Chapter 12

7 1 0
                                    

Sabado. Ipinapastol ko ang mga kambing ni Lolo Isko sa ilalim ng alas-otsong araw nang biglang sumulpot si Dave sa aking likuran, nakasandong itim na suot niya noong unang araw kaming magkita.

"May maganda 'kong plano," sabi niya. Umaapaw ang galak at pananabik sa boses. Napakunot ang noo ko. May malaking markang tanong sa harap ng mga mata.

"Ano 'yon?"

"Pupunta tayo ng Benguet, aakyat tayo sa Mount Pulag."

Nagpatuloy siya habang tahimik akong nakikinig. Hindi alam ang magiging reaksiyon.

"Malapit na 'kong umalis. Gusto ko sanang makasama ka sa lugar na pangarap kong puntahan."

May humaplos sa puso ko sa sinabi niya, mainit. Ang Mount Pulag ang pinakamataas na bundok sa Luzon at pangatlo sa buong Pilipinas sabi niya.

"Pero bago 'yon, mamamasyal muna tayo sa Baguio. Doon magpapalipas ng dalawang gabi. Hayaan mo, ako ang nagyaya kaya 'ko ang taya," dagdag niya.

Parang dugong tumakbo sa mga ugat ko ang matinding pananabik kaya sumang-ayon ako subalit sinabing kailangan kong magpaalam. Kinagabihan, habang nagliligpit ng mga pinagkainan, kinausap ko sina lolo at lola. Sinabing pupunta kami ni Dave sa ganito at aakyat sa ganyan at mawawala kami ng tatlong araw at niyakap ko silang dalawa sa kauna-unahang pagkakataon dahil lagi silang umuoo sa mga pagpapaalam ko, tanda ng pagtitiwala sa akin at mahal na mahal ko sila ngunit sinabing kailangan ko pa ring magpaalam kay Mama. Bago matulog, nakaupo sa kama, nakadungaw sa bintana, kinuha ko ang cell phone ko, hinanap ang numero niya, tinawagan. Hindi maikakaila ang kabang gumagapang sa katawan ko. Sa una, alangan siya sa aking sinabi blah blah blah pero ipinaliwanag kong mabuti na mag-iingat kami blah blah blah kaya pumayag siya. Mahimbing akong nakatulog ng gabing iyon. Kinabukasan, hindi mahagilap ang haring araw sa kalangitan, makulimlim, akala ko uulan nang sinabi ko kay Dave ang magandang balita at pareho kaming masaya buong maghapon na para bang huling araw na namin sa daigdig. Kinagabihan, nag-impake ako ng mga gamit at hindi ko alam kung paano ako nakatulog dahil wala akong ibang iniisip kung hindi ang bukas.

Lunes. Nasa sala ako, nakaupo sa sopa. Sa tabi, nakaupo rin ang backpack kong naglalaman ng pang-tatlong araw na damit at ibang gamit na kakailanganin ko at sa tingin kong kakailanganin ko. Hinihintay si Dave. Maya-maya, narinig ko ang tunog ng tricycle ni Mang Raul, parating, huminto sa tapat ng bahay. Mula sa kinauupuan ko, nakita ko siyang pumasok sa kusina, binati sina lolo at lola. NakaT-shirt siyang pinapatungan ng long sleeves, hindi nakabutones ang harap at nakatupi ang mga manggas hanggang siko, nakamaong na shorts, kupas na asul ang kulay, gaya ng tanghaling-langit, nakasneakers. Pasan ang backpack niya, may bitbit na tent. Naglakad siya papunta sa akin, nakangiti, lalong lumabas ang taglay na nakakaakit na itsura, akala ko, mahihimatay ako habang nakatitig sa kanya.

"Ano? Tara na?" tanong niya, nakatayo sa harapan ko.

Mas pinili kong tumango para sabihing Tara! kaysa magsalita dahil natuyo ang aking lalamunan.

Bago umalis, niyakap ko sina lolo at lola sa pangalawang pagkakataon. Hinalikan ako ni lola sa pisngi, at naisip kong dadalasan ang pagyakap sa kanila para ipakita kung gaano ko sila kamahal. Nagpaalam kami sa kanila na parang mawawala kami ng isang taon.

"Mag-ingat kayo mga iho," bilin ni lolo bago kami humakbang palabas.

Sumakay kami sa tricycle. Binuksan ni Mang Raul ang makina at bago umarangkada paalis, sinulyapan ko ang bahay. Manipis at mainit ang ihip ng hangin. Tatlong araw lang kaming mawawala subalit nalulunod ako sa mga higanteng alon ng emosyon. Mangungulila ako kina lolo at lola. Mangungulila ako sa bahay. Mangungulila ako sa kuwarto, sa higaan ko, sa mga tanghaling tapat sa ilalim ng puno ng mangga sa likod-bahay. Mangungulila ako kay D. A. Mangungulila ako sa lahat. Sobrang naging emosyonal ako habang unti-unting umaandar ang tricycle muntik na akong umiyak. Palihim na inilapat ni Dave ang palad niya sa ibabaw ng kamay ko, tumingin ako sa kanya at nagtama ang mga mata namin. Ipinaalala ng titig niyang mawawala man kami ng tatlong araw para pumunta sa lugar na malayo sa aming mga tahanan, hindi ako dapat mangamba, hindi ako dapat malungkot sapagkat kasama ko siya. Siya rin ay tahanan ko.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon