"Lemuel! Lumabas ka riyan!"
Patuloy na kinalampag ni Logan ang kulay itim na gate ng tahanan ng kaniyang amo. Ang tinutukoy ng kapatid niya na nakabuntis dito ang anak ng may-ari ng convenience store na pinagtratrabahuhan niya.
Katulad niya, magdadalawampu't isa na rin ang edad nito, at kasa-kasama niya sa pagtratrabaho sa convenience store na pagmamay-ari ng mga magulang nito. Kilala itong babaero at kahit mga tirador ng mga highschool student. Wala naman siyang pakialam sa mga ginagawa nito sa buhay nito. Bukod sa hindi sila magkaibigan, wala siyang dahilan upang pakialaman ito. Isa pa, hindi naman sila nag-uusap ni Lemuel dahil may galit ito sa kaniya. Paano'y hindi maikakaila na mas guwapo siya rito dahil sa mix niyang lahi, at siya ang pangunahing dahilan ng pagpunta ng mga customer doon.
Ngunit tulad ng sabi niya, wala siyang pakialam sa buhay nito o sa galit nito. Likas na ang baboy nitong pag-uugali at wala nang makakapagpabago niyon kahit na ang mga magulang pa nito.
Ngunit ibang usapan na nang madamay ang kaniyang kapatid. Nang minsan kasing madalaw si Clarylaine sa convenience store na iyon upang dalhin ang naiwan niyang ecobag na naglalaman ng kaniyang tanghalian, ay tila nag-iba ang ihip ng hangin. Walang araw na hindi nito bukambibig sa kaniya kung gaano ito nagagandahan sa kapatid niya.
Ilang beses na niya itong pinagsabihan na abala sa pag-aaral ang kapatid niya at wala itong panahon na magnobyo, ngunit ang pinakamahalaga ay ang kung nagnonobyo man ito, hindi siya papayag na si Lemuel iyon.
"Lemuel, lumabas ka riyan! Magtutuos tayo!" Wala siyang pakialam kung makabulahaw siya ng kapitbahay. Patuloy niyang kinalampag ang gate, at hindi siya titigil hangga't hindi lumalabas ang lalaking iyon.
"Logan? Anong problema mo?!" Galit nitong sabi nang buksan nito ang gate. "Tulog na ang mga magulang ko, kaya hinaan mo 'yang boses mo!"
"Walanghiya ka!" Pinadapo niya ang kamao niya sa mukha nito.
Hindi inaasahan ng lalaki ang ginawa niya kaya naman hindi kaagad ito nakaumang. Hindi nito nasalag ang suntok niya dahilan upang pumutok ang sulok ng labi nito.
Napaatras ito, gumuhit ang galit sa mukha. "Tangīna, ano bang problema mo!" Sigaw nito at gumanti ng suntok, ngunit nakailag siya.
Isa pang suntok ang pinadapo niya sa mukha ng lalaki, at sa lakas niyon ay sumalampak ito sa damuhan. "Ikaw ang problema ko, gunggong!"
Inupuan niya ang tiyan nito at sunud-sunod ang suntok na pinadapo niya sa mukha nito. Rage clouded his judgement. Ang gusto lamang niyang gawin nang mga sandaling iyon ay mailabas ang lahat ng galit niya.
"Hayop ka!" Hinatak niya ang kuwelyo nito. "Binuntis mo ang kapatid ko at wala kang balak panagutan!" Hindi na niya mabilang kulang ilang suntok ang pinadapo niya sa mukha nito.
"Diyos ko! Kuya Lemuel!" Hindi makapaniwala ang nakababatang kapatid ni Lemuel sa nakita. Nagising ito dahil sa gulo at kalalabas lamang ng gate.
Bumagsak ang luha nito dahil sa takot. "Mommy! Daddy!"
Tumakbo ito papasok muli ng gate upang manghingi ng tulong.
Mas lalong nagngalit si Logan. Paano iyon nagawa ni Lemuel sa kapatid niya kung may kapatid din itong babae. Nanigas ang kaniyang panga. Hindi niya tinantanan ang mukha nitong putok na ang labi at ang gilid ng mata. "Walanghiya ka! Bata pa 'yong kapatid ko!"
Ngunit imbes na magsisi ay tinawanan lamang siya ni Lemuel. "Kasalanan ko bang mabilis yayain sa inuman 'yang kapatid mo?" Kahit may dugo nang tumutulo mula sa bibig nito ay nakuha pa nitong tumawa nang tumawa. "Kasalanan ko bang malandi 'yang kapatid mo?!"
![](https://img.wattpad.com/cover/335371567-288-k237044.jpg)
BINABASA MO ANG
Logan's Secret Obsession (THE SDS SERIES 1)
RomansaLogan Johnston learned life the hard way. He was born out of unwanted pregnancy and his mother despised him so much. Kaka-graduate pa lamang niya noon ng highschool ng iwan silang dalawa ng kapatid niya ng kanilang ina. Kinailangan niyang pumasok sa...