KABANATA XLIII: WALANG HANGGAN
Shanelle
Muli ko na naman nakita ang lalaking iyon. Ayaw pa rin niya akong lubayan. Desidido talaga siyang kunin ako. Dahil dito, pati si Klean madadamay pa
Lalaki sa lalaki ang laban nila kaya hindi ako maaaring makialam kahit sabihin pa nating ako ang dahilan. Ako lang ang magmumukhang kawawa rito sapagkat ako ang laging walang naitutulong. Siguro kailangan kong sundin ang tugon ni Klean ngunit sana nama'y ayos lang siya. Kung hindi ako nagkakamali, may iniinda pa rin siya ngayon at hindi ko man lamang naitanong kung magaling na ba o hindi. Ayokong pilitin niya ang sariling lumaban. Puwede naman siguro kaming tumakas pero alam kong hindi siya. Hindi niya ugaling tumakas at tumakbo na hindi manlang sumusubok.Sa ngayon, nagpapalitan sila ng atake. Maliksi silang pareho at hindi ko masabayan ng mga mata ko ang mga galaw nila. Tanging tunog ng nagkakabanggaang talim ang naririnig ko. Sa paglipas ng mga araw ay halos labanan ang aking laging nasasaksihan. Walang araw na payapa ang lugar na ito kundi tuluyan na ngang nabalot ng dilim.
"Klean, mag iingat ka," sambit ko at bakas sa aking sopranong tinig ang pag aalala. Walang araw na hindi ako nag alala sa kanya. Hindi ko mapigilang isipan ang mga posibleng mangyari. Hindi ko pa rin kasi nakakalimutan ang sinabi ng matandang babae. Malaki ang tsansang si Klean ang taong sinasabi niya kaya gagawin ko ang makakaya ko para mapigilan iyon. Handa kong baluktutin ang hula.
Napahawak ako nang mahigpit sa puno nang makita kong tumilapon ang isa sa kanila. Tumalsik sa puno ang kalaban ni Klean ngunit agad din namang bumangon at sumugod nang walang pagdadalawang isip. Nang makalapit si Rehan kay Klean, inambahan niya ito ng saksak subalit ito'y nailagan. Hindi alintana ang pagsablay ni Rehan kundi nagpahabol pa siya ng suntok. Tumama ang kamao niya sa puno na dahilan para mabali ito. Gulat na napaasik si Klean sabay tinuhod ang kalaban.
Tila walang epekto ang ginawa niya sapagkat hindi nagbago ang reaksiyon nito. Hindi pang ordinaryong tao ang lakas niya. Sa isang simpleng suntok ay napatumba niya ang puno? Kagilagilalas ngunit nakakatakot. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na ba silang nagpapalitan ng mga atake at talagang nakakahilong sundan ang kanilang mga galaw dahil sa bilis nito. Para silang gumagamit ng teleportasyon.
Maliban sa suntok na nakita ko, nakita ko ang isang braso niyang may hiwa't peklat na nakatahi gamit ang sinulid. Nakapalibot ito sa kanyang braso. Parang bagong putol ang kamay niya, maaaring tinamo niya iyon sa laban nila ni Belle.
"Mas malakas ka na ngayon kaysa huli nating pagkikita," nasisiyahang wika ni Rehan kay Klean sabay pagpag ng kanyang damit na nadikitan ng mga alikabok.
"Mabilis pag aralan ang galaw mo kaya 'wag ka ng magtaka. Ganiyan din naman ang ginawa mo noong mga sandaling nagkaharap tayo sa unang pagkakataon," kalmadong sagot ni Klean.
"Ganun ba, nakakalungkot." Ngunit hindi kaya siya nalulungkot, kabaliktaran naman magsalita ang isang ito. Mahirap paniwalaan ang mga bagay na lumalabas sa bibig niya.
"Alam mo, nakakapagod na itong ginagawa natin, ang prinsesa ang kailangan ko kaya hindi na natin kailangang maglaban. Hindi mo kailangang ibuwis ang buhay mo para sa kanya. At kung ako man ang nasa iyong posisyon, handa ko siyang ibigay sa iyo kapag iyong hingin," sabi ni Rehan.
"Isa kang hangal! Kahit anong sabihin mo, hindi ko siya ibibigay sa isang tulad mo," inis na sagot ni Klean.
Hindi tumugon si Rehan kundi mapaglarong tumingin sa akin. Ang ngiting iyon, ngiti ng pagtatagumpay. Wala na akong kailangang pagdudahan, siya ang pumaslang kay Belle.
Umakyat ang dugo ko sa ulo dahil sa galit at hindi ko na napigilan ang sariling mapabulyaw. "Napakasama mo, hindi mo man aminin ngunit nararamdaman kong ikaw ang pumatay kay Belle!" Nagsimulang mangilid ang luha sa aking mga mata na anumang segundo ay babagsak na sa aking pisngi.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...