KABANATA I : KLEAN
Shanelle
Narito ako sa loob ng aking silid at matiyagang nakadungaw sa malaking bintana habang maingat na pinagmamasdan ang buong kaharian. Maaga akong nagising. Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa isang nakakatakot na panaginip. Panaginip na ngayon ko lang narasan sa buong buhay ko. Hindi ito pangkaraniwang panaginip tulad ng inaakala ng sinuman. Ramdam na ramdam ko ang matinding takot sa aking buong pagkatao. Takot na aakalaing tunay na nangyayari.
Ang aking natatandaan, may isang makapangyarihang prinsesa na pinatay sa aking harapan. Berde ang kanyang mga mata, may mahabang ginto ang kulay ng buhok na humahaplos sa lupa, at nakasuot ng mahabang damit na berde. Pinatay siya ng isang malaking lobo. Isang puting lobo ang aking nakita na may asul na mga mata na masamang nakatitig sa kanya. Titig na punong-puno ng galit na tila anumang sandali ay sasakmalin siya.
Bagama’t panaginip, pakiramdam ko'y totoong naroon ako't nakatayo sa tabi habang sila ay pinagmamasdan.
Nakakatakot ang mga nakikita ko, ngunit ang mas nakakatakot ay noong mga sandaling bumaha ng sariling dugo ng prinsesa sa lupa at ang kanyang mga mata’y may luha habang nakatingin sa akin. Pilit niyang ibinubuka ang kanyang bibig, may nais siyang ipahayag subalit hindi ko marinig. Hindi ako makalapit dahil pinangungunahan ako ng takot.
Maliban dito, nagkaroon din ako ng pangitain tungkol sa hinaharap noong nakaraang araw. Malabo ito at hindi ko alam kung bakit, ngayon lang ako nagkaroon ng ganitong pangitain dahil karamihan sa mga ito ay malinaw, ngunit ang akin ay talagang malabo. Para akong bulag noon at tanging mga tinig ng mga tao lamang ang aking naririnig. Ang kanilang mga tinig ay tinig ng pagdurusa, dalamhati, at takot.
Hindi ko alam kung para saan ang mga bagay na iyon at kung bakit ito ipinaparamdam sa akin. Nagmistulang palaisipan sa akin ang mga sitwasyong dapat sana'y hindi ko maranasan, ngunit hindi ko maiwasang maging interesado. Nais kong malaman kung ano ang ibig sabihin no'n.
"Prinsesa Keis! Gising ka na ba?" May biglang tumawag sa akin mula sa labas ng kuwarto. Sigurado akong si Aling Theresa iyon. Siya lamang ang mahilig manggising sa akin araw-araw. Siya ang aking yaya. Napakabait at maalaga niya, ngunit madalas ay nakakatakot. Takot nga ako sa kanya, ngunit paminsan-minsan. Siyempre, nararapat lamang na igalang ang mga tao na mas matanda, ika nga ng iba.
Lumingon ako sa nakasaradong pinto at sabay na napabuntong-hininga.
"Gising na po,” tanging sagot ko.
"Kung ganoon, mag-ayos ka na at kakain kayo ng iyong pamilya. Hinihintay ka ng iyong ama at ina," utos sa akin ni Aling Theresa.
Saglit akong napakamot sa magulo kong buhok at nagpikit-pikit dahil sa pagkaantok. Naku, mukhang mag uusap-usap na naman kami nito at tiyak kong sesermonan ako tungkol sa maraming bagay lalo na’t hindi ko masunod ang anumang iutos nila sa akin. Ayaw ko pa sana silang makita ngayon ngunit nakakahiya kay si aling Theresa.
"Opo, bigyan ninyo lamang ako ng ilang minuto at lalabas din po ako pagkatapos," magalang kong pakiusap, at hindi ko na muling narinig ang tinig ni aling Theresa dahil umalis na siya.
Ako naman ay nagsimula nang mag-ayos ng sarili. Isinuot ko rin ang sandalyas na ibinigay sa akin ni ina noong nakaraang buwan. Pagkatapos nito, lumabas na ako ng kuwarto at inilock ang pinto.
Hindi na ako naglagay ng mga palamuti sa katawan. Sapat na siguro ang aking likas na kagandahan.
Naglakad ako sa malawak at mahabang pasilyo ng palasyo at palinga-linga sa paligid. Ang mga nakakasalubong ko ay kusang bumabati sa akin, at ang ilan ay inilalagay pa ang kanilang mga kamay sa dibdib at yuyukod bilang paggalang. Ngunit may isa na agad kong nabigyan ng pansin. Napahinto ako saglit at tinitigan siya.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...