Chapter 18

11 0 0
                                    

Nag-uunahan ang mga kapwa ko estudyanteng lumabas ng gate. Sabik na sabik umuwi. Pinagmamasdan ko sila habang nakaupo kay D. A., nakaparada sa gym, handa na ring umuwi anumang sandali. Paalis na ako nang biglang matigilan. Nakita ko siya, naglalakad palabas ng eskuwelahan, mag-isa. Bumaba ako kay D. A. Tumakbo para habulin siya.

"Angelo!" sigaw ko. Walang pakialam sa mga dumadaan, sa mga nakarinig. Blangko ang kanyang mukha nang lumingon sa akin.

"Sana mapatawad mo 'ko."

Hindi siya kumibo. Nakatitig lang sa akin. Maiintindihan ko kung tumalikod siya, maglakad palayo, o kaya suntukin ako sa mukha. Hindi iyon nangyari. Sa halip, nagpakawala siya ng isang ngiti.

"Kung ang Diyos nga nagpapatawad, ako pa kaya?"

Gumaan ang dibdib ko. Para akong maiiyak. "Salamat."

"Hinihintay lang kitang humingi ng tawad."

Lumunok ako. "Puwede bang muli tayong maging magkaibigan?"

"Siyempre."

"Panghabambuhay?"

Ngumisi siya. "Panghabambuhay."

Niyakap ko siya. Ayaw ko na siyang pakawalan. May mga matang nakatingin sa amin. At wala akong pakialam.

"Sumabay ka na sa 'kin," sabi ko. "Pauwi na 'ko."

Kulay ginto ang kalangitan. At masaya ako. Nakangiti habang nagmamaneho. Isa ito sa mga masaya at magandang araw na panghabang-buhay kong panghahawakan. Papahalagahan. Sa side mirror, nahuli kong nakangiti maging si Angelo.

Tutok ang mga mata ko sa daan. Muli kong nilingon ang kanyang repleksyon at si Dave ang nakita ko. Nakatingin siya sa akin. Kalmado ang mukha. Nakangiting bahagya. Nililipad ang buhok niya. Naaamoy ko ang halimuyak nito sa hangin.

Hindi totoo ang nakikita ko, alam ko––isang desperadong imahinasyon––pero nararamdaman ko siya.

Oo. Nararamdaman ko siya.

Ang init niya sa kabila ng tumitinding lamig.

Ang amoy niyang bumabalot sa akin.

Kahit halos walong buwan na simula noong umalis siya at ang malaman kung babalik siya ay parang paghihintay na magsalita ang mga bato o maging tubig ang apoy... nahihiwagahan pa rin ako kung paano isinisigaw ng lugar na ito ang pangalan niya.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon