KABANATA XXXI: DALAWA LABAN SA ISA
Shanelle
Mabilis akong bumalikwas nang marinig ko ang malakas na kalampag mula sa labas ng kuwarto. Nananakit ang likod ng leeg ko kaya't hinimas ko ito at iginala ang tingin sa paligid. Doon ko rin naalala na hinampas pala ako ni Lhyster sa batok dahilan para mawalan ako ng malay. “Ang lalaking iyon. Napakawalang hiya niya talaga!” inis kong sambit sa sarili.
Gumapang akong umalis sa kama kaya't ang resulta'y nahulog ako sa ibaba pero dahil magkakasunod ang naririnig kong ingay ay hindi ko ininda ang sakit ng katawan bagkus nagmadaling lumapit sa pinto. Hindi ko muna iyon binuksan sa halip ay idinikit ang aking tainga upang marinig ang anumang ingay mula sa labas.
Nasaan na kaya si Klean at ano ang nangyayari sa labas? Nahuli ba nila si Klean? Hinawakan ko ang hawakan ng pinto at dahan-dahan iyon binuksan. Sa maliit na siwa ay naaninag ko ang mga nangyayari.
Nakita ko si Lhyster na naglabas ng matalim na espada. Nakatalikod siya mula rito sa kuwarto. Hindi ko makita kung sino ang kalaban niya dahil isaktong nakalinya sa kanya.
Parang ilang minuto lang akong nakatulog pero nagkakagulo na rito, talaga ngang balak nila akong dalhin sa Wiseman. Pero, hindi ako makakapayag no'n, kailangan kong makatakas dito. Kailangan kong makagawa ng paraan. Kung nagawa kong makaalis na hindi nahuhuli ng mga guwardiya doon sa palasyo, dito pa kaya na kokonti lang ang tao. Malaki ang tsansa na makalabas ako.
Tumingin ako pabalik sa loob ng kuwarto. Tinitingnan ko kung mayroong malulusutan ngunit wala akong ibang nakita kundi ang maliit na bintana na may nakaharang na bakal sa gitna. Kahit ulo ko, hindi kasya roon. Daanan ng maliliit na hayop lang ang tiyak makakalabas at pasok niyan.
Walang ng ibang daan kundi ang pinto pero paano ako makakadaan kung may nag aaway sa labas at ang masaklap sina Prinsipe Lhyster pa at kung sino mang kaaway niya. Ayoko madamay.
Ngunit kung mananatili lang ako rito, paniguradong mapapahamak ako at baka ito pa ang maging dahilan ng malagim kong kamatayan. Naku, naku, hindi puwede iyon. Hindi ako papayag.
Huminga ako nang malalim at lakas na binuksan nang buo ang pinto. Dahil do'n, tumambad sa akin ang mga bagay na hindi ko pa nakita kanina. Nakita ko si Klean. Nandito siya. Halos mapatalon ako sa tuwa. Dumating siya para sa ’kin.
Imbes na natatakot ako, napalitan ng pagkagalak. Pakiramdam ko ligtas na ako sa lagay na ito. “Klean!” tawag ko sa kanya na ikinalingon niya.
“Shanelle, tumakas ka na! Bilis!” mariing tugon niya. Naguguluhan ako sa sinabi niya pero hindi na ako nagpaligoy-ligoy pang tumakbo palabas pero sa pinto palang ay hinarang na ako ng kasamahan ni Lhyster.
“Hindi ka makakalabas, kamahalan. Dito ka lang!” matinis ngunit malalim ang tinig nito.
Lumingon ako kay Klean. “Sige na, umalis ka na rito. Kailangan mong tumakas!” sabi niya kaya napilitan akong itulak ang lalaking humaharang sa akin saka binuksan ang pinto. Sa paghakbang ko palabas, hinawakan nito ang kabilang binti ko dahilan para madapa ako. “B-Bitawan mo ako!” pagpiglas ko at pilit na inaalis ang kamay niya sa binti ko.
“Hindi ka makakatakas, dito ka lang. Sasama ka sa amin sa Wiseman, iyon ang ibig ng mahal na prinsipe,” mariing sabi niya.
“Sinabing hindi ako sasama sa inyo!” singhal ko sabay sipa sa mukha niya. Awtomatiko itong napabitaw sa sakit kaya agad akong bumangon para lumabas.
“Klean, tara na!” tawag ko kay Klean. “Mauna ka na, susunod ako!” saad niya. “P-Pero—”
“Huwag mo akong alalahanin, ikaw ang pakay nila kaya itakas mo na ang sarili mo!” may diing sabi niya. Seryoso siya kaya tumalikod na ako at akmang tatakbo ngunit muli na naman akong napigilan ng lalaki. Nagawa nitong maabot ang buhok ko at mabilis na hinila pabalik. “Argh, ano ba! Bitawan mo 'ko sabi!”
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...