Chapter 14

4 0 0
                                    

"Ano'ng iniisip mo?" tanong ni Dave habang nakadungaw ako sa bintana ng bus. Pauwi na kami. Napabuntong-hininga ako, malalim, kasing lalim ng iniisip ko subalit mas piniling magsinungaling.

"W-wala." Hinawakan ko ang kamay niya––nakakandado ang mga daliri namin sa isa't isa. Hinigpitan ko ang hawak, hiniling na sana, sapat na iyon para hindi siya umalis, para hindi siya liparin ng hangin palayo, para hindi ko siya mapakawalan. Subalit ang totoo, hindi ko alam kung paano hawakan ang sinuman o anuman nang hindi natatanggal ang aking kapit.

Walong taong gulang ako, bumaba si Papa ng barko. Umuwi ng Pilipinas para magbakasyon ng isang buwan. Naghihintay kami ni Mama sa airport at tinanong ko sa kanya kung bakit walang dagat, walang barko kung saan manggagaling si Papa at naalala kong tumawa siya, malakas, hindi ko maintindihan kung bakit at ipinaliwanag niya ang lahat. Walong taong gulang ako, mangmang, nag-uumpisang magsaliksik, unti palang ang nalalaman sa mundo. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakakita ako ng eroplano, malapitan. Napakalaki, parang hindi totoo, nakakamangha, sinabi ko sa sarili noong araw na iyon na magiging piloto ako paglaki. Sumunod na araw, pumunta kami ng mall. Nanood ng sine, pumunta sa Toy Kingdom (nagpabili ako ng laruang eroplano, isang talampakan ang haba, de-remote control), sa Department Store, at pagkatapos, kumain kami sa McDonald's, pakiramdam kong ako ang pinakamasayang bata sa buong daigdig. Bago umuwi, nilibot namin ang mall na puno ng mga dekorasyon pang-pasko. Ilang linggo na lang niyon, magpapasko na. Habang naglilibot, naagaw ang atensiyon ko ng isang maliit at itim na nilalang sa loob ng hawla, nakatingin sa akin, nakalabas ang dila, mula sa Pet Shop. Bumitaw ako kay Mama at tumakbo palapit sa salaming pader, sa tuta. Winagwag nito ang kanyang buntot at tumalon-talon. Nagpapakawala ng maninipis na tahol, rinig ko sa labas, sinusubukan akong abutin at sa puntong iyon, alam kong gusto niya ako at gusto ko rin siya.

Pumasok kami sa loob at pinilit si Papa na bilhin ang tuta. Hindi niya ako pinahirapan. Bumili kami ng dog food at ng iba pa niyang kakailanganin. At hindi lang pakiramdam, bagkus, ako talaga ang pinakamasayang bata noong araw na iyon sa buong daigdig. Tinanong ni Papa kung ano ang ipapangalan ko sa alaga ko at sinabing pag-iisipan ko pa. Kinagabihan, pagkatapos kumain, naupo kami nina Mama at Papa sa sala, nanood ng TV. Inabot ni Papa ang remote control sa ibabaw ng coffee table, inilipat ang channel dahil puro karahasan ang nangyayari sa teleseryeng pinapanood namin. Natigilan siya sa ipinapalabas na dokyumentaryo tungkol sa mga katutubong nakatira sa gubat at kung paano sila nabubuhay sa pamamagitan ng pangangaso. Ipinapakita kung paano nila ginagawa ang mga gamit na sibat at pana, kung saang parte ng gubat dapat mangaso, kung ano ang magandang oras para mangaso at kung paano ang tamang paghagis ng sibat at pagtira ng pana sa mga target nilang hayop. Sa bawat eksenang nakakahuli sila ng usa o kuneho o malalaking uri ng ibon, wala akong ibang nararamdaman kung hindi awa sa mga ito, subalit wala akong muhi sa mga katutubo dahil naiintindihan ko sila, ginagawa nila iyon para mapanatili ang mga sarili at pamilya nilang buhay. At naisip ko, adobong manok ang ulam namin kanina at noong tanghalian, nilagang baboy.

Hindi ako naiiba sa kanila.

Nang dumalaw ang antok, pumasok ako sa kuwarto, gumapang sa kama, nagtakip ng kumot dahil sobrang lamig ng Disyembreng iyon at hindi pa rin nawawala sa isip ko ang mga katutubong iyon––kung paano sila nabubuhay ng ganoon at iyon!, alam ko na ang ipapangalan sa alaga ko: Target. Sa kabila ng awa ko para sa mga nahuhuli nila dahil sa sandaling makita ng mga katutubo ang kanilang target, sa pagkabihasa sa pangangaso, walang ibang kauuwian ang hayop na iyon kung hindi ang kanilang mga tiyan. At namamangha ako sa konsepto kung paano ang ibang bagay ay nagpapanatiling buhay sa iba. Gaya ng mga katutubong iyon na binubuhay ng mga hayop na nahuhuli nila, o ng dagat sa mga isda, o ng araw sa mga puno, at alam ko, habang nasa piling ko si Target, may isang magandang rason para manatili akong buhay, para mabuhay. Subalit gaya sa mga pelikula, dumating ang araw na kinatatakutan ko, mag-aapat na buwan na siya niyon at isang umaga, nawalan siya ng ganang kumain. Dinala namin siya ni Mama sa beterenaryo. Walang nakitang sakit sa kanya. Pinayuhan kaming magpalit ng dog food at niresetahan ng gamot pampaganang kumain. At ginawa namin ang lahat ng iyon: walang gumana. Apat na araw na siyang hindi kumakain. Isang gabi, habang pinapanood siyang matulog, kinausap ko siya, sinabing, "Kundi mo na kaya, sige... magpahinga ka na." At hinalikan ko siya sa mabalahibo niyang ulo.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon