entry 3 - AM

2.4K 178 23
                                    


Date: December 13, 2005

Time: 4:15 AM


Bedtime: 10:30

Estimated hours of sleep: 4-6???


Noong una, masaya ako sa panaginip ko. Nasa park daw ako kasama ang mga kaibigan ko noong high school. Panay tawanan kami habang nagkukumustahan tungkol sa college life. Wala akong maalala sa napag-usapan namin, pero alam kong masaya ako kasama sila. Kaso bigla akong sinundo ni Mama at pinagalitan sa harap ng mga kaibigan ko. Kesyo puro raw ako lakwatsa kaya sobrang bobo ko. Iyak ako nang iyak habang kinakaladkad niya ako pauwi.

Umuwi akong pagod na pagod at dumiretso sa kwarto ni Ate Apple imbes na sa 'kin. Sa sobrang pagod, ni magbihis hindi ko na nagawa. Humiga agad ako sa kama at naghanap ng unan na mayayakap.

Habang unti-unti akong tinatakasan ng kamalayan, bigla kong napansin na gumagalaw ang kurtina sa bintana ni Ate. Nang dumako ang tingin ko rito, kitang-kita ko ang pagsilip ng matandang lalake. Imbes na matakot, mas binundol ako ng mga tanong. Anong nangyari sa mga tinakip kong folder at cartolina? Nasaan ang jalousie? At higit sa lahat, NASA SECOND FLOOR AKO!

Nagimbal ako nang maalalang nasa second floor ako ng bahay. Dumoble pa ang takot ko nang para bang unti-unting pumapasok ang ulo ng lalake mula sa bintana, hanggang sa unti-unti na niyang naipasok ang kanyang mga kamay at braso.

Pumikit ako nang mariin at nagdasal sa isip ko. Nagdasal ako nang nagdasal hanggang sa sumisigaw na ako, humihingi ng tulong sa Diyos. Hanggang sa narinig ko ang boses ni Mama, tinatawag ang pangalan ko at sinasabing okay na ang lahat. 

Mabilis akong dumilat at sumambulat kaagad sa akin ang isang babae. May napakalaking hiwa sa kanyang mukha. Tuklap ang balat mula sa pisngi, pababa sa kanyang panga. Hati ang kanyang ilong at kitang-kita ko na ang kanyang bungo. Basang-basa ng dugo ang kanyang buhok at mukha. Wasak man ang kanyang mukha, nakita ko pa rin ang nanlilisik niyang mga matang nakatitig sa akin.

Nakahiga siya sa tabi ko at kitang-kita ko ang lalong pagkatuklap ng naaagnas niyang balat... nalalaglag ang mga ito sa unan at kumot ko, kasama na ng pagkarami-raming dugo at uod na para bang singlaki at taba ng hintuturo ko.

Unti-unting gumalaw ang labi ng babae hanggang sa nagsimula itong bumuka, pero imbes na boses at mga salita, magkahalong uod at mga ipis ang sabay-sabay na naglabasan dito, diretso patungo sa mukha ko.

Nagising ako na umiiyak at humahangos. Bumukas ang pinto at pumasok si Papa na galit na galit kasama si Mama. Gaya ng dati, puro sermon ang inabot ko kay Papa at panay tanggol si Mama sa 'kin.

Kailan ba matatapos ang kalbaryong 'to?



Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon