KABANATA II: PAGLUSOB
Klean
May pagkasira ba siya ng bait o likas na wala sa tamang pag-iisip? Paano niya nagawang saktan ang isang tulad ko sa ganoong paraan? Iniisip ba niyang hindi masakit iyon? Kahit sino pa siguro, gaano man kakaraniwan o ka-espesyal ang tagapag-alaga, ay tiyak na hindi magtitiis sa kanyang kasungitan at kakulitan.
Siya na nga itong nanakit, siya pa ang may lakas ng loob na umalis nang walang paalam? Ah, talagang mahirap unawain ang mga babae.
Plano ko sanang pumunta ngayon sa estasyon upang kausapin si Yuki, ngunit bigla akong iniwan ni Binibining Shanelle at hindi ako nakapagpaalam. Tiyak na hahanapin ako ng kanyang mga magulang, kaya't sa susunod na lamang ako tutungo roon, may panahon pa naman.
"Bata, ayos ka lang ba?" tanong ni Mang Lhurius na may pag-aalala. Nakita kasi niya ang nangyari kanina kaya't medyo nakahihiya sa kanya.
Bumangon ako at nagtaktak ng damit. "Opo, patawad po sa nangyari," sagot ko.
"Huwag, hindi mo kailangan humingi ng paumanhin. Ayos lang iyon," wika ni Mang Lhurius habang nakangiti.
"Maraming salamat po. Babalik na po ako sa palasyo," sabi ko.
"Babalik ka na agad? Ngunit hindi mo pa natitikman ang aking mga niluto," sabi niya nang may panghihinayang.
"Sige po, bago ako umalis ay titikman ko po muna ang inyong mga luto upang hindi naman masayang, ayos ba iyon?" tanong ko. Masayang tumango si Mang Lhurius at magkasama kaming nagtungo sa kusina. Isa-isa kong tinikman ang kanyang mga niluto at lahat ay masarap. Hindi ko napigilan ang sarili ko kaya't kinain ko at naubos ang lahat.
"Napakasarap po ng inyong mga luto. Nakakaaliw at hindi ko inasahan na ang isang tulad ninyo ay may husay sa pagluluto. Talagang bihasa kayo," sabi ko nang may paghanga.
"Maraming salamat, iho. Nakapanghihinayang nga lang na umuwi agad si Prinsesa Shan at hindi niya natikman ang aking mga gawa," anang matanda.
"Huwag na kayong manghinayang, ako na ang tumikim para sa kanya," sabi ko.
"Iho, bilang ikaw ang kabalyero ng mahal na prinsesa, maaari ka bang mangako sa akin ng isang bagay?" tanong ni Mang Lhurius.
"Ano po iyon?"
"Pakiusap, ingatan mo siya, bantayan, at protektahan. Siya ang nag-iisang anak nina Ginoo Rozell at Ginang Willengham. Mabait siyang bata, maaaring hindi pa kayo magkasundo ngayon, ngunit kapag nakilala mo siya nang lubusan, tiyak na matutuwa ka. Hindi siya masama gaya ng inaakala ng iba. Ayokong mag-isip ka ng masama laban sa kanya. Kilalanin mo siya nang mabuti at manatili sa kanyang tabi. Marami ang nagtatangkang sumama sa kanya, at ikaw lang ang may sapat na tapang upang ipagtanggol siya," mahaba at taos-pusong pakiusap ni Mang Lhurius.
"Bakit mo nasasabi iyan? Anong kaugnayan mo sa kanya?" tanong ko nang may pagtataka.
"Isa lamang akong matanda na minsan niyang tinulungan noong muntik na akong mahulog sa ilog. Matagal na iyon, ngunit sariwa pa rin ang alaala sa akin. Naiiba siya sa lahat. Malaki ang utang na loob ko kay Prinsesa Shan at sa kanyang buong pamilya kaya labis ko silang iginagalang," tugon ni Manong.
"Labis? Tinulungan ka lang naman niya, paano siya naging naiiba sa lahat? Ang sama nga ng ugali, hindi angkop sa pagiging prinsesa," sabi ko. Natawa si Manong at inakbayan ako sa balikat. "Sabihin na lamang natin, hindi nga pang-prinsesa ang ugali niya, ngunit naiiba naman siya sa mga prinsesang nakilala ko noon. Hindi siya mapagmataas. Wala siyang pakialam kung mahirap o mayaman ang isang tao, basta't masaya siya, hindi na mahalaga ang estado sa buhay," paliwanag ni Manong.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...