Gumagapang sa sala ang amoy ng kapeng iniinom ni Lolo Isko sa kusina. Hinihintay namin ni Lola Marta si Mang Raul na siyang maghahatid sa amin sa bayan para sunduin si Mama. Suot ko ang sweatshirt na regalo niya at hindi ko alam kung may motibo ba ako bakit ko iyon ginawa. Para sa sandaling makita niya ako, tanda ito na plantsado na ang mga gusot sa relasyon namin? Na wala ng poot sa dibdib ko laban sa kanya? Na napatawad ko na siya? Ano bang kasalanan niya? Alam kaya niyang ang pangalan niya ang una sa listahan kung bakit pinlano kong mapauwi rito? Marahil wala akong motibo. Marahil pinili ko itong suotin dahil sadyang kumakagat sa balat ang lamig ng umaga.
Nang marinig ang tricycle ni Mang Raul, tumakbo ako palabas. Ngumiti siya nang makita ako; tinanong kung nasasabik na ba akong makita si Mama. Hindi ako sumagot ng Opo. Para iyong pagtanong sa iyo ng Masakit ba? kapag nabalian ka ng buto––walang ibang puwedeng isagot kung hindi Siyempre. Tumango ako. At habang hinihintay si lola, may pumasok sa isip kong gusto kong itanong sa kanya subalit natigilan ako. Kung gusto ko nang makalimot, hindi iyon makatutulong. Ang maisip iyon, una sa lahat, ay isang malaking pagkakamali. Alis, alis, alis. Paglabas ni lola, inalalayan siya ni Mang Raul na pumuwesto sa loob ng tricycle. Ako sa likod.
Sa biyahe, tinext ko si Angelo.
Ako: Gising ka na?
Nagreply siya wala pang isang minuto.
Angelo: Oo, kanina pa.
Ako: Ano'ng ginagawa mo?
Angelo: Nag-aalmusal. Ikaw?
Ako: Papunta na kaming bayan para sunduin si Mama.
Angelo: Oo nga pala, nasabi mo kagabi.
Angelo: Ingat! Miss na kita.
May ngiting gumuhit sa mga labi ko, naghintay ng ilang segundo bago magreply, dinadama ang malamig na hangin sa mukha.
Ako: Ako rin.
Nandoon siya. Nakatayo. Sa terminal ng bus. Sa saktong puwesto kung saan ako naghihintay pagdating dito siyam na buwan na ang nakararaan. Walang nagbago sa kanya. Ang mahaba at tuwid niyang buhok ay ganoon pa rin. Ang kulubot sa gilid ng mga mata niya ay ganoon pa rin. Ang matalim na amoy ng pabango niya ay ganoon pa rin. Kilala ko pa rin siya subalit hindi ko rin siya kilala. Parang bahay-bakasyunan sa malayong lugar na pinupuntahan niyo buong pamilya noong bata ka: kabisado mo ang bawat sulok, ang mga agiw sa kisame, ang dating ng bawat kuwarto, subalit dahil sa batas ng buhay, hindi ka na muling nakabalik doon. At ngayon, alaala na lang iyon, unti-unting naglalaho; pilit mong hinahawakan pero kusang bumibitiw.
At posible kaya iyon? Nakilala ko ba talaga siya?
Ito ang nagagawa ng oras.
Ang resulta ng mahabang panahong hindi namin pagkikita.
Kilala niya pa kaya ako? Kilala niya ba ang totoong ako? Dapat ko ba siyang yakapin? Halikan sa pisngi? Niyakap niya si lola. Niyakap siya nito. Namumula siya kaya alam kong mapapaiyak siya anumang sandali. Pareho silang nagpipigil. Nagkumustahan sila ni Mang Raul. Nagkahiyaan. Kinuha ni Mang Raul ang maleta niya, isinampa sa tuktok ng tricycle. Nagkatinginan kami. Bumaba ang kanyang mga mata sa suot ko. Ngumiti.
Napansin kaya niya?
Nakatayo lang ako; nagpanggap na isang puno. Hindi alam ang gagawin. Ang dapat kong gawin.
Yakapin?
Halikan?
Siya ang lumapit para yakapin ako. Pumikit ako. Ayaw kong makita ang mga taong nakatingin.

BINABASA MO ANG
SUMMER OF 2010: A Novel
Romantik🏆 The Wattys Awards 2022 Shortlisted First friend. First love. A summer of many firsts. Walang ibang ninanais si Jeffrey kung hindi ang malayo sa magulong buhay sa Maynila. Gumawa siya ng paraan para pauwiin ng kanyang mga magulang sa bahay ng ka...