Date: December 15, 2005
Time: 3:55 AM
Bedtime: 2 AM
Estimated hours of sleep:
Hindi ko alam kung tulog na ba ako no'n o ano pero habang nakahiga ako sa kama ko, bigla akong may naramdamang para bang may yumakap sa akin mula sa likod ko. Pagdilat ko, kitang-kita ko ang naagnas na braso na nakabalot sa mga balikat ko. Pahigpit nang pahigpit ang yakap niya kaya pilit akong nagpupumiglas, pero dahil sa paggalaw ko ay unti-unting napupunit ang balat niya at lumalabas mula rito ang naglalakihang uod at umaalingasaw na dugo. May nakikita na akong mga uod na gumapagapang patungo sa akin. Lalo akong nagpupumiglas. Nahihirapan na akong huminga.
Mamamatay na ba ako? Ganito ba ang pakiramdam? Kung ano-ano na ang naisip ko hanggang sa bigla akong napatingin sa bintana.
Ang matandang lalake. Nakasilip ulit siya sa bintana, at gaya ng dati ay nakataas ang daliri sa ibabaw ng labi.
Takot na takot ako sa matandang lalake, pero nang mga sandaling iyon ay mas takot ako sa kung sino mang nakayakap sa akin. Wala sa sarili akong nagtaas ng kamay patungo sa direksyon ng matandang lalake. Gusto kong humingi ng tulong. Mas gusto kong sumunod na lang sa kanya gaya ng sinabi ni Firo.
Paulit-ulit kong sinabing ayoko na. Paulit-ulit akong humingi ng tulong. Sa isang iglap, bigla na lamang lumuwag ang mga brasong nakayakap sa akin. Sinamantala ko ang pagkakataon at muling nagpumiglas hanggang sa nalaglag na ako pababa sa kama. Gumapang ako hanggang sa nagawa ko nang tumakbo, diretso sa bintana kung saan naroroon ang matanda. Pero habang papalapit, bigla na lang naglaho ang matanda. Para tuloy akong nagkaroon bigla ng lakas ng loob. Binuksan ko ang bintana at walang pagdadalawang isip na tumalon palabas.
Wala akong naramdamang kahit na anong sakit nang bumagsak ako sa damuhan. Siguro kasi mas matindi ang takot ko, lalo na nang mapansin kong naging napakadilim ng paligid. Nilibot ko ang paningin sa para bang walang hanggang kadiliman hanggang sa bigla na lang nagkaroon ng kulay ang paligid. Ganoon na lang ang gulat ko nang namalayan kong nasa gitna na ako ng isang hallway. Hallway ng mismong university building.
May lumapit sa akin. Pagtingala ko, si Firo ang nakita ko. Tinulungan niya akong makatayo. Tinanong niya ako kung sinundan ko rin daw ba ang matanda. Nalilito man, umoo na lang ako at nagtanong sa kanya kung sino ang matanda.
Hindi niya rin daw alam pero masaya raw siyang may kasama na siya sa kalbaryo niya. Gago lang.
Nagtanong ako kung nananaginip din ba siya ng masama. Sabi niya, gabi-gabi raw at lagi niyang nakikita ang matanda bago siya nagigising. Sinubukan niya raw sundan ang matanda tapos napunta siya rito sa university. Doon ko lang napansin na walang katao-tao ang paligid kahit tirik na tirik pa ang araw na sumisilip mula sa mga bintana at parang nagniningning pa ang kulay puting pintura sa mga dingding.
Nagulat ako paanong naging araw na bigla gayong kakagaling ko lang sa kama ko. Nataranta pa ako kasi nakapambahay lang ako habang nasa university. Uuwi sana ako pero pinigilan ako ni Firo. Sabi niya sa akin na nasa panaginip lang kami at saka wala naman daw dumarating na mga estudyante sa parteng iyon ng panaginip niya.
Hanggang ngayon, litong-lito pa rin ako sa mga sinabi niya, or baka may mga parte lang na hindi ko naalala?
Ang weird ng panaginip ko. Nasa panaginip ako sa loob ng panaginip? Ewan.
Tapos pala, sa panaginip ko, pinagbubuksan namin ni Firo ang mga classroom. Medyo creepy kasi puro walang tao ang classroom na nabubuksan ko kahit pa may mga bag at gamit sa mga upuan.
Sabi pa ni Firo, nahanap niya raw ako sa pamamagitan nito. Narinig niya raw akong sumisigaw tapos pagbukas niya ng pinto, nakita niya raw akong nakatayo sa isang kwarto at ginigising ang sarili ko at sinisigaw ang pangalang Winona. Binanggit niya pa si Winona na nasa harap daw ng aparador. Tapos 'yung parte na sinasaksak ko ang sarili ko ng ballpen, nakita niya rin daw. Todo tawag daw siya sa 'kin pero hindi ko raw siya naririnig. Hindi rin daw siya makapasok. Tanging nood lang daw ang nagawa niya nang saksakin ko ang sarili ko. Pagkatapos non, nawala raw bigla ang kwarto at mag-isa na lang ulit siya.
Habang nag-uusap kami ni Firo, bigla naming narinig na may humahagulgol nang pagkalakas-lakas. Nagtalo pa kami kung saang pinto galing. Competitive akong tao kaya sabi ko paunahan kami ng hanap. Sa huli, sobrang saya ko kasi ako ang nanalo. First time ko siyang natalo sa isang bagay!!!! Pero hindi rin tumagal ang saya ko kasi napalitan ito ng takot. Pagbukas ko kasi ng ng pinto, nagulat ako kasi imbes na classroom, isang chapel ang ang nakita ko. Tapos may pinaglalamayan.
Dumating si Firo at pati siya litong-lito rin. Tinanong ko siya paanong nagkaroon ng chapel sa eskwelahan namin pero hindi siya kumibo. Tinuro niya lang bigla si Max na nakatayo sa harap ng ataul, iyak nang iyak habang yakap ang isang picture. Picture ng isang manok???
Sinubukan kong pumasok para makasigurado pero may kung anong invisible na pwersang pumipigil sa aking pumasok. Si Firo naman biglang sinigaw-sigaw ang pangalan ni Max. Gumaya ako pero parang hindi kami naririnig ni Max. Iyak lang siya ng iyak habang nasa harapan ng ataul tapos biglang dumating ang isang babae. Mama niya siguro. Kinaladkad siya ng mama niya palabas ng chapel tapos ayaw pa ni Max na umalis. Niyakap niya ang ataul kaya hayun, bumagsak tapos naglabasan mula roon ang maraming mga manok. Todo catch ang mga tao, pati pari humahabol na rin daw ng manok.
Galit na galit ang mama ni Max tapos kinaladkad siya pauwi. Biglang nagbago ang paligid tapos biglang nasa isang madilim na kwarto na si Max tapos pinapalo siya nito ng sinturon. Awang-awa ako kay Max kasi halatang sobrang sakit ng bawat palo ng mama niya. Pero bilib din ako kay Max kasi hindi niya pa rin binibitiwan ang picture ng manok niya.
Nagulat ako kasi tinuro ni Firo ang bintana ng kwarto tapos nakita ko ang parehong matandang lalake. Nakasilip din ito at nakataas ang daliri sa ibabaw ng labi. Nagsisigaw si Firo. Sundan daw ni Max ang matandang lalake. Hindi ko gets pero sumigaw na lang din ako.
Habang sumisigaw kami, biglang lumingon si Firo. Doon ko lang napansin na may ingay din na nagmumula sa classroom na nasa likuran namin. Inunahan ko siya. Tumakbo ako tapos pagbukas ko ng classroom, nakita ko naman si Hailey na nakaupo sa kama niya, sigaw nang sigaw habang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame.
Naduwag ako at dali-dali kong sinara ang pinto. I mean, hindi sisigaw si Hailey nang ganon kung walang nakakatakot sa nakikita niya.
Tinanong ako ni Firo kung ba't ko raw sinara. Kung makatingin sa akin, parang baliw ako. Sabi ko naman ayoko na kasi parang may nakikitang nakakatakot si Hailey. Lumapit si Firo at dali-daling binuksan ulit ang pinto. Bago pa man ako makaalma, nagising ako bigla. Natakot pa ako nang makita si Mama. Ginising niya pala ako kasi todo galaw daw ang kilay at noo ko habang natutulog. Baka masama na naman daw ulit ang panaginip ko.
Mabuti na lang talaga at napakabait ng mama ko. Thank you lord hehe
BINABASA MO ANG
Daisy's Sleep Journal
HorrorDaisy is plagued by nightmares she can't understand. Little does Daisy know, she's not the only one getting them.