Chapter 10

9 1 0
                                    

Mataas na ang araw subalit nasa pinakailalim na bahagi ako ng daigdig kinaumagahan. Tulog pa si Dave. Mahimbing gaya ng sanggol. Umalis ako sa kanila sa paraang siniguro kong hindi lilikha ng anumang ingay na magiging sanhi para magising siya. Umuwi ako sa amin. Bawat hakbang, parang nakalubog ang mga paa ko sa putik. Ipinaghanda ako ng almusal ni Lola Martha. Tinanong ko kung nasaan si Lolo Isko at sinabi niyang pumunta sa pantalan. Sinabi kong aalis ako bago magtanghalian kaya hindi ako makakasabay sa kanilang kumain. Tinanong niya kung saan ako pupunta at binigyan ko siya ng pinakaunang sagot na pumasok sa isip ko, "Sa bayan po, may bibilhin lang." na isang malaking kasinungalingan.

Pagkatapos maligo at magbihis, kinuha ko ang nakatagong kaha ng sigarilyo sa itaas ng aparador at hinanap ang gray kong notebook sa maleta pero wala; sa backpack pero wala; sa aparador pero wala; sa ilalim ng kama pero wala; sa buong kuwarto pero wala. Saka ko napagtantong na kay Dave pala iyon. Napahiya ako sa sarili ko. Naghanap ako ng ekstrang notebook sa halip o papel o kahit anong bagay na puwedeng sulatan at may nakita akong mga piraso ng yellow paper sa ilalim ng mga lumang magasing nasa coffee table sa sala. Kinuha ko ang ballpen ko at cell phone at headset at nagpaalam kay lola. Sinakyan ko si D. A., pinaandar ang makina at umarangkada papunta sa spot niya, sa paraiso, na siya na ring spot ko.

Hindi. Spot naming dalawa.

Kumakalat ang isip ko sa buong paligid habang papunta. Maraming pumapasok sa aking isipan para magkaroon ng sapat na oras na isipin at mawari at maunawaan ang isa laban sa isa. Pakiramdam ko, bumagal naman ang takbo ng oras at walang katapusan ang mahabang kalsada––imposible para marating ang aking paroroonan. Nagpahinga ako sandali nang makarating. Hinimlay ang mga dalang gamit sa tabi. Pinagmamasdan ko ang dagat at ang langit at ang horizon na naghahati sa kanilang dalawa. Kung pagbabasehan ang nakikita at abot ng aking mga mata, kitang-kita ko ang dulo, ang hangganan ng dagat at ng langit. Nakakatuwang isiping tayo ay hamak na mga tanga at nililinlang lang tayo ng mga nakikita natin dahil ang totoo, hindi natin makikita ang dulo sa kung ano ang nakikita natin ngayon sa ating harapan.

Pumunta ako rito para magsulat ng tula, para mailabas ang bigat na nararamdaman subalit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Kinuha ko ang yellow paper at ballpen at sinubukang magsulat. Sinubukang magsulat... sinubukang magsulat... sinubukang magsulat at wala akong maisulat. Umulan ang mga luhang kagabi pang gustong bumuhos. Humahagulgol ako sa iyak. Niyakap ko ang mga tuhod ko at iniyuko ang ulo at mas lumakas ang bagyo sa aking mga mata.

Bakit kailangang umiyak? Bakit kailangang malungkot? Bakit mo pinapayagan ang sarili mong maramdaman ito? Akala ko, malinaw sa iyo na isang araw, hahanapin niya iyon––ang magkaroon ng pamilya; asawa at anak? Akala ko, alam mong isang araw, walang makapipigil sa kanyang hindi umalis? Marahil, masyadong maagang nangyari at maaga niyang sinabi dahil nag-uumpisa palang akong itayo ang pader ko, pananggala sa kanya at sa lahat ng sakit na idudulot niya.

Maya-maya, nakaramdam ako ng palad sa likod ko. Pamilyar. Galing sa taong kilala ko. Sa taong malapit sa akin. Hindi ako maaaring magkamali. Dave.

"Tahan na," sabi niya. Umupo sa damo, malapit sa akin, niyakap din ang mga tuhod.

"Paggising ko, wala ka na, kaya pumunta 'ko sa inyo pero wala ka rin doon. Sabi ni Lola Martha, pumunta ka raw ng bayan."

"E bakit dito ka pumunta?"

"Dahil alam kong nandito ka."

Natahimik kami.

"Alam kong masama ang loob mo," sabi niya, "kaya gusto kong humingi ng tawad."

Ganoon ba talaga? Ganoon ba talaga tayo kahina sa mga taong mahalaga sa atin na sa tuwing humingi sila ng kapatawaran sa kung anumang nagawa nilang nagdulot sa atin ng pighati ay agad natin silang yayakapin pabalik? Dahil walang saysay ang buhay na ito kung wala sila? Na mabuti pang masaktan at magdusa at mamatay kaysa hayaan silang madulas palayo? Alam kong karapat-dapat makatanggap ang bawat isa sa atin ng pagmamahal na hindi ka papahirapan bagkus mas pagyayamanin ka, na hindi mo tatanungin kung kailan ito matatapos o hanggang kailan ito magtatagal. Isang linggo? Tatlong Buwan? Isang taon at tatlong buwan? Subalit, marahil ito lang ang nararapat para sa akin. Pagmamahal?

"Sana walang magbago." Mahina ang boses niya. "Kilala ko kung sino 'ko, pero minsan, 'di ko gusto kung sino 'ko. Takot ako kung sino ang totoong ako dahil takot ako sa sasabihin ng mundo. Minsan, nagdadasal akong sana 'di ako ang sarili ko. Pero Jeff, gusto kong malaman mong wala 'kong pinagsisisihan sa nangyari sa 'tin, sadyang––"

Pinutol ko na siya bago pa magpatuloy at sinabing,

"Naiintindihan ko naman."

Tatlong salita. Naiintindihan ko naman. Iyon lang ang mga salitang lumabas sa bibig ko. Sa sobrang daming bagay na gusto kong sabihin sa kanya. Sa sobrang daming paraan na gusto kong ipaliwanag kung paano maaaring gumana ang kung anumang mayroon kami, iyon lang ang nasabi ko. Tatlong salita. Dahil pinili kong sumuko. Sumuko sa kanya. Sumuko sa langit, sa hangin, sa dagat, sa mga alon. Sumuko sa mundo at sa kung anong bagay ang itatapon nito sa akin, sa amin, dahil wala akong lakas para baguhin ang kuwentong matagal nang nakasulat para sa amin, na naghihintay sa aming mga paang lakaran ang bawat pahina. At totoo ang sinabi ko: naiintindihan ko siya. Kahit ako, minsan, hindi gusto kung sino ako. Takot ako kung ano ang naghihintay sa mga nilalang na tulad ko. Takot ako dahil natatakot ako. Subalit alam ko ring ang pinakanakakatakot na bagay sa lahat ay ang mabuhay na puno ng pag-aalinlangan. Ang buhay at katawan natin ay isang beses lang kung ipagkaloob. Darating ang araw, mahihirapan na tayong gumalaw, mahihirapang magsalita, puno ng kulubot ang balat, wala nang natirang itim na buhok sa ulo, matanda at walang silbi at wala nang maihahandog pa sa buhay na ito. Habang nakaupo sa tumba-tumba sa balkonahe, umiinom ng malamig na tsaa o kape, pinapanood ang paglubog ng araw, babalikan natin ang mga araw na lumipas, nasayang, at may kukurot sa ating dibdib, pipigilan ang mga luhang nais tumakas at pabulong na sasabihing, Dapat ginawa ko iyon, dapat sinabi ko iyon. Dadalawin tayo ng mga pag-aalinlangang iyon sa hating-gabi, hanggang hindi tayo makatulog, hanggang mamatay tayong dilat ang mga mata. Mabuti nang sumubok at masaktan at matuto kaysa magdusa at magsisi sa huli dahil sa mga bagay na hindi natin nagawa at mga salitang hindi natin nasabi.

Humingi siya ng sigarilyo, sinindihan ito, nagsindi rin ako ng akin, na para bang bumalik ang lahat sa dati, sa normal, at nag-umpisa siyang magkuwento.

"Hapon noong high school ako, nakahiga 'ko sa ilalim ng puno ng silag. Habang nakatingin sa langit, napansin kong mababali na 'yong isang sanga. 'Di ko alam kung ano'ng pumasok sa isip ko bakit ako tumayo at naghanap ng bato para batuhin 'yon. 'Yong una, pangalawa at pangatlong bato ko, puro sablay, pero nang pang-apat, natamaan ko. Tapos nagulat ako kasi sobrang daming paniki ang nagliparan galing sa sanga. 'Di ko nga alam kung paano sila nagkasya roon. 'Di ko nga nakitang nandoon pala sila. Basta, nakakamangha, pero natakot din ako, kasi nang nagliparan sila, 'yong direksyon papunta sa 'kin, akala ko aatakihin nila 'ko kaya tumakbo 'ko papuntang bahay. At noong elementary, pag-uwi ko pagkatapos magpastol ng baka, nagliliparan paikot 'yong mga tuyong dahon ng kawayan malapit sa 'min. May maliit na ipuipo. Alam mo kung ano'ng ginawa ko? Pumasok ako sa loob niyon at sumayaw sa gitna. Sobrang saya ko, pakiramdam ko malakas ako, matapang. Pakiramdam ko may kapangyarihan ako."

Huminga siya bago magtanong.

"Alam mo kung ano'ng aral ng mga kuwento ko?"

"Ano?"

"May mga araw na matatakot ka at may mga araw ding pakiramdam mo wala kang kinatatakutan."

Itinapon niya sa malayo ang patay na upos ng sigarilyo at nagsindi ulit ng isa na inubos niya sa isang iglap. Hindi na ako pumangalawa dahil ayaw kong maging sobrang lasang sigarilyo ang aking bibig kung sakaling halikan niya ako anumang sandali. Gusto ko siyang halikan, o idikit ang balat sa aking siko sa balat ng kanyang braso o ipadulas ang aking kamay sa loob ng kanyang shorts, ngunit gaya ng sabi niya, may mga araw na matatakot tayo at isa ito sa mga araw na iyon. Tumayo siya, hinubad ang T-shirt at shorts, tinanggal ang mga tsinelas. Nakatingala ako sa mala-atleta niyang katawan.

Kung mayroon sa buhay na ito ang nagpapahina sa akin, walang pag-aalinlangang siya at siya iyon.

"Tara langoy," yaya niya.

SUMMER OF 2010: A NovelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon