakinig ng musika sa aking Blackberry phone. Maya-maya pa, umalis na ang bus. Nakadungaw ako sa bintana. Wala na si Mama.

Gusto kong bumabiyahe ng gabi, lalo na kung mahaba ang biyahe, at dahil iyon sa kapayapaan, seguridad at sentimental nitong ipinaparamdam sa akin. Noong nakaraang taon, isinama ako ni Mama sa Zambales para bisitahin ang kapatid niyang si Tita Naomi. Gabi rin noong bumiyahe kami. Nasa likod ako––walang tigil na pinagmamasdan ang maluwang at madilim na kalsada at ang liwanag ng mga kabahayan at gusaling mabilis na naglalaho sa paningin ko tulad ng mga nahuhulog na bulalakaw sa langit.

Sabi ni Mama, apat hanggang limang oras ang biyahe papuntang Anda, Pangasinan, kaya ipinikit ko ang mga mata ko.

Nagising ako sa mabigat na tapik sa balikat ko. Tinanggal ko ang headset ko.

"Pogi, Anda na," sabi ng konduktor. Umunat ako sandali bago tumayo. Pagbaba ng bus, kinuha ng konduktor ang maleta ko sa compartment. Nagpasalamat ako sa kanya. Tinext ko si Mama, gaya ng bilin niya, bago tawagan si Lola Martha. Nakailang tunog ang cell phone niya bago sagutin.

"La, nandito na po 'ko sa bayan."

"Sige apo, tatawagan kita kapag papunta na iyong magsusundo sa iyo."

"Okey po."

Natanggap ko ang tawag pagkaraan ng limang minuto. Raul ang pangalan ng magsusundo sa akin. Nabagot ako kaya kinuha ko ang kaha ng Malboro Lights sa bulsa ng backpack, kumuha ng sigarilyo at sinindihan ito sa dilim. Walang ideya si Mama na naninigarilyo ako, at kung sakaling malaman niya, o ni Papa, kasusuklaman nila ako, alam ko, pero hindi ako natatakot. Ang ikinakatakot ko ngayon ay kapag nalaman nina lolo at lola. Sigurado akong magagalit sila, na maaaring maging dahilan para pabalikin nila ako ng Maynila, at ayaw kong mangyari iyon. Ayaw kong masira ang plano ko una sa lahat. Walang sinuman ang dapat na makaalam ng sekreto ko.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon