Chapter 5

5 1 0
                                    

Sa kuwarto, inihahanda ko ang aking mga dadalhin kabilang ang isang libro dahil ngayong araw, linggo, naisipan nina Lolo Isko at Lola Martha na pumuntang Tondol Beach kasama si Dave at ang kanyang pamilya. Nasasabik akong muling makasama siya. Gusto ko na laging kasama siya. Gusto ko na laging nasa tabi niya. Lumabas ako, nakasando kung saan nakasabit ang shades ko, pinapatungan ng polong maikli ang mga manggas, nakamaong na shorts, may pasan-pasang backpack. Handa na ako.

Nanonood ng TV si John Paul sa sala. Ngumiti siya nang makita ako. Pumunta ako sa kusina at nandoon sina lolo, lola, Mang Raul at Manang Rosa, naghahanda ng mga babaunin. Wala si Dave. Umupo ako sa tabi ng mesa, nakasalumbaba, para bang naiinip, pinapanood sila habang nakikinig sa kanilang usapan.

"Marami kaya ngayong tao roon?" tanong ni lola.

Sumagot si Manang Rosa. "Sa tingin ko nay, sa Mahal na Araw pa magdadagsaan ang mga turista."

"Mabuti kung ganoon, para hindi maingay, para hindi ako mahilo."

"Huwag kang mag-alala, lagi kitang tatabihan Martha," biro ni lolo saka halik sa pisngi ni lola. Napailing siya, nainis. Tumawa sina Mang Raul at Manang Rosa.

Ilang minuto na ang lumipas subalit wala pa rin si Dave.

Bakit wala pa siya?

Sasama siya, hindi ba?

Baka nagbago ang isip niya?

Baka hindi na siya sasama?

Baka ayaw niya nang sumama?

Humanap ako ng tamang tiyempo para tanungin si Mang Raul.

"Nasaan po si Dave?"

Napatingin siya sa akin habang inililipat sa plastic container ang kanin sa kaldero. Sinabing, "Papunta na iho."

Humupa ang mga tanong na bumabagyo sa isip ko.

Dumating siya. Maaliwalas ang presensya nang pumasok sa kusina. Handa na ang mga baon namin. Handa na ang lahat. Si Dave at ako ay sakay ng kanyang motor. Bago umalis, pinilit ko siyang ako ang magmaneho at pumayag siya. Sina lolo, lola, John Paul at Manang Rosa ay nasa tricycle ni Mang Raul. Nauna silang umalis, sinusundan namin sila. Habang bumabiyahe, tinanong ko siya; masinsing nakatutok ang mga mata sa kalsada.

"Maganda ba roon? Sa Tondol Beach?"

Sumagot siya. Tinatangay ng hangin palayo ang boses.

"Oo. Dinarayo 'yon ng mga turista."

Pamilyar ang aming dinaanan. Nalagpasan namin ang Anda National High School at ang makitid na daan patungong paraiso––ang tawag ko sa spot niya. Isang oras din kaming bumiyahe bago marating ang Tondol Beach at tama siya, maganda roon. Grayish-white ang kulay ng pinong buhangin. Tinanggal niya ang shades niya at sinabing,

"Little Boracay 'to ng Pangasinan."

Nagbayad si lolo ng entrance at cottage fee. Pumunta kami sa cottage na sakto ang laki sa aming pito at ipinarada sa gilid ang motor at tricycle, sa ilalim ng puno ng buko. Isinaayos nina lola at Manang Rosa ang mga pagkain sa mesang kawayan sa loob. Sina lolo at Mang Raul naman ay pumunta malapit sa mga bakawan para ihawin ang marinated pork chops at dalawang malaking bangus na nakabalot sa foil.

"Ano, tara ligo?" alok ni Dave habang kumakain ng mansanas.

"Maya-maya," sagot ko.

Pinagmamasdan ko ang dagat, at ang maliit na islang tanaw sa malayo, at ang mga taong masayang lumalangoy, at ang ilang naglalakad sa dalampasigan, at ang walang hanggang asul na langit, at ang matirik na araw. Hinalungkat ni Dave ang backpack niya, inilabas ang bote ng sunblock saka naghubad ng T-shirt. Nagpahid siya sa kanyang mukha, pababa sa leeg at dibdib, hanggang sa mga balikat, braso, siko, kamay at mga daliri.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon