Sa bayan ng Pápa, isang alamat ng bampirang demonyo ang kilala ng bawat residente na pumapatay ng sinumang nakikita. Tuwing nakakalipas ang apat na taon sa malamig na buwan ng Nobyembre, gumagawa ng isang kakaibang kababalaghan ang demonyo. Hindi ni...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
NANG mga sumunod na araw ay inobserbahan nila ang mga tao sa kanilang paligid. Humuhupa na rin ang bagyo kaya pwede na silang bumalik sa kanilang mga tahanan o 'di kaya'y manatili muna rito hanggang matapos na ang buwan ng Nobyembre.
Limang araw na lang ay sisikat na muli ang araw. Kung para sa iba ay isang magandang balita iyon, kay Peter naman ay hindi. Kailangan niyang maipaghiganti ang kaniyang mga magulang at ang iba pang naging biktima ng demonyong iyon.
Napagpasyahan nilang tatlo na pumunta sa lumang bahay nila Peter bago pa maging huli ang lahat. Kahit papaano, naaalala na ni Peter ang daan papunta roon dahil sa mga panaginip niya nitong nakaraan kaya hindi na sila mahihirapan pang hanapin iyon. Nararamdaman na niya na kaunti na lang ay maaalala na rin niya lahat ng kaniyang nakaraan.
Sinigurado muna nilang kumpleto ang kanilang mga gamit bago umalis. Nang makitang maayos na ang lahat, nagpaalam na sila sa iba nilang nakakilala sa evacuation center at lalo na kay Lola Vana.
"Mag-iingat kayo, mga apo. Alam ko kung anong pinaplano ninyo," pagbati ni Lola Vana sa kanila.
"Opo, 'La, maaasahan ninyo kami," sagot ni Peter at saka tumalikod na sa matanda.
Aalis na sana sila kun'di lamang sa isang sigaw na pumukaw ng atensyon nila. "Kuya!" sigaw ng isang babae mula sa malayo. Pagtingin ni Peter, tumatakbo patungo sa direksyon nila ang dalawang magkapatid.
Akmang tatakas na sana si Peter ngunit pinigilan siya ni Sandra. Nagpupumilit man ang binata ngunit wala na siyang nagawa nang pigilan na rin siya ni Hugo sa kaniyang kwelyo at nakalapit na ang dalawa.
"It's okay... It's okay..." paulit-ulit na bulong ni Sandra kay Peter nang mapansin na nanginginig na ang binata at walang tigil ang luha nito.
"T-tara na, umalis na tayo. Please..." bulong pabalik ni Peter sa dalawa.
Lalong nanghina si Peter nang yakapin siya ng dalawa. "Salamat po."
"Ha...? Anong pinagsasabi ninyo?" nauutal na sambit ni Peter habang umiiyak.
"Kung hindi po dahil sa inyo, baka wala na po kaming magulang. Salamat po!" wika ng lalaki.
"Pero ang nanay ninyo..." Muling kumirot ang puso ni Peter nang maalala kung paano patayin nang walang awa ang nanay nila. Galit na galit siya sa demonyong 'yon ngunit hiyang hiya naman siya sa pamilya ng kausap niya ngayon.
"Ginawa niyo naman po ang makakaya ninyo. Maski po si Mama, siguradong nasa mapayapa na dahil alam niya pong kasama po namin si Papa." Pansin sa mukha ng dalawa ang lungkot sa kabila ng kanilang mga ngiti kaya lalong nahirapan si Peter na huminga dahil sa bigat ng nararamdaman.
"Patawad..." Paulit-ulit siyang humingi ng tawad habang mahigpit na niyakap pabalik ang dalawa. Malinaw na iniiyak nila nang buo ang bigat na laman ng kanilang mga puso. Ang damit ni Peter ay basang-basa na ng luha, at ang kaniyang mga kamay ay patuloy na nanginginig. Ang dalawang bata naman ay sumisinghot nang malakas at sinusubukang punasan ang kanilang mga ilong sa kanilang mga manggas.