entry 4 - AM

2.3K 180 39
                                    


Date: December 14, 2005

Time: 4:45 AM


Bedtime: 1 AM

Estimated hours of sleep: 2-3


Kahit na anong libot ko ng paningin, wala akong ibang nakita kundi ang kulay brown na tiles sa sahig. Napakadilim man ng paligid at wala mang ni isang furniture, alam kong nakatayo ako sa gitna ng sala namin habang suot-suot ang kulay itim kong school uniform.

Doon lang ako nakaramdam nang ganoong klaseng lamig at katahimikan sa sarili kong bahay. Sa sobrang lamig, napayakap ako sa sarili ko at napatitig sa kisame na animo'y nilamon na rin ng kadiliman. Napukaw lamang ang atensiyon ko nang may tumawag sa pangalan ko.

Si Winona... Nakilala ko ang boses ni Winona. Tinatawag niya ang pangalan ko. Noong una ay pabulong pero palakas nang palakas, puno ng pag-aalala. Kalaunan, napagtanto kong may iba siyang sinasabi. Ginigising niya ako.

Nakaukit na sa isip ko ang bawat pasikot-sikot ng bahay kaya kahit sobrang dilim ay tumakbo ako sa direksiyon kung saan naroroon ang kwarto ko. Takbo ako nang takbo sa gitna ng para bang walang hanggang kadiliman hanggang sa wakas ay narating ko ang pinto ng kwarto ko.

Pagbukas ko ng pinto, nagulat ako nang makita ang sarili kong natutulog sa kama. Suot-suot ko pa ang ternong kulay dilaw na pajama ni Ate Apple, kagaya ng suot ko bago natulog.  Nasa tabi ng natutulog kong katawan si Winona. Nakaupo siya, gising na gising at para bang takot na takot habang tinatapik ang braso ko.

"Gising, Daisy! Gising!" - Malayo-layo ako sa kanila pero para bang direktang bumubulong ang boses ni Winona sa tenga ko.

Kinabahan ako sa mga nakikita ko kaya tinawag ko na rin ang pangalan ni Winona. Sa pangatlo kong pagtawag sa kanya, saka lang siya natigilan. Napansin ko ang paglaki ng kanyang mga mata. Unti-unting umikot si Winona, pero imbes na tumingin sa direksiyon ko, bigla siyang tumingin sa malaki kong aparador na gawa sa narra.

Habang nakatitig pa rin sa nakasarang aparador, unti-unting tumayo si Winona at lumapit sa direksiyon nito. Maya't maya siyang lumilingon sa natutulog kong katawan pero napapatingin lang siya ulit sa aparador.

Tumindi ang kaba ko kaya mas nilakasan ko ang pagtawag kay Winona. Sa sobrang desperasyon, pati sarili kong pangalan ay sinisigaw ko na rin, nagmamakaawa sa sarili kong gumising na.

Tapos bigla na lamang umalingawngaw ang tatlong malalakas na katok. Napalingon agad ako sa pintong nasa likuran ko, pero nakabukas naman ang pinto at wala akong nakikitang kahit na sino sa malapit.

Biglang may sinabi si Winona na nagpatayo ng mga balahibo ko. 

"MAY TAO BA DIYAN SA LOOB NG APARADOR?"

Umalingawngaw muli ang mga katok at takot na takot akong napalingon sa aparador. Takot na takot ako kasi nanggagaling sa loob ng mismong aparador ang mga katok.

Takot na takot na rin si Winona pero lalo siyang lumalapit sa aparador. Tumakbo ako para pigilan siya pero tumagos lamang ako sa katawan niya. Sigaw ako nang sigaw pero sadyang hindi niya ako naririnig. Panay ang paglakad niya patungo sa aparador. Tinuon ko ang atensiyon sa sarili kong natutulog pa rin sa kama at agad itong nilapitan. Hindi ko alam ano ang pumasok sa isip ko pero basta ko na lang na kinuha ang ballpen na nasa maliit na mesang katabi lang ng kama. Gamit ang ballpen, marahas kong inundayan ng saksak ang sarili kong braso.

Nagising akong humahangos at nanginginig. Litong-lito ako pero nangibabaw agad sa pandinig ko ang nakabibinging sigaw ni Winona. Pag-upo ko, nakita ko siyang nakaupo sa sahig, sumisigaw at pilit na tinatakpan ang mukha habang nakaturo sa aparador na ngayo'y nakabukas na.

Pagdating nina Mama at Papa, saka lang parang nahimasmasan si Winona. Dali-dali niyang kinuha ang mga gamit niya at nagtatakbo palabas ng bahay, walang pakialam kahit na nakapantulog lang siya.

Agad na hinabol ni Mama si Winona kaya si Papa ang naiwan kong kasama sa kwarto. Imbes na magtanong tungkol sa nangyari kay Winona, nag-aalalang tinuro ni Papa ang braso ko. Saka ko lang napansin ang dugong pumapatak mula rito.

Ako ba ang gumawa non sa sarili ko? Paano nangyari yon?

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon