15

2.6K 100 2
                                    


MY BOSS, MY BODYGUARD

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 15

Hello Ashter!

Mabuhay! Salamat po sa matagal na paghintay hanggang sa makabalik ako sa story na ito. I love you!😍😍😘☺️☺️☺️

Unedited...

"Sila ang mga nakalaban ng Kuya Dale mo sa isla. Tumiwalag ang mag-asawa kaya nila pinatay. Sa kanila ang listahan ng bagong miyembro at iyon ang hinahanap nila kay Melody."
"Paano sila nakatakas?" usisa ni Kale kay Jaffy.
"Bago pa nagsimula ang gulo, lumikas na silang mag-asawa kasama ang anak nila dala ang listahan ng mga nasa labas na miyembro."
"Kailangan kong makausap si Melody," sabi ni Kale. "Para mahanap na ang mga nandito."
"Kausapin mo nang maayos para matapos na ang problema na ito."
"At para naman maging malaya na kami."
Napataas ang kanang kilay ni Jaffy.
"Talaga? May kayo ba?"
Napakamot sa batok si Kale.
"Kami na po," pag-amin niya. Basta para sa kanila, sila na. Saka na lang niya isipin ang iniisip ni Melody. Mukhang gusto naman siya nito? Ewan.
"Good luck. Anyway, kung kailangan mo ang tulong, nandito lang kami pero si Melody lang ang susi para matunton ang mga kalaban."
"Okay po," magalang na sabi ni Kale at nagpaalam na dahil dadaanan pa niya si Melody sa opisina.
Pagdating sa office, agad na kinuha pinuntahan niya si Melody.
Isinara niya ang pinto kaya napalingon si Melody na naglilinis ng bintana.
"Puwede bang bumaba ka muna riyan? At huwag ka ngang maglinis, girlfriend naman kita e," sabi ni Kale kaya mabilis na bumaba si Melody sa hagdan at inayos ang sarili.
"Wala na akong magawa," sagot ni Melody.
"May mahalaga tayong mag-uusapan, Melody."
"Ano iyon?" Mukhang seryoso si Kale ngayon. Kahit ang mukha nito, tila nagsasabing may malaking problema itong dapat na masolusyunan.
"Ang parents mo ay dating miyembro ng hukbong nag-aalsa laban sa isla namin. Tumiwalag sila at tumakas sa isla dala ang listahan ng bagong miyembro kaya kayo hinahabol noon at dahil wala na sila, ikaw ang hinahabol nila para makuha ang listahan," diretsahang sabi ni Kale kaya napakunot ang noo ni Melody.
"Hindi kita maintindihan."
"Tulisan ang parents mo na may adhikaing sakupin ang isla namin pero naliwanagan at nagbagong buhay. Ang mga humahabol sa 'yo ay mga nasa listahang nakatakas sa isla," muling paliwanag ni Kale kaya napanganga si Melody. "Ngayon, honey, tell me kung nasaan ang listahang iyon."
"H-Hindi ko alam."
"Listahan lang, Melody. Alalahanin mo."
"Listahan?" ulit niya na para bang nag-iisip.
"Wala talaga akong maalala," sagot niya pero napaatras nang hampasin ni Kale ang mesa.
"Nasa listahan nakasalalay ang buhay mo, Melody! Kapag mahanap nila ang isa't isa at makabuo ulit ng grupo, malaking problema na naman ang mangyayari!"
Napalunok ng laway si Melody. Naunawaan naman niya ang nais iparating ng binata pero wala talaga siyang maalala.
"A-Alalahanin ko," pabulong na sabi ni Atheina. "H-Hindi ko kasi maalalang may iniwan silang listahan maliban sa mga utang."
"Dapat maalala mo dahil nakasalalay rito ang buhay mo. At kapag makuha na natin ang listahan, i-surrender natin sa ikinauukulan para maligtas ka, maliwanag?"
"Oo," sagot ni Melody pero saan niya hahanapin iyon? "Subukan ko, baka nasa bahay lang?"
"Wala ba talaga sa 'yo?"
"Wala. Isa pa, anong alam sa ganoon? Eh, bata pa ako. Isa pa, parang di pa yata ako naisilang nang mangyaring 'yan e."
"Magligpit ka na, uuwi na tayo," sabi ni Kale dahil baka masyado na nga niyang napi-pressure si Melody. "Kumain ka ba ng lunch?"
Tumango si Melody.
"Kasama mo na naman ang sa HR?" biglang sumalubong ang kilay ni Kale.
"Hindi po."
"Huwag mong i 'po' ang boyfriend mo!"
"B-Boyfriend ba kita?" alanganing tanong niya pero napalabi nang sinamaan siya ng tingin ni Kale. "M-Mukhang boyfriend na nga talaga kita."
Kailangan na nga niyang tanggapin na magkasintahan na sila ni Kale kahit na hindi naman niya ito sinagot dahil hindi nanligaw.
Lumabas na sila sa building ng opisina. Palinga-linga si Kale sa paligid dahil baka nasa palibot lang ang mga naghahabol kay Melody pero wala namang kahina-hinala bago sila makarating sa kotse.
"Sakay na," sabi niya matapos pagbuksan ng pinto si Melody.
"Salamat," pasalamat ng dalaga saka pumasok pero ang utak ay nasa sinabi kanina ni Kale. Hindi siya makapaniwalang mga tulisan ang mga magulang pero galing kay Kale ang impormasyon at hindi naman ito basta-bastang gagawa ng kwento lang.
Umuusad na ang sasakyan pero ang utak niya ay lumilipad pa rin. Sigurado siyang walang inihabiling listahan ang parents niya sa kanya.
"Wala namang ibinilin ang mga magulang ko," sabi niya kaya napatingin si Kale sa kanya.
"Huwag mong pilitin ang sarili mo, Honey," sabi ni Kale. "Pasensiya na kung na-pressure kita."
Napabuntonghininga si Melody.
"Ang naalala ko lang, may kinukuwento sa akin si Nanay na may matalik siyang kaibigan. Kapag daw kailangan ko ng tulong, hanapin ko lang 'yon."
"Bakit daw?" nagtatakang tanong ni Kale.
"Hindi ko rin alam. Yon lang daw ang puwede kong mapagkatiwalaan pero hindi ko na nahanap dahil nga dinala na ako sa headquarters na 'yon!" sagot ni Melody.
"Ano ang pangalan?" tanong ni Kale. "Baka nasa kanya ang listahan."
"Arriane Torregoza," sagot ni Melody na hindi rin alam kung kaano-ano nila ang babae. Basta bestfriend lang daw ng nanay niya.
"Ipahanap natin siya," sagot ni Kale. "O tayo mismo ang hahanap sa kanya."
"T-Tutulungan mo ba talaga? Ganoon na ba kahalaga ang isla para isugal mo rin ang buhay mo?"
"Hindi," sagot ni Kale at napasulyap sa dalaga. "Tutulungan kita kasi mahal kita at ayaw kong mapahamak ka."
"K-Kale..."
"Pagkatapos nito, papakasalan na kita, Melody."
Napalunok ng laway si Melody. Hanggang ngayon hindi pa nag-sink in sa utak niya ang lahat ng ito lalo na ang hayagang pagtatapat ni Kale na mahal siya nito.
---------------
"K-Kale," usal niya saka kinalabit ang binata.
Tumingin sa kanya si Kale na nakasombrero at shades saka inakbayan siya saka isinandal ang ulo niya sa balikat nito.
"M-Masakit ang tainga ko," sabi nya. Parang sasabog na yata ang tainga niya at sobrang nabibingi na siya.
"Sorry," paumanhin ni Kale at dumukot ng chewing gum sa bulsa at binigay kay Melody. "Nguyain mo, honey."
"Ha?"
"Nguyain mo para maibsan ang sakit sa tainga mo. Kaunting tiis lang at lalapag na tayo," sabi ni Kale saka hinalikan sa noo si Melody.
Nasa gitna siya at nasa tabi ng bintana si Melody para makita nito ang magandang tanawin pero habang tumatagal, pasakit nang pasakit ang tainga nito dahil sa pressure.
"Ganito ba talaga kapag sumakay sa eroplano?" curious na tanong ng dalaga. "Aw, sobrang sakit!"
"Relax," sabi ni Kale at niyakap ang dalagang nakatakip sa tainga.
"Hala, sasabog yata ang ulo ko!" sabi niya dahil hindi niya inaasahan.
"Firstime mo bang sumakay sa eroplano?" tanong ng babaeng nasa tabi ni Kale.
"Oo," pag-amin ni Melody.
"Ang ingay mo!" reklamo nito kaya nakaramdam ng hiya si Melody. Maingay ba talaga siya?
"Pasensiya na," paumanhin ni Kale at tinanggal ang sombrero saka shades tapos hinarap ang babae. "Takot sa heights ang girlfriend ko kaya hindi kami nag-eeroplano."
Napatulala ang babae kay Kale. Ne hindi nga ito makapagsalita at nakatitig lang sa mukha ni Kale.
"Miss?" tawag ni Kale. "Masakit din ba ang tainga mo at namimingi ka?"
"Y-Yep," nauutal na sagot nito. "Naintindihan ko. G-Ganoon din ako noong unang sakay ko."
Matamis na ngumiti si Kale pero napatingin kay Melody nang inilayo nito ang katawan sa kanya.
"Honey," bulong niya saka niyakap si Melody. "Yakapin na lang kita para hindi ka mamingi."
Hinayaan niyang yakapin siya ni Kale. Napasulyap siya sa babaeng inggit na inggit ang mukha.
"Masakit pa ba ang tainga mo?" tanong ni Kale.
"Medyo hindi na," sagot ni Melody saka mas lalong isiniksik ang mukha sa mabangong dibdib ni Kale. Ang swerte naman niya kay Kale, mabango na, protective pa.
"Drinks, sir?" magalang na tanong ng flight attendant.
"Yes, water please," sagot ni Kale at nginitian ito kaya matamis na ngumiti rin ang flight attendant.
"Isa lang po, sir?"
"Dalawa, please. Nauuhaw rin ang girlfriend ko," sagot ni Kale kaya binigyan siya ng dalawang baso ng tubig. "Thank you."
Nang makaalis ang flight attendant, kinurot siya ni Melody sa tagiliran.
"Required ba talaga ng ngitian mo sila?" bulong ni Melody nang tumayo ang katabing babae ni Kale para umihi. Naihi yata sa sobrang kilig.
"Hindi ba dapat?" sagot ni Kale.
"You're flirting, Kale."
"Are you jealous?" nakangiting tanong ni Kale saka hinawakan ang baba ni Melody para tumingala sa kanya. "Hmm?"
"Hindi po, sir!" sagot ng dalaga at inirapan ito. "Pero ayaw ko lang isipin ng iba na nilalandi mo sila kahit na kasama mo ang girlfriend mo. Pero kung gusto mong landiin sila, puwede namang katulong pa rin ang pakilala mo sa akin."
Napansin niyang napapangiti si Kale habang nakatunghay sa kanya. "Nagsasalita ako, Kale, nakikinig ka ba?"
"Yes," sagot ni Kale at ibinaba ang mukha palapit kay Melody.
"H-Huwag mo 'kong halikan," natarantang sabi niya nang mapatingin sa babaeng pabalik na sa kanila.
"Walang makapagpigil sa akin, honey," sagot ni Kale at masuyong inangkin ang mga labi ni Melody. Bago pa siya itulak ng dalaga, nailayo na niya ang mukha niya rito. "Haist! Hirap magpigil kapag naadik ka sa mga labi ng girlfriend mo!" walang pakundangang sabi ni Kale kaya nakaramdam ng pagkainit ng magkabilang pisngi ang dalaga.
Tumahimik siya at hinayaang yakapin siya nang mahigpit ni Kale.
"Masakit pa ba ang tainga mo?" bulong ng binata.
Napailing si Melody. Nabibingi pa rin siya pero nang dahil na sa tibok ng puso niya.
"Umidlip ka muna, malayo pa ang biyahe natin mamaya."
Ne hindi man lang umidlip si Melody. Napatingin siya sa labas ng bintana. Parang dagat tingnan ang sa baba.
"Shit!" kinabahang sabi niya nang umuga-uga ang eroplano. Napahawak siya sa kamay ni Kale kaya napangiti ang binata.
"Relax, hon, makapal lang ang ulap kaya nagkakaganyan," mahinahong sabi ni Kale.
Napasimangot siya. Kahit pala sa kalawakan, may lubak-lubak ding daan? Hindi na siya nagsalita dahil baka sawayin na naman siya ng babaeng katabi.
Matapos ang mahigit isa't kalahating oras, lumapag na sila sa terminal ng Bohol.
"Hindi ako makapaniwalang nandito na tayo sa Bohol!" excited na sabi ni Melody at iginala ang paningin. "Makakakita na ako ng tarsier!"
Inakbayan siya ni Kale.
"Hanapin muna natin si Arriane Torregoza," bulong ni Kale at iginala ang paningin sa mga taong nasa paligid.
"Halika, magtanong tayo sa guwardiya," yaya ni Kale. Malaking backpack lang ang dala nila dahil wala silang balak na tumagal kaya pang one week lang na bihisan ang laman ng backpack nila. "Excuse me po, paano ho pumunta sa Bilar Bohol po?"
"Ah, sakay po kayo ng tricycle papuntang terminal ng bus sa Tagpi tapos pagkarating ninyo roon, sakay kayo sa bus pa Carmen tapos sabihin na lang ninyo sa driver o kondoktor ng bus kung saan talaga kayo bababa," magalang na sagot ni Manong guward na nasa mid 40's na.
"Salamat po," nakangiting pasalamat ni Melody.
"Enjoy po kayo rito sa Bohol, Ma'am and Sir!" masiglang sabi ni Manong.
"Sure po!" sabi ni Melody.
"Let's go, honey. Hanapin na natin si Arriane," bulong ni Kale habang nakaakbay sa dalaga.
"Atat ka talagang mahanap siya," sabi ni Melody.
"Atat na nga akong matapos na ito," sagot ni Kale at matamis na nginitian si Melody. "Kasi papakasalan na kita."
Na-inlove naman siya noon sa bestfriend pero ngayon lang siya nakaramdam ng excitement sa isang babae.
Ibahin na sana niya ang direksyon ng tingin pero muli niyang ibinalik kay Melody.
"Haist! Huwag ka ngang ngumiti sa mga tagarito!" salubong ang kilay na saway niya.
"Bakit?" tanong ni Melody. "Ayaw ba ng mga Boholanon na ngitian sila?"
"Hindi naman," sagot ni Kale at inakbayan ang kasintahan habang naglalakad sila patungo sa tricycle. "Gusto kong akin lang ang mga ngiti mo."
"Pati ngiti ko ipagdamot mo?" nakalabing tanong ni Melody.
"Ganoon ako kadamot pagdating sa 'yo!" may pag-angking sagot ni Kale kaya napailing na lang ang dalaga. Ewan pero parang gusto rin niyang ipagdamot siya ni Kale.

A/n:
Welcome to the province of BOHOL!

My Boss, My BodyguardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon