Summer of 2012

32 1 0
                                    

Tumatagos ang sinag ng araw sa mga dahon at sanga ng puno ng mangga sa likod-bahay. Tumatama ito sa aking mukha subalit hindi ako napapapikit, hindi napapakurap. Hindi ako nito nasisilaw. Sa tinagal ng pamamalagi ko rito, isa na ang araw sa mga naging matalik kong kaibigan, partikular ang liwanag at init nito. May baso ng mango juice sa tabi kong kalahati ang laman. Kakatapos ko lang basahin ang librong No Time for Goodbye na iniregalo sa akin ni Mama nitong nakaraang pasko nang muli siyang umuwi ng Anda. At ilang araw na ang lumipas noong huling beses akong nanigarilyo, nangangati na ang dila kong malasahan ito. Kumuha ako ng isang piraso sa kahang nasa aking bulsa subalit naudlot ang lahat ng pananabik sa akin nang marinig si Lolo Isko. Umuusad papuntang balon, may bitbit na timba.

"Apo, nakauwi na si Dave," sabi niya.

Naging malawak na kawalan ang paligid.

Wala akong ibang marinig kung hindi ang katahimikan.

Nabibingi ako sa katahimikan.

Kasabay nito, huminto ang aking paghinga.

Dahil huminto ang pagtibok ng aking puso.

Gusto kong itanong kung paano niya nalaman pero hindi na iyon mahalaga. Dali-dali akong tumakbo papasok ng kuwarto para magbihis at hindi ko alam kung bakit ko iyon ginawa. Marahil, dahil sa umusbong na pakiramdam sa aking dibdib na maihahalintulad sa pag-uwi ng isang sundalo sa kanyang pamilya matapos ang mahabang panahong pakikipaglaban sa giyera dahil hindi niya malabanan ang kaligayahan sa kaalamang uuwi siya ng buhay.

Panandalian akong huminto sa harap ng salamin, tiningnan ang sarili, ngunit iba ang nakita ko. Nakita ko ang alaala ng huli naming pagkikita, ang pag-alis niya halos dalawang taon na ang nakararaan, at kung paano, simula niyon, wala na akong narinig sa kanya bukod sa sulat niya. At ito siya, muling abot-kamay.

Hinihiling ko bang bumalik siya? Oo.

Hinihiling ko bang bumalik siya para sa akin? Siyempre.

Nasasabik ba akong muling makita siya sa kabila ng lahat? Sobra.

Ganoon din ba siya? Sana.

Pero bumalik ba talaga siya para sa akin? Hindi ko alam.

Hindi ko alam. At walang ibang paraan para malaman kung hindi ang makita siya, kausapin, tanungin, at kung sakaling hindi niya naising magsalita, ang pinakamadaling paraan ay ang titigan siya sa mga mata o hulihin sa kamay, halikan sa mga labi at tingnan kong pipiglas siya.

Sumakay ako kay D. A. Habang nagmamaneho, may mga tanong na tumatakbo sa isip ko: Ano ba ang unang bagay na dapat kong gawin kapag nagkataong siya at ako, nakatayo na sa harapan ng isa't isa? Dapat ko ba siyang yakapin? At kung yayakapin siya, dapat bang umiyak ako sa dibdib niya at sabihin kung gaano ako nangulila sa kanya? Na handa akong kalimutan ang mga pighati ng nakaraan at ang tanging alalahanin ay ang magagandang bagay na pinagsamahan naming dalawa kapag mangyaring nasa isang lugar kami, walang ibang tao, nanakawan ko siya ng halik at hahalikan niya ako nang matindi bilang ganti gaya nang nangyari noon sa likod ng Saint James the Great Parish Church, tanda na gusto niya akong bumalik sa buhay niya? Na bumalik siya para sa akin? O kailangan kong kontrolin ang sarili, magsuot ng maskara, ipakitang ayos lang ako, na ayos lang ang lahat, Kumusta? at makipagkamay na parang ito ang unang beses na makikilala ko siya?

Pagdating sa kanila, ipinarada ko si D. A. sa lilim ng puno ng sampalok at habang palapit nang palapit, pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Naabutan ko si Manang Rosa na naghahanda ng pagkain sa kusina, napatingin sa akin, nasurpresa, sinabing,

"O Jeffrey, tuloy ka."

Ngumiti ako at tinanong siya.

"Nakauwi na raw po si Dave?"

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon