KABANATA XVII: MAHALAGA
Yuki
Hindi ako mapakali. Ilang araw ng wala si Klean at hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakabalik. Labis-labis akong nag alala para sa kanya at sa mahal na prinsesa. Pinaghahanap na rin sila ng mga guwardiya sa palasyo at may araw pa ngang tumungo ang ilan sa mga ito sa aming departamento upang ipahanap ang dalawa subalit hindi pa iyon binibigyang pansin ni heneral. Pagkatapos din ng naging laban namin noong nakaraang araw, pansamantalang namalagi rito si Lavis pero madalas lamang kaming mag usap. Iniiwasan ko siya. Hindi ko siya kayang kausapin ng ganito.
Si Lavis ay dati kong kasintahan, limang taon na ang nakalilipas. Isa siya sa mga nakasama ko noong aking kabataan bago pa man ako naging kaanib sa pwersang militar ngunit nitong nakalipas na isang taon, bigla siyang umalis na hindi manlang nagpapaalam. At ngayon, bumalik siya ngunit hindi ko pa alam kung saan nga ba siya nanggaling at ano ang mga pinaggagawa niya noong mga sandaling iyon.
"Sino ba si Klean? Bakit tila alalang-alala ka sa kanya? Sabihin mo, mahal mo ba siya? Minahal mo ba siya habang wala ako?" tanong niya sa akin mula sa likod ko.
"Maraming nangyari sa kahariang ito habang wala ka at hindi mo alam kung sino ang taong iyon dahil wala kang pakialam," sagot ko na hindi tumitingin sa kanya ng diretso.
"Ano ang iyong ibig ipakahulugan? Hindi ito ang usapan natin, hindi ba?"
"Hindi rin natin usapang umalis ka na hindi nagpapaalam. Lavis, halos mabaliw ako sa paghihintay at paghahanap sa iyo. Umalis ka na hindi ko manlang nalalaman ang dahilan kung bakit." Humarap ako sa kanya na may namumuong luha sa aking mga mata. Natahimik siya at tumitig sa akin. "Yuki, patawarin mo 'ko. . ."
"Nakakatulong iyan, Lavis," sarkastikong saad ko. Lumapit siya sa akin upang ako'y yakapin ng mahigpit. "Patawad. Hindi ko intensyong iwan ka. Kinailangan ko lamang gawin iyon para sa iyong kaligtasan. Ayokong madamay ka sa problemang kinahaharap ko kasi mahal na mahal kita. Hindi ko kakayanin kung pati ikaw ay mapahamak," halos pabulong niyang saad malapit sa tainga ko.
Nakaramdam ako ng inis dahilan upang maitulak ko siya palayo. "Lumayo ka sa akin. Anong ayaw mo akong madamay? Ilang taon mo na akong kasama tapos ngayon mo pa naisipang ayaw mo akong madamay? Bakit? Ganoon ba ako kahina at kawalang pakinabang sa iyo? Ganoon ba, Lavis?" may diing sabi ko. Hindi ko na rin napigilan pa ang aking luha kung kaya't kusa na itong bumagsak patungo sa aking pisngi.
"Hindi Yuki. Hindi ganoon," mahinang sabi niya.
"Ngunit bakit? Sabihin mo sa 'kin, bakit ka umalis?" malakas na sigaw ko.
"Dahil sa isang misyon," paliwanag niya. "Misyon?" Pinunasan ko ang aking mga luha at seryosong tumingin sa kanyang mga mata. Dahan-dahan siyang tumango. "Pero bakit? Mas mahalaga pa ba ang misyon mo kaysa akin? Wala ba akong karapatang malaman kung saan ka pupunta kung kaya't kailangan mong itago sa akin? Kung sinabi mo, mas maiintindihan ko pa pero hindi mo ginawa," sabi ko.
"Matagal naman nating alam na isa akong assassin kaya maraming gustong tumugis at pumatay sa akin. Hindi ko matakasan ang mga taong ito at kung saan man ako pumunta ay tiyak susundan pa rin nila ako. Ayoko na pati ikaw ay habulin din nila dahil magkaiba tayo ng trabaho. Labag sa batas ang aking gawain samantalang ikaw ay namumuhay na malayo sa bagay na ito," anya. Nakita kong kumunot ang kanyang kamao na tila'y nagsisisi.
"Wala akong pakialam kung pati ako ay nais din nilang patayin kung sakali. Ang mahalaga sa akin ay narito ka kasama namin," sabi ko.
"Yuki. . . .ikaw pa rin ang laman ng puso ko hanggang ngayon. Wala akong ibang inisip kundi ikaw na sa bawat araw ay ninanais kong masilayan ang iyong magandang ngiti na tulad noon," pagpapahayag niya. "L-Lavis. . . .tama na siguro ito. Ayoko na. Alam kong pagsisisihan ko ito sa bandang huli at alam kong mali ngunit mas mainam kung unahin ko muna ang sarili ko,” sagot ko at tumalikod ngunit naramdaman ko ang mga kamay niya sa aking mga balikat. Malambot ang kanyang paghawak, tila humihingi ng kapatawaran. "Yuki," bulong niya, puno ng pighati. "Alam kong nasaktan kita. Alam kong mali ako, pero h'wag naman sana sa ganitong paraan,” rinig kong pagmamakaawa niya.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...