"Luminya kayo nang maayos. One line for females, one line for males." Utos samin ni Sir habang naglalakad sa pagitan ng mga linya namin. "Find your height."
Nandito na ako sa tamang linya ko. Ako ang pinakahuling babae sa linya dahil ako ang pinakamatangkad.
"Maglakad kayo nang tahimik papunta sa AVR, bibigyan kayo ni Sir Thomas ng puwesto roon."
Pagkasabi ni Sir noon ay nagsimula na silang maglakad papunta sa main building. Yung ibang section ay kasabay lang din namin na maglakad papunta sa AVR.
At siyempre, kapag may barkada ka sa kabilang section, hindi na maiiwasan ang magkamustahan at mag-ingay tulad na lang ng mga kaklase ko.
"Mamaya, 'no? Isama mo si Paul para masaya!" Kaklase ko iyon na kausap ang barkada niya sa kabilang section na kasabay naming naglalakad.
Napangiti na lang ako dahil kahit na magkalayo sila ay mayroon pa rin silang koneksyon. Pinagmasdan ko lahat ng mga boys ng section na iyon hanggang sa madako ang tingin ko sa pinakahuling lalaki nila.
Nakatingin na naman siya sa akin nang masama. Nag-iwas agad ako ng tingin dahil feeling ko ang sakit ng titig niya. Sinilip ko pa rin kung nakatingin siya sa akin at hindi nga ako nagkamali kaya hindi na lang ako tumingin sa kaniya.
"Anong section kayo?"
Nasa AVR na pala kami. At si Sir Thomas nga ang mag-aasikaso sa amin. Kausap niya yung maliit naming president. Lalaki siya at siya ang pinaka-cute kasi ang liit niya.
Ramdam kong ang katabi ko ngayon sa linya ay si Cosmo. Nararamdaman ko pa ring sa akin siya nakatingin. Bakit ba? Ano bang problema niya?
Pinilit kong huwag siyang tapunan ng tingin hanggang sa papasukin na kami ni Sir Thomas. Umupo na ang mga kaklase ko sa mga monoblock na maayos na nakalinya.
"Ah, Gracie?"
Nilingon agad ako ni Gracie nang tawagin ko siya. "Bakit?"
"Puwede ba tayong magpalit ng puwesto?" Tanong ko dahil alam ko nang makakatabi ko si Cosmo. Kinakabahan ako at hindi ko alam kung bakit.
"Hindi puwedeng magpalitan ng upuan, Andres." Sagot naman niya.
Napabuntong-hininga na lang ako nang sabihin niya iyon.
Umupo na nga ang section nila sa mga bakanteng upuan na katabi lang din namin. Narinig ko pa ang pagbuga niya ng hininga nang makaupo na siya.
Hindi ko naiwasan ang biglaan niyang pagtingin sa akin! As in, bigla na lang siyang tumingin sa akin na para bang nasa akin ang pagkain niya. "Hi," ang creepy ng boses niya. Ang gaspang ng boses niyang aakalain mong bagong gising lang o ito ang unang salitang binigkas niya simula nang magising siya?
Hindi ako nakasagot, natatarantang tinuon ko ang tingin ko sa malaking screen na nasa harapan naming lahat.
"Akala ko ba kami lang ang nandito, Sir Thomas?"
Boses iyon ni Sir Perez. Tumingin ako sa likuran namin. Magkausap nga sila ni Sir Thomas ngayon.
"Sir, kasya naman ang dalawang section kaya pinagsama ko na ang A at B sa AVR."
"Bakit hindi mo sinabi agad sa akin?"
"Gano'n ba kaimportante iyon?"
Nagpatuloy pa ang pag-uusap nila hanggang sa lapitan na sila ng iba pang mga teacher. Inayos ko na ang upo ko at hindi na tumingin sa kanila.
Tama iyan, Sir. Sige, ipaglaban mong dapat kami lang ang nandito. Kahit ako ayoko ng ganito, ano. Naiirita ako sa katabi ko. Hindi niya maalis yung tingin niya sa akin.
BINABASA MO ANG
HOME VISIT
General FictionA young lady who did an act and pretended to be a highschool student not knowing she's unveiling secrets of her parent's past.