Kabanata 6

13 1 0
                                    

ELARA

Tuwing magigising ako sa umaga ay dinidiligan ko ang bulaklak na inaalagaan ko. Kasama ko ito sa kwarto na pinagdalhan sa'kin ni Corbin nang nakaraan. Madali naman palang kausap 'yang si Adiram eh. Madalas nga lang nakakatakot magsalita kaya rin siguro kinatatakutan siya ng mga tagarito. Narinig ko ang pagkalam ng sikmura ko. Tanghali na kasi ako nagising ngayon sa pagod kakagawa ng mga utos ng Supremo. Lumabas na ako ng kwarto at narinig ko ang bulong-bulongan ng mga nasa palasyo.

"Kawawa naman ang batang 'yon."

"Mas kawawa ang ama."

"Tiyak papatayin 'yon ng Supremo!"

Nagmadali akong pumunta sa trono ni Adiram ngunit wala siya roon at wala ring tao. Ano ba kasi ang sinasabi ng mga marites na 'yon na papatayin daw ni Adiram ang mag-ama? Lumapit ako sa isang kawal na nagbabantay sa pintuan bago makarating sa trono ng kanilang supremo.

"Excuse me." Sabi ko at nagtinginan sila ng kasama niyang bantay. Hindi ko man kita ang mukha nila dahil sa suot nilang kalasag ay alam ko na nagtataka sila sa sinabi ko.

"Ang ibig ko sabihin ay nasaan ang Supremo? Bakit wala siya rito?"

"Nasa lugar litisan ang Supremo dahil mayroon siyang nililitis na may kasalanan. Hindi ka pwede roon."

"S-saan banda 'yon dito?"

Ayaw na magsalita ng mga kawal. Malamang ay takot sila na malaman ng Supremo na sila ang nagturo sa'kin doon. Kung ayaw nila ako na lamang ang hahanap ng lugar na 'yon. Nang may makasalubong akong katulong ay nagtanong ako rito at tinuro naman niya kung saan ito banda kaya nagmadali ako. Hinawakan ko ang laylayan ng suot kong mahabang gown at tumakbo.

Nang marating ko ang silid litisan ay nakita ko na may mag amang nakaluhod at umiiyak. Si Adiram naman ay nakaupo sa itaas ng kaniyang trono. Napakarami naman palang trono nitong lalaki na 'to. Inikot ko ang paningin ko sa loob nitong litisan. Sa mundo namin trial court ang tawag sa ganito.

Nasa gilid lamang ang mga kawal at ang tanging nasa gitna ay ang mag-amang umiiyak para sa buhay nila.

"M-mahal na Supremo, parang awa niyo na po, ako na lamang ang parusahan niyo sa kasalanan ng anak ko. Bata pa po siya!" Pakiusap ng ama habang umiiyak. Nasa tabi rin niya ang bata na sa tingin ko ay nasa anim na taong gulang lamang.

"Tatay, patawad po!" Sabi ng bata na halos parang sasabog na ang dibdib kakaiyak.

"Ninakaw ng batang iyan ang kagamitan sa palasyo Supremo. Mabuti na lamang ay nakita ko siya." Sabi ng matandang lalaki na tingin ko ay may katungkulan din.

"Pakiusap, Supremo! Huwag niyo na po saktan ang tatay ko. Hindi ko na po uulitin. Kailangan lang po kasi namin ng pambili ng pagkain."

Parang nawawasak ang puso ko sa nasasaksihan ko ngayon. May mag-amang nagmamakaawa para buhay nila. Hindi man lang ba naaawa sa kanila si Adiram? Tiningnan ko ito at wala siyang emosyon na ipinakita. Tumayo siya at nakita kong inilabas niya ang kulay asul na apoy sa kaniyang palad. Hindi pwede na wala akong gawain.

"Adiram!" Napatingin ang lahat sa'kin na para bang nagtataka sa sinabi ko. Tiningnan din ako ng masama ni Adiram.

"S-supremo. Oo, Supremo, pala. Pasensiya na."

"Anong ginagawa mo rito, Mortal?"

"Supremo, pwede bang maawa ka sa kanila? Ginawa lang naman pala nila 'yon dahil sa kahirapan. Hindi ka ba nahahabag? Magpaparusa ka ng isang ama sa harap ng sarili niyang anak?" Halos lahat ay nagulat sa mga sinabi ko at napahawak sa kanilang bibig at nagbulungan.

A World In A Well Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon