Time: 10:17PM
Sobrang aga kong dumating sa university kanina. Sa sobrang aga, literal na locked pa ang gate ng university. Nakipagtitigan na lang ako sa mga congratulatory banners na nakasabit sa gate. Sa totoo lang, inggit na inggit ako sa mga estudyanteng nasa banner dahil sa mga achievements nila. Lalo na sa student na nag-3rd place sa board exam. Sana maging ganito ako pagdating ng panahon. Pero sana naman 1st-placer ako.
Tutal 9am pa ang klase ko, nakisali na lang ako sa biology class ni Jewel para may mapaglibangan kahit papaano. Hindi rin naman awkward kasi classmate ko sa ibang subject ang mga classmate niya. Nakakapanibago ang sistema sa college. Ang hirap mag-adjust bilang first year. Hindi kaya sa sobrang stress lang kaya kung ano-ano na ang napapaginipan ko?
Natanong ni Jewel bakit daw napakaaga kong pumasok nitong nakaraan. Akala pa niya nag-away kami nina Mama at Papa. Pabiro kong sinabi na may iniiwasan akong matandang lalake sa panaginip ko. Inasar ako ng mga nakarinig sa akin, kesyo may sugar dream daddy daw ako. Don't get me wrong, mababaw lang ang kaligayahan ko. Simpleng joke, kahit sobrang korni, papatulan ko yan at pagtatawanan. Pero nang mga sandaling 'yon, hindi ko magawang tumawa lalo't naalala ko ulit sa isip ko ang nakakakilabot na ngiti ng matanda habang nakasilip sa bintana ko.
Antok na antok ako buong araw. Pakiradam ko nakalutang ang utak ko. Kahit aliw na aliw ako sa usapan nina Edgar tungkol sa Encantadia, pakiramdam ko'y bibigay na ang mga mata ko. Lumala pa pagdating sa final period. History class na nga, ginawa pang alphabetical order ang seating arrangement namin. Napunta tuloy ako sa likod, malayo kanila Jewel. At kung mamalasin, katabi ko pa si Firo na akala mo multo lang na nakikisali sa klase dahil sa sobrang tahimik at para bang napakalalim ng iniisip. Lalong nakakaantok. Gusto ko mang makipag-usap nang may mapaglibangan, wala rin naman akong alam na pwede naming pag-usapan.
Dapat ba tinanong ko na lang siya kung ano ang secret niya bakit lagi siyang top 1? Balita ko kasi mula high school, top 1 na raw siya lagi sa klase. Ako naman laging top 2 mula noon hanggang ngayon. Bwisit.
Kanina pala sa klase, habang nakikipaglaban ako sa antok ay biglang may sumigaw nang napakalakas. Tuloy, parang nawala ang antok ko at napalitan ng pagtataka lalo nang makita si Hailey na nakaupo sa desk niya, sumisigaw at para bang nagpupumiglas mula sa pagkakatali. Nasa likod ako kaya hindi ko nakita ang buong pangyayari. Nakita ko na lang na tumakbo palabas ng classroom si Hailey, para bang takot na takot. Sumunod naman kaagad si Mrs. Frontreras sa kanya.
Todo tanong ako kanila Jewel na nasa harapan kung anong nangyari. Pati sila litong-lito rin. Pero narinig ko sina Max, inaasar nila si Edgar kasi sumigaw daw si Hailey nang makita ang mukha niya. Todo tanggol naman si Edgar sa sarili niya, na wala raw siyang ibang ginawa kundi gisingin ito. Kinilabutan ako bigla. Naalala ko ang sarili ko kay Hailey sa tuwing binabangungot ako.
Sabi ng kaklase ni Jewel kanina na subukan ko raw matulog sa ibang lugar, baka may mag-improve sa tulog ko. Naisip ko kaagad ang kwarto ni Ate Apple, tutal nasa Maynila naman siya ngayon. Sana talaga gumana.
Para sigurado, pinagtatakpan ko ng mga brown folder at kung ano-anong cartolina ang bintana. Uminom pa ako ng gatas at nagbasa ng sobrang nakakakilig na pocketbook. Siyempre, may combo 'tong dasal. Aagahan ko rin ang tulog.
LORD, SANA ITO NA. SWEET DREAMS PO SANA.
BINABASA MO ANG
Daisy's Sleep Journal
HorrorDaisy is plagued by nightmares she can't understand. Little does Daisy know, she's not the only one getting them.