Date: December 11, 2005Time: 4:10 AM
Bedtime: 11 PM
Estimated hours of sleep: Mga 3 hours? Ewan
Gising ang isip ko pero hindi gumagalaw ang katawan ko. Gabi-gabi na 'tong nangyayari. Hindi ako sigurado kung kailan 'to nagsimula, pero alam kong palala ito nang palala.
Nalilito na ako kung alin ang totoo sa hindi. Kung panaginip lang ba ang lahat o totoohanan na. Ang alam ko lang, may nakikita akong matandang lalake na nakasilip sa bintana.
Sa tuwing tinatangka kong sumigaw o magwala, ngumingiti siya't naglalapat ng hintuturo sa ibabaw ng kanyang labi. At sa hindi malamang dahilan, walang boses na lumalabas mula sa bibig ko. Ni hindi gumagalaw ang katawan ko mula sa kamang kinahihigaan. Para bang may invisible na lubid na nakapulupot sa 'kin. Takot na takot ako. Gusto kong pumikit at umiwas ng tingin pero sadyang hindi ko magawa. Sa huli, pinipilit ko na lang na sumigaw sa abot nang makakaya, hanggang sa namamalayan ko na lang na nakaupo na ako sa kama ko. Yakap-yakap ako ni Mama habang umiiyak nang pagkalakas-lakas. Si Papa naman ay nasa isang tabi, pinapagalitan ako dahil binabangungot na raw ako dahil sa kung ano-anong nirerentahan kong VCD.
Kanina, sa panaginip ko, gano'n pa rin. Nakasilip na naman ang matandang lalake sa bintana. Nakatuon ang buong atensiyon sa akin.
Sabi ni Papa magdasal daw ako sa tuwing binabangungot ako. At gaya ng dati, sa tuwing sinusubukan kong magdasal, naglalaho ang lahat ng mga salita sa isip ko na para bang may kung anong nagpapagulo rito.
Pinilit ko na lang na magpumiglas at sumigaw hanggang sa wakas, nagising ulit ako.
8:30 pa ang schedule ko sa shop pero ayoko nang bumalik sa pagtulog. Magbabasa na lang ako ng pocketbook.
BINABASA MO ANG
Daisy's Sleep Journal
HorrorDaisy is plagued by nightmares she can't understand. Little does Daisy know, she's not the only one getting them.