KABANATA XXXIX: SAKDAL
Third Person
Dahil sa mga nangyaring kaguluhan at pagkadakip ni Klean, ay nagkagulo ang buong kaharian. Nagtungo sa nasabing kulungan ang hari, prinsipe at si Catchie sakay ng karuwahe.
Pagdating nila roon, kararating lang din nina Princess Shanelle at Yuki. Nagtama ang mga mata ng mag ama ngunit agad ding nag iwas ang prinsesa. Bagama't nararamdaman ni Shanelle ang galit ng kanyang ama dahil sa ginawa nitong pagtakas ay pinili pa rin niyang labanan iyon at nilapitan si Klean. "Klean, ayos ka lang ba? Hindi ka ba nila sinaktan?" nag aalalang tanong ng prinsesa kay Klean at hinawakan ang mga kamay nitong nakapusas.
"Ayos lang ako, huwag kang mag alala!" sagot nito. Ngumiti sa tuwa si Shanelle. "Mabuti naman, naparito pala ako para iligtas ka. Ililigtas kita!"
"Hindi na kailangan. Kusa akong sumama rito!" tugon ni Klean at tiningnan ang haring nakatingin din sa kanya.
"Narito na ang mahal na hari, kasama ang prinsipe!" malakas na sabi ni Catchie at sila'y nagbigay galang sa mga ito maliban kina Klean at Shanelle na nakatayo lang sa tabi na parang walang nakita.
"Narito na pala kayo, mahal na hari. Pasensiya na sa munting pag abala naming papuntahin ka rito," wika ng unang hukom nang makita ang hari.
"Wala iyong problema sa akin. Kinalulugod ko pa ngang makatungo rito sapagkat nais ko rin masaksihan ang magiging hatol sa taong iyan," ang sagot ng hari sabay sulyap kay Klean.
"Bigyan ng mauupuan ang mahal na hari at prinsipe!" utos ng ikalawang hukom kaya binigyan ng magarang mauupuan ang hari ng tagapagbantay ng lugar.
"Sinabi sa amin ng mga taong ito ang tungkol sa binatang iyan *itinuro si Klean* na siya'y nagkasala at ibig nila itong patawan ng kamatayan ayon daw sa iyong ipinag uutos subalit hindi ako pumayag sapagkat ang kanyang kasalanan ay napakaliit para ihantong agad sa kamatayan. Kami at ang aking kasama ang namumuno sa lugar na ito, ang batas namin ang masusunod kaya hindi kami nagpapataw ng kaukulang parusa kung hindi sasailalim sa paglilitis ang sinumang ibig ninyong isakdal sa hukuman, maliban nalamang kung ang mga uri ng pagkakasala na tulad ng mga nakabilanggo rito ang kanyang ginawa," paunang pananalita ng unang hukom sa hari.
"Isang malaking kasalanan ang dukutin ang anak ng hari. Itinakas niya ito mula sa amin at iyon ay kalapastanganan!" sagot ng hari at tiningnan si Klean. Hindi sumagot si Klean bagkus ay napahinga ng malalim at nag iwas ng tingin.
Tanging hukom at hari lamang ngayon ang nag uusap, walang kahit na sino ang sumasabat sa kanila sapagkat nalalaman nilang iyon ay kabastusan at kawalan ng galang sa nakatataas. Hinayaan lamang nila na mag usap ang dalawa hanggang sa sila'y pahintulutang magsalita. "Ano bang klaseng kamatayan ang ibig mo para sa binatang iyan?" tanong ng ikalawang hukom.
"Bilang hari, ang nais ko'y bitayin siya o hindi kaya'y bitayin sa harap ng mga mamayan ko!" sagot ng hari dahilan para mapasambad si Shanelle na tiyak puro pagtatanggol kay Klean ang lalabas sa kanyang bibig.
"Ama, hindi mo puwedeng gawin iyan. Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na hindi niya ako dinukot? Bakit ayaw niyong maniwala? Sinamahan lang niya ako. Kusa akong tumakas sa palasyo ng mga araw na iyon!"
"Tumahimik ka Shanelle! Hindi siya karapat-dapat pagtakpan. Lumayo ka sa kanya!" pagalit na wika ng kanyang ama ngunit imbes na lumayo siya'y nagtago siya sa likod ni Klean.
"Ayoko. Huwag kayong maging malupit sa kanya. Wala siyang ginawang masama sa akin at baka nga kayo ang may ginawang masama laban sa kanya," sabi ni Shanelle.
Napangiti ang mahal na prinsipe at bahagyang tumayo sa kanyang kinauupuan. "Mahal ko, bakit tila ayaw mo makinig? Nais mo rin bang masaktan ang iyong sarili? Hindi mo lubusang kilala ang taong iyan at hindi mo rin nalalaman kung may binabalak nga ba siyang masama laban sa iyo!"
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...