MY BOSS, MY BODYGUARD
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 18
Unedited.
Agad silang tumungo sa Lapu-lapu para hanapin si Arianne Torregoza. Pinabantayan nila sina Jobelle para hindi magalaw ng mga kalaban.
"Dito ka lang," sabi ni Kale kay Melody.
"Sama ako."
"Hindi pwede."
"Bakit?"
"Dahil wala kang maitulong!"
"Hindi ba dapat protektahan mo ako?"
"Sa ngayon, hindi na ikaw ang priority nila, Melody. Lalo na't wala naman sa 'yo ang listahan nila. Dito ka sa resthouse at babantayan ka nila rito," sabi ni Kale habang nililinis ang tatlong baril na gagamitin mamaya. Lulusob sila sa isla at kukunin si Arriane.
"Paano kung may traidor sa kanila?" tanong ng dalaga at naupo sa tabi ni Kale kahit na natatakot makita ang baril. Feeling kasi niya ay mabaril siya nito.
"Walang traidor sa kanila at kung mayroon man, ako mismo ang tatapos sa buhay nila! Basta huwag kang umalis, okay? Kailangan sa pagbalik ko, nandito ka."
Napatingin si Melody sa mukha ni Kale. Ito ang naging sandalan niya sa loob ng ilang buwan at ilang beses na rin nitong iniligtas ang buhay niya.
Tumigil si Kale nang maramdamang nakatitig si Melody sa kanya.
"Huwag mo 'kong tingnan ng ganyan," saway niya at tumayo saka lumapit sa bintana.
"Natatakot ako, Kale," sabi ng dalaga saka tumayo at nilapitan ito saka tumabi at tumingin sa dagat na nasa harapan ng silid nila.
"Huwag kang matakot, walang papatay sa 'yo rito. Trust me."
"N—Natatakot ako na baka hindi ka na bumalik," pag-amin ni Melody kaya napatingin si Kale sa kanya. "Nakadepende na ang buhay ko sa 'yo at pagkatapos nito, hindi ko na alam kung paano ipagpatuloy ang buhay nang wala ka."
"M—Melody..."
"Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na gusto mo ako. Na sabi mo, mahal mo ako. Mahirap lang ako, hindi kagandahan at walang binatbat sa mga babaeng nakikilala mo."
"Gusto kita," ani Kale habang nakatitig sa mukha ni Melody. "Kasi totoong tao ka. Ikaw ang babaeng hindi nagkukunwari para lang magustuhan ko."
Namula ang magkabilang mukha ni Melody kaya iniwas na ni Kale ang mga bata.
"A—Ano ba ang gagawin ko para magkaroon ako ng karapatang tanggapin ka?" usal ni Melody.
"Wala," sagot ni Kale. "Tanggapin mo lang ang pagmamahal ko, okay na tayo."
"Pero—"
"Kung ang mga tao ang nasa paligid natin ang iniintindi mi, hindi talaga tayo sasaya, Melody."
"Pero bahagi sila ng buhay natin. Makikitungo tayo sa—"
"Kaya ako nasa Maynila dahil sa bestfriend ko. Mahilig siyang mag-explore. Pangarap niyang makaalis sa isla at makatagpo ng lalaking mayaman at handang dalhin siya sa mundong kinabibilangan niya," sabi ni Kale. "Sinundan ko siya sa pag-aakalang magbago ang pananaw niya sa buhay at maibalik sa isla. Na paniwalain siyang doon talaga siya nararapat. Na ako talaga ang para sa kanya dahil mula noon, iniibig ko na siya."
Ramdam ni Melody ang lungkot sa boses nito na para bang kakamatay lang ng taong minamahal.
"Pero mula nang makilala kita, nagbago ang lahat."