Sa bayan ng Pápa, isang alamat ng bampirang demonyo ang kilala ng bawat residente na pumapatay ng sinumang nakikita. Tuwing nakakalipas ang apat na taon sa malamig na buwan ng Nobyembre, gumagawa ng isang kakaibang kababalaghan ang demonyo. Hindi ni...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
"PETER! Gusto mong sumali?" tanong ng batang babae sa isang batang nagmumukmok mag-isa sa gilid ng kanilang silid-aralan.
"Pst! 'Wag mo kausapin 'yan," saway naman ng iba sa babae.
"Ha? Bakit? Kulang tayo ng isa, oh!" nagtatakang tanong nito.
Hindi na nagawang umangal pa ng batang babae 'pagkat lumayo na ang mga kalaro nito. Saglitan niyang tinignan ang batang si Peter bago tumakbo patungo sa mga kalaro niya.
Si Peter ay ang tinaguriang outcast ng klase nila. Pinagtatawanan at inaasar siya ng ibang bata sa tuwing dumadaan siya. Palagi nilang hindi sinasama ang bata sa bawat laro at ganap nila kung kaya't lagi siyang nakikitang mag-isa sa gilid.
"Ano ba kasing meron sa kaniya?"
"Hindi mo ba alam? Salot 'yan! Kaya raw namatay mga magulang niya ay dahil sa kaniya. Kaya kung gusto mo pang mabuhay, 'wag na 'wag kang lalapit d'yan!"
Kahit sa pagtanda, madalas siyang pinag-uusapan ng mga tao sa paligid niya. Kinikilala siyang salot o malas dahil tila tuwing may nangyayaring masama ay nandoon siya. Nilalayuan din siya ng ilan dahil baka mahawa raw sila ng kamalasan niya.
Kahit na sinubukan ni Peter na ipagkibit-balikat ang mga paratang na ito, hindi niya maiwasang maitanong sa sarili kung tunay nga ba siyang sinumpa. Siya nga ba talaga ang may pananagutan sa lahat ng kamalasan na nangyayari sa kaniya?
***
"Bilis!" biglang sambit ni Sandra matapos lumingon sa kanilang likuran. Takbo sila nang takbo pero mukhang nag-iba ng direksyon ang demonyo kaya makakasalubong nila ito kung sakaling dumiretso sila.
"Sa ilalim!" giit ni Hugo sabay turo sa imburnal kaya naman dali-dali nilang tinaas ang takip nito at nagtago sa baba.
Sa wakas, nakahanap sila ng lugar sa imburnal upang makahinga at masuri ang kanilang sitwasyon. Halos manlambot ang kanilang mga tuhod, maliban na lamang kay Hugo na kaswal na nagpupunas ng mga namumuong pawis sa kaniyang noo.
Hindi mapigilan ni Peter masuka sa napakasangsang na amoy ng paligid. Marumi ang tubig na umaabot na sa kanilang mga paa at may mga basurang talagang nakadidiring pagmasdan.
Walang magawa ang dalawa nang hilahin sila ni Hugo kaya napatayo sila saka nilabas ang mga dalang flashlight at naglakad.
"Wait!" Napahinto ang dalawa sa paglakad at muntikan pang magkabungguan dahil sa biglaang paghinto.
"Bakit?" tanong ng nakakunot-noo na si Peter.
"Let's explore this daan!" Sabay turo ni Hugo sa isang pader.
"Ha? Anong daan ang pinagsasabi mo r'yan? Pader 'yan, oh!" giit ni Sandra at saka pinagmasdan ang paligid.
Bumagsak ang kaniyang tingin sa isang pader na wala sa lugar. Sa sandaling iyon, walang ibang pinakinggan si Hugo kun'di ang kaniyang kuryusidad. Nakuha ng kaniyang atensyon ang isang nakausling na brick at naisipang igalaw iyon.