entry 2 - AM

2.9K 193 15
                                    


Date: December 12, 2005

Time: 2:34 AM


Bedtime: 12

Estimated hours of sleep: 2???


Nagising na naman akong humahangos at sumisigaw. Bukod sa takot na takot, pinupulikat din ang mga daliri ko sa paa. Sobrang sakit kaya sigaw ako nang sigaw.  Dumating sina Mama at Papa sa kwarto, nabulabog na naman ang tulog nila dahil sa akin. Galit na si Papa, nakakahiya na raw sa mga kapitbahay. Si Mama naman, panay masahe sa mga darili ko sa paa na nagkandabaluktot at halos dikit-dikit na. Panay tanong si mama kung nagdasal ba raw talaga ako bago natulog o kung may pinanood daw ba akong nakakatakot. Kahit ako, litong-lito na rin. Nagpunta na ako sa simbahan at nagdasal nang todo!!!

Hindi ko maalala ang lahat ng napanaginipan ko, ang alam ko lang, natagpuan ko ulit ang sarili kong nakahiga sa kama. At ang kama ko, naging sobrang lambot nito. Sa sobrang lambot, para bang naging napakalapot nito at unti-unti akong lumulubog. Wala sa sarili akong napatingin sa bintana at nakita ko ulit ang matandang lalakeng nakasilip mula sa labas. 

Tinangka kong umalis mula sa kama pero hindi ako makagalaw. Kahit na anong pilit ko, sadyang ayaw nang gumalaw ng katawan o kahit na ng ulo ko. Tanging mga daliri lamang sa mga kamay at paa ang naigagalaw ko kaya ito ang pilit kong winawasiwas at binabaluktot sa abot nang makakaya. Nang nagsimula na ring lumubog ang ulo ko sa kasama ang unan ko, naging napakahirap nang huminga. Binuhos ko ang lahat ng natitira kong lakas sa pagpapagalaw ng mga daliri ko sa kamay at paa. Sigaw ako nang sigaw sa isip ko. Galaw! Utang na loob, gumalaw ka! 

Nang tuluyan akong lamunin ng kama, saka lang ako nagising. Hanggang ngayon, nanginginig pa rin ang mga kamay at kalamnan ko. Parang uhaw na uhaw sa hangin ang buo kong katawan. Ramdam na ramdam ko pa ang pamamaluktot ng mga daliri ko.

AYOKO NA NITO!!! GUSTO KO LANG MATULOG NANG MAAYOS!!!!

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon