11

2.7K 105 4
                                    


MY BOSS, MY BODYGUARD

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 11

Unedited....

Nahihiya siya sa mga kasamahan dahil sa naging asal ni Kale. Nang nasa bahay sila, hindi niya ito kinausap nang matagal. Isang tanong isang sagot lang siya. Masama ang loob niya sa binata. Minsan gusto niya itong sumbatan pero nahihiya siya dahil nga boss niya ito.
"Close ba talaga kayo ni Sir Kale?" usisa ni James habang naghahanda sila.
"Huwag mo akong kausapin tungkol diyan."
"Alam mo, kayo na lang ang topic of the town," sumbong nito.
"Hayaan mo na sila," sabi ni Melody. Wala na siyang magagawa pa roon pero napapansin nga niya lalo na't sa kaniya ang mga mata ng mga empleyado kapag naglalakad siya sa hallway.
"Sus, kayo na ba?" usisa ni James.
"Excuse me? Ako?" bulalas ni Melody sabay turo ng sarili. "Hindi ah."
"Atin-atin lang 'to," sabi ni James.
"Wala nga!" Kinuha niya ang mop. "Maglinis na nga tayo!"
"Sus, kunyare ka pa eh, halata naman kayong dalawa."
"Hala, wala nga kaming relasyon." Naglakad siya palabas kaya sinundan siya ni James.
"E di nanliligaw lang?" pangungulit ni James.
"Hindi nga sabi!" naiinis na sabi ni Melody at pinindot ang elevator.
"Wee? Pero type mo?"
"Hindi ah!" tanggi niya at hinarap ang kaibigan. "Hindi ko siya type noh!"
"Sino ang hindi mo type?"
Nanigas siya nang marinig ang boses ni Kale sa likuran niya.
"H-Ha?"
"Sa HR pala ako maglilinis," sabi ni James at iniwan siya.
"Sino ang hindi mo type, Melody?" ulit ni Kale na pinipigilan ang elevator na sumara.
"W-Wala. Ang artistang sinasabi ni James, hindi ko type," palusot niya at napakamot. "Kuwan, medyo feminine kasi ang kilos eh."
Tinaasan siya ng kilay ni Kale at sumenyas. "Pasok na."
"H-Ha? Sa HR din pala ako maglilinis."
"Obvious naman na pasakay ka eh. Iniiwasan mo ba ako?" salubong ang kilay na tanong ng binata.
"Hindi ah. Bakit naman kita iiwasan?" tanggi niya saka sumakay. "Sa pantry na nga lang."
Sumara ang pinto nang makapasok siya.
Tumunog ang elevator kaya lumabas siya at naiwan si Kale pero sa pagkamalas, uwian na ng nightshift kaya ang daming nag-aabang na agent.
"E-Excuse me," wika niya at nakiraan sa mga ito.
Walang nangahas na sumakay sa elevator hanggang sa isinara ni Kale ang pinto.
"Grabe, nakasabay niya si Sir?" bulong ng isang agent.
"Tama kaya ang balitang may relasyon sila?" usisa rin ng kasama nito.
"Hindi naman yata siya ipagtanggol ni Sir kung hindi siya espesyal."
Kahit na malayo na si Melody, nakayuko pa rin siya habang naglalakad. Siya ang nahihiya sa sitwasyon.
"Di sila bagay! I'm sure hindi siya type ni Sir. Naaawa lang siya dahil sa ginawa ng director noong isang araw," tahasang sabi ng isa kaya napatigil siya sa paglalakad at napahigpit ang pagkakahawak sa mop.
" Hahampasin ko na talaga 'to sila sa ulo!" bulong niya at huminga nang malalim. Kaunting pasensiya pa para walang gulo. Ipinagpatuloy niya ang pagpunta sa pantry dahil doon naman talaga ang schedule niya.
"Pakilinis na lang dahil nasira ang faucet kanina kaya umapaw ang tubig sa lababo," sabi ng diswasher na basang-basa ang sahig.
"Yes po, sir," magalang na sabi niya at nag-mop na.
Naging busy siya maghapon kahit na wala namang nag-uutos o nagpapatawag sa kaniya. Siguro natatakot o naiilang dahil baka magsumbong siya kay Kale.
"Mauna na ako," paalam ni James. "Saan ka ba sumasakay?"
"H-Ha? Diyan lang sa sakayan ng bus," sagot niya.
"Pa Cubao? Sabay na tayo."
"Mauna ka na, may aayusin lang ako," tanggi niya. Hindi niya kabisado ang Maynila at kahit na sakayan kaya nahihirapan siyang umiwas.
"Hmm? Baka may date pa kayo ni Sir."
"Wala ah," tanggi niya at inirapan si James.
"Pauna na ako dahil mag-iipon pa kami ng tubig. Kakabuwesit kasi alas singko, wala nang tubig sa Mandaluyong!" reklamo ni James at umalis na.
Nang masigurong wala na si James, tiningnan niya ang cellphone. Kanina pa pala nag-text si Kale na uuwi na sila kaya dali-dali siyang tumungo sa elevator. Saktong uwian din ng ibang empleyado kaya marami ang nasa elevator.
Nagpahuli siya dahil mas nauna naman sila kaysa sa kaniya.
Bumukas ang isang elevator pero walang pumasok dahil nasa loob si Kale pero hindi pa rin sumasara ang pinto.
"Pasok," walang ganang sabi ni Kale na nakatingin kay Melody kaya napalingon ang mga empleyado.
Napayuko si Melody dahil sa pagkapahiya. Tumalikod siya para maghagdan na lang.
"Hey!" sigaw ni Kale kaya tila napako siya sa kinatatayuan. "Hindi ko isasara ang elevator na 'to kapag hindi ka pumasok!"
Pasimpleng sinulyapan niya ang mga taong nakatingin sa kaniya.
" Buwesit siya!" hiyaw ng utak niya. Sarap durugin ni Kale. Nakayukong lumapit siya sa elevator. Parang na-freeze ang mga tao sa paligid at sila lang ni Kale ang nakakakilos.
Isinara ni Kale ang pinto.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo?" naiinis na tanong ni Kale.
"H-Ha?"
"Bakit ganiyan ang ikinikilos mo?"
"K-Kasi Kale, bakit ganiyan ka? Ayaw ko ng problema sa trabaho at ayaw kong pagtsitsismisan tayo!"
"Damn! Mas lalo tayong pag-uusapan kapag iwas ka nang iwas! Ano ba ang masama? Eh, di ba sabi mo, bestfriend mo ako? Bakit parang nag-iba ka na?" sumbat ni Kale. Makadistansiya ito, parang may nakakahawa siyang sakit.
"K-Kasi--" Humugot siya ng lakas ng loob. "Kasi nahihiya na ako. Be considerate naman, Kale. Alam mo namang puro issue ang mga nandito."
"Ako ang boss kaya--"
"Boss nga kita. Mabait sila sa harap mo at wala silang reklamo pero ako ang nakakarinig kapag tumalikod ka. Sana unawain mo naman ako," nahihirapang paliwanag niya. Ganito na ba ka insensitive si Kale para hindi siya maunawaan?
"Wala akong nakikitang masama sa ginagawa ko," depensa ni Kale. Sanay siyang makipag-usap sa taga-barrio nila. Sanay siyang batiin ang mga katulong sa isla. Oo nga't nagiging mailap siya sa mga taga-Maynila pero iyon ay dahil hindi niya kabisado ang ugali ng mga tagarito. Pero hindi hadlang ang kahirapan o ako mang antas ng pamumuhay ng isang tao para lapitan niya.
"Akala mo lang wala."
"Kung iiwasan mo ako palagi, mas lalo tayong magkaka-issue," sabi ni Kale. "Ano ba ang problema, Melody?"
"Mayaman ka at mahirap lang ako."
"Ipinanganak akong mayaman pero pareho pa rin nama tayong tao!" Napipikong sabi ni Kale at nauna nang lumabas nang bumukas ang pinto.
Nang makasakay si Melody sa sasakyan, pinaharurot na ni Kale ang sasakyan hanggang sa makarating sila sa condominium pero wala nang kibuan.
Nagbihis muna ang dalaga saka tumungo sa kusina para maghanda ng beef steak.
Napalingon siya nang lumapit si Kale sa kaniya habang may bitbit na mineral water.
"Sa makalawa na pala ang party na dadaluhan natin," sabi ni Kale.
"Agad?"
"Oo. Di ba may usapan tayo?"
"K-Kale," usal niya at napaisip. Kung si Kale ang boss niya, ibig sabihin, kamag-anak nito ang mga Lacson at dahil isa itong Lacson, ibig sabihin nandoon ang lahat ng pamilya nito?
"Huwag mong sabihin uurong ka?"
Napayuko na naman siya. Tama nga ito, gusto niyang umurong.
"Walang atrasan, Melody, may usapan tayo."
"P-Pero hindi ko pa alam na ikaw ang boss ko."
"Kahit na. Ang usapan ay usapan," giit ni Kale.
"W-Wala akong maisuot," nahihiyang sabi niya. Siyempre mayayaman ang nandoon kaya sigurado siyang ma-a-outcast siya.
"Ako ang bahala, ibibili kita," sabi ni Kale.
"Huwag!" agarang pagpigil ni Melody.
"Bakit?"
"Kale kasi, wala akong pambayad."
"Hindi naman kita sisingilin. Ako ang nag-invite kaya ako ang bahala, ililibre kita."
"Ang dami ko nang utang, s-sir."
"Puwede ba, huwag ka nang tumanggi pa. Sasama ka sa akin at ako ang bahala sa damit mo."
"Ayaw ko nang gumastos ka pa sa akin. Utang na loob naman, huwag mo nang dagdagan ang utang ko sa 'yo," pakiusap niya.
"Basta sasama ka, Melody."
"Sige, s-sasama ako p-pero huwag mo na akong ibili ng bagong damit, hahanap na lang ako," pakiusap niya. Kahit paano, namomroblema siya sa kung paano niya babayaran si Kale ng lahat ng nagastos nito sa kaniya.
"Fine!" pagsuko ni Kale saka itinaas ang mga kamay. "Hindi na kita ibibili ng bago pero ako pa rin ang hahanap ng maisusuot mo."
"Pero--"
"Bawal tumanggi, Melody."
"K-Kale--"
"That's an order! Sino ang boss mo?"
Napasimangot si Melody pero may magagawa pa ba siya?
"B-Basta huwag ka nang gumastos ha."
"Ako ang bahala," tugon ni Kale. "Hahanapan kita ng maisusuot mo para sa party.
"Ano bang meron?" usisa ni Melody.
"Basta," ani Kale na biglang dumilim ang mukha. "Just be my girlfriend for a night."
Napaisip si Melody. Bakit kaya siya magkukunwaring girlfriend ni Kale? Eh, marami naman ang babaeng willing na maging girlfriend nito kahit na makatotohanan pa.
-----------------
"Saan kaya ako hahanap ng damit?" naiinis na tanong ni Kale sa sarili habang palakad-lakad sa opisina. "Bakit ba kasi ang tigas ng ulo niya?"
Napipikon na siya kay Melody. Ang hirap nitong kausapin. Hindi naman puwedeng makiusap siya sa mga pinsan dahil wala siyang tiwala sa mga ito. Isa pa, ayaw niyang pasuotin si Mira ng secondhand na damit.
"Ano ba ang mali kapag ibili ko siya ng damit?" galit na tanong niya sa hangin na nakapamewang. "Ipakain ko na lang kaya sa pating ang babaeng 'yon?"
Problemado siya. Kagabi pa siya hindi makatulog dahil bukas na ng hapon ang party at uuwi pa sila sa isla.
Napasulyap siya sa wristwatch, 3.30PM na ang oras kaya napasabunot siya sa buhok. Wala pa siyang nahanap na damit dahil ayaw nga magpabili ni Melody.
"Papatayin ko na talaga siya!" gigil na sabi niya saka napasuntok sa hangin.
Biglang bumukas ang pinto.
"Sir? Okay ka lang?" curious na tanong ni Jessie na may bitbit na folder para ipa-check kung tama ba ang format ng inventory na ginawa niya?
"B-Bakit po?" naiilang na tanong niya nang salubong ang kilay na nilapitan siya ng boss.
"Samahan mo 'ko!" naiinis na sabi ni Kale saka hinila ang kamay ni Jessie saka kinaladkad palabas ng opisina.
"S-Sir, sandali," ani Jessie na hindi masabayan ang boss. "Saan tayo pupunta?"
"Basta!" sagot ni Kale saka gigil na pinindot ang elevator at hinila pa rin si Jessie papasok sa elevator. Nang sumara, saka lang niya binitiwan ang kamay ng secretary.
"S-Sir?" kinakabahang tawag ni Jessie at tumingala sa boss na mukhang nasasapian ng demonyo. "O-Okay ka lang ba?"
"Bakit ganiyan kayong mga babae? Ang daming arte?" galit na tanong ni Kale kaya napasandal si Jessie sa wall ng elevator.
Nang bumukas, patakbong sumunod siya sa boss patungo sa parking lot dahil ang bilis nitong maglakad.
Tahimik at nananalangin siya habang nasa biyahe. Paano kung may gagawin itong masama sa kaniya? E di kawawa ang pamilya niya. Siya lang naman ang inaasahan ng nanay niya.
Huminto sila sa isang boutique.
"Baba ka na," sabi ni Kale kaya bumaba rin siya at pumasok sila sa boutique.
Pumili si Kale ng mga damit at pinasuot sa kaniya.
"Suot mo."
"S-Sir?"
"Titingnan ko kung babagay sa kaniya."
"May bibigyan ka ng damit?" usisa niya.
"Haist! Basta mamaya ko na ipaliwanag. Suot mo na kasi wala na tayong time," nagmamadaling sabi ni Kale at napatingin sa wristwatch. Uwian na nina Melody mamaya. Tinulak niya patungo sa dressing room si Jessie.
Iniwan muna niya ang dalaga at naghanap ng iba pang damit.
Pagbalik niya, saktong lumabas si Jessie.
"Okay na ba?"
"Ito, isukat mo rin," sabi niya at ibinigay ang limang damit sa dalaga.
"L-Lahat 'to isusukat ko?" tanong ni Jessie.
"Oo. Bilisan mo na."
Napakamot siya sa ulo saka bumalik sa loob ang secretary niya. Paglabas niya, napailing si Kale.
Tapos na niya ang lima nang may iabot ulit ang boss na apat na piraso kaya bubulong-bulong na bumalik siya sa loob.
"Hilong-hilo na talaga ako," reklamo niya at muling isinuot ang pink dress saka lumabas.
"Ito sir?"
"Psh! Bakit ba ang hirap ninyong pilian ng damit?" reklamo ni Kale. "Siya na nga ang bibigyan, siya pa ang ayaw?" Matiim na hinarap siya ni Kale. "Sabihin mo nga sa akin, Jessie, gaano kahirap tumanggap ng libreng bagay?"
"S-Sir? Suwerte ko na kapag bigyan ako ng kahit anong bagay na galing sa puso," alanganing sagot ni Jessie na pagod na sa kakasuot at hubad ng damit. Ang bibigat pa naman nung iba. Ne hindi nga sila naggaganito ng boyfriend niya tapos siya ngayon ang binibuwesit ng boss niya.
"Arte talaga ng babaeng 'yon! Porket nalaman niyang ako ang boss niya, nagbago na siya?" hindi makapaniwalang tanong ni Kale. "Ano ba ang masama kung mahirap siya at mayaman ako?" galit na tanong ni Kale sa secretary kaya napahigpit ang hawak nito sa hawak na damit.
"I-Isusukat ko na po para makabalik tayo," paalam ni Jessie saka bumalik na sa dressing room.
"Sir?" tawag niya sa boss. "Medyo masikip 'to."
"Good. 'Yan na lang ang kukunin ko," sabi ni Kale sa saleslady kaya nakahinga nang maluwag si Jessie. Pagod na siya e.
Nagpalit na siya ng damit habang binabayaran ni Kale ang napili nito.
"May bibilhin ka pa?" tanong ni Jessie.
"Shoes," sagot ni Kale. "Mas okay kapag black ang iterno ko?"
"Puwede rin," sagot ni Jessie kaya tumungo sila sa mga sapatos habang bitbit ni Kale ang dalawang paperbag.
"Suot mo 'to," sabi ni Kale nang madampot ang pinakamahal na sapatos.
"Hindi 'yan kakasya sa akin," sabi ni Jessie.
"Suot mo lang."
Napilitan siyang sukatin ang sapatos kahit na masikip.
"Ano?"
"Masakit sa paa, maliit ang size," sagot niya at sinubukang tanggalin ang black and closed shoes pero ayaw nang matanggal. "Aw!"
"Wait," sabi ni Kale at pinaupo siya.
"Aray! Masakit," reklamo ni Jessie. "Putanginang boss 'to!" pagmumura niya sa isip habang tinutulungan siyang mahubad ang sapatos.
"Okay, kukunin ko 'to, mas maliit ang paa niya kaysa sa 'yo eh."
Napabuga sa hangin si Jessie. Mukhang mapabilis ang pagtanda niya sa pinaggagawa nila ng boss niya.
Nang nasa kotse na sila, pasimpleng ginagalaw niya ang nananakip na paa. Naipit yata ang daliri niya sa paa sa pagsukat kanina.
"Palagay 'to sa office, susunduin ko lang siya sa canteen." Utos ni Kale nang nasa elevator na sila. "Papagawa kaya ako ng isa pang elevator para apat na?" tanong ni Kale.
"Ha?" tatlo ang elevator ng buong building pero mukhang hindi pa ma-satisfy ang boss. "Exclusive lang sa akin ang isa para walang sagabal."
" As if na sinasabayan ka ng mga empleyado," bulong niya.
"Mauna ka na sa office," paalam ni Kale at siya nga pala, ang usapan natin kanina ha, hiniram ko lang ang damit na 'yan sa 'yo."
"Okay," pagod na sagot ng secretary.
Lumabas na si Kale sa elevator at tumungo sa canteen dahil nandoon daw si Melody.
"Kanina ka pa?" tanong ni Kale nang maupo sa harap ni Melody.
"Saan kayo galing?" tanong ni Melody.
"May pinuntahan lang," sagot ni Kale at napatitig sa mukha ng dalaga. Paano kaya niya ito mapaganda bukas?
"M-May dumi ba sa mukha ko?" naiilang na tanong ni Melody dahil titig na titig ito sa kaniya.
"Uwi na tayo," yaya ni Kale. Mabuti na lang dahil mahina na ang boses nito kaya walang ibang nakakarinig sa kanila.
"Sige," pagpayag ni Melody at inubos ang spag na in-order. Tumayo siya pero sa pagmamadali, na-out-balance siya.
"Kyah!" tili niya pero bago pa man siya bumagsak sa sahig, may mga kamay na pumulupot sa bewang niya para saluhin siya.
"K-Kale," usal niya habang nakatitig sa binatang hawak siya sa bewang. Sobrang lapit ng mukha nito sa kaniya kaya napalunok siya ng laway.
"Dahan-dahan ka kasi!" naiinis na sabi ni Kale nang matauhan saka pinatayo nang maayos si Melody saka tinalikuran ito at naglakad patungo sa office niya.
"S-Sir," nahihiyang tawag ni Melody habang sinasabayan ang mabilis na paglakad ng boss. "P-Pasensiya ka na."
Walang sagot si Kale. Kulang na lang ay tumakbo ito papasok sa opisina habang nakahawak sa dibdib.
"Sir," ani Jessie at tumayo nang sabay na pumasok ang dalawa. "O-Okay ka lang?"
Agad na naupo si Kale sa couch.
"K-Kale," tawag ni Melody at lumapit kay Kale. "May problema ba?"
"I'm fine," seryosong sabi ni Kale at napatingala kay Melody na nakatayo sa harapan niya. Nawala na ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya para guminhawa ang pakiramdam.
"Jessie? Nasaan na ang mga damit na ipapahiram mo kay Melody?" tanong niya.
"Ito po," sagot ni Melody sabay kuha ng paperbags sa ibabaw ng mesa at inabot kay Kale.
Tumayo ang binata matapos abutin ang paperbag.
"May isusuot ka na bukas, pinahiram ka ni Jessie," sabi ni Kale.
"S-Salamat, Ma'am Jessie," nahihiyang pasalamat ni Melody.
"Halika na," yaya ni Kale kaya sumunod si Melody sa kaniya.
Pagpasok nila sa elevator, nagulat siya nang hawakan ni Kale ang kanang kamay niya.
"S-Sir..."
"May nararamdaman ako," mahinang sabi ni Kale na hindi nakatingin sa dalaga. "P-Pero hindi ko pa ipapaalam."
Naguguluhang tumingala si Melody sa binata.
"Anong ibig mong sabihin?"
Binitiwan ng binata ang kamay niya saka namulsa.
"Interesado ka?" tanong ni Kale at nginitian si Melody.
"C-Curious lang," naiilang na wika ng dalaga saka iniwas ang mga mata.
" Gusto kita!" malakas na sabi ni Kale kaya nanigas si Melody lalo na't sumabay pa talaga ang pagkakasabi nito sa pagbukas ng pinto kaya narinig din ng mga nag-aabang ng elevator. Ang isang agent ay nabulunan pa dahil umiinom ng milktea. Lahat sila ay natigilang nakatingin sa kanila sa loob ng elevator.
" G-Gusto kitang pumalit kay Jessie dahil magle-leave raw siya nextweek. Ikaw muna ang temporary secretary ko habang wala siya," dagdag ni Kale at naunang lumabas kay Melody. Bakit? Bakit ba niya nasabi iyon kay Melody?

My Boss, My BodyguardTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon