entry 9 - PM

824 75 15
                                    


Time:


OLYMPIA GUADA

SIYA IYON. SIYA ANG BABAENG GUMUGULO SA MGA PANAGINIP NAMIN

Kanina, habang nasa library kami, hindi sinasadyang nakatulog ako. Sa panaginip ko, natagpuan ko ulit ang sarili ko sa gitna ng hallway ng university building. Walang katao-tao. Wala ring Firo, Max, o Katya na magiging karamay ko.

Akmang tatakbo na ako palabas ng building pero biglang may sumalubong sa akin sa pinto.

Ang babaeng duguan at wasak ang mukha. At sa pagkakataong iyo'y hindi siya nag-iisa. Kasama nito si Katya na biak ang ulo at bali-bali ang braso, pati na si Hailey na may dugong umaagos mula sa bibig.

Sa sobrang takot, kung ano-anong mura na ang isinigaw ko. Todo tanong ako kung anong kasalanan namin sa kanya. Kung bakit niya kami sinumpa. Kung ano ba talaga ang gusto niya sa akin.

Sa sobrang galit at sama ng loob, taas-noo kong tinitigan ang naaagnas na mukha ng babae. Sigaw ako nang sigaw hanggang sa may mapansin akong nakasabit sa leeg niya.

Gusto kong tingnan nang malapitan ang kwintas na suot niya pero bigla na lang akong nagising. 

Nadatnan ko sina Firo at Max sa harapan ko. Kanina pa raw nila ako ginigising pero puro raw ako sigaw habang natutulog.

Tinanong nila kung ano ang napanaginipan ko pero imbes na sagutin sila, kumaripas ako ng takbo palabas ng library. Walang pakialam kahit na hindi na ako halos makahinga.

Malapit lang ang city library sa university kaya ilang sandali pa ay natagpuan ko ang sarili kong nakatayo sa tapat ng gate kung saan nakasabit ang mga congratulatory banner ng mga estudyante.

Nang tuluyang makahabol sina Firo at Max, tinuro ko sa kanila ang banner ng estudyanteng naging 3rd placer sa board exam. 

Masyado akong takot noon kaya hindi ko napansin ang suot na kwintas na ng babaeng wasak ang mukha. Kwintas na may limang magkakatabing bituwin bilang pendant. Parehong-pareho ito sa suot na kwintas ng babae sa banner. Babaeng nagngagalang Olympia Guada.

Nagtalo kami. Hindi kumbinsido si Firo, pero ayon kay Max, magkapareho raw ang mga mata ng babae sa panaginip namin at ng babae sa banner.

Habang nagtatalo kami, lumapit ang isang guwardiya at sinita kami. Tinanong ko kaagad kung kailan niya huling nakita ang babaeng nasa banner. Kung pumunta ba siya sa Room 174 kamakailan lang. Tumingin sa akin ang guwardiya na para bang nababaliw na ako. Tinanong niya ako kung ano ba raw ang problema ko sa anak ni Professor Guada.

ANAK NI PROFESSOR GUADA ANG BABAENG NAGPAPAKITA SA MGA PANAGINIP NAMIN!!!

Habang nagpaplano kami ng susunod na gagawin, biglang dumating sina Mama at Papa, galit na galit at pilit akong pinapauwi. Ayoko sanang umuwi pero sabi ni Firo, sila na raw ni Max ang bahala. Pupuntahan daw nila si Professor Guada upang makasigurado.

Hanggang ngayon kinakabahan pa rin ako.

Ano na kayang nangayari?

Nalaman ba nila saan nakatira si Professor Guada?

Ang anak niya ba talagang si Olympia ang puno't dulo ng mga bangungot namin?

Hindi ko kayang maghintay na lang dito sa kwarto ko. Susunod ako kay Firo at Max.

Ma, Pa... sorry 

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon