entry 10

1.3K 99 75
                                    


Date:

Time:


Bedtime:

Estimated hours of sleep:


Nakakagulat ang mga nangyari. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala

Gabi na nang magawa kong tumakas sa bahay. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagawa kong akyatin ang gate namin at tumalon mula rito, makalabas lang nang hindi nalalaman ng mga magulang ko.

Bago tumakas, hinalungkat ko pa ang yellow pages ng landline namin. Mabuti na lang at bukod sa telephone number, naroon din ang address niya.

Nagawa kong makahabol kay Firo at Max. Magkasabay lang ang pagdating namin sa baranggay na tinitirhan ni Professor Guada. Hindi kami natagalan sa paghahanap ng bahay niya dahil nakita agad namin ang congratulations banner ng anak niyang si Olympia. Nakasabit ito sa labas ng gate at napapaligiran ng mga Christmas light. 

Nagtulakan sina Firo at Max kung sino ang kakatok sa gate. Halatang parehong takot kay Professor Guada. Pero bago pa man makakatakot ang isa sa amin, biglang dumating si Professor Guada sakay ng isang tricycle.

Pinapasok kami ni Professor Guada sa bahay niya kahit pa mukhang naguluhan siya nang sinabi ni Firo na may gusto kaming itanong tungkol kay Olympia.

Nagpaalam si Professor Guada na maghahanda muna ng mga inumin kaya kaming tatlo lang ang natira sa sala.

Sa isang iglap, biglang nagmura si Firo. Sinundan ko kung saan siya nakatingin at nakita ko ang ilang mga picture frame na nakasabit sa dingding. Lahat puro picture ni Olympia na may bitbit na medal o trophy. Sa huling litrato, yakap-yakap niya ang isang matandang lalake na pinagsuot niya pa ng kanyang graduation cap at medal.

Siya yon. Hinding-hindi ako magkakamali. Lolo ni Olympia ang matandang lalakeng lagi naming nakikitang nakasilip sa bintana. 

Bago pa man kami makakibo, dumating si Professor Guada na may dalang mga baso ng juice. 

Nagtanong agad si Firo kung nasaan si Olympia. Ayon kay Prof, nasa Maynila daw ito at doon na nagtatrabaho pagkatapos makapasa sa boards. 

Nagtanong naman si Max kung Lolo ba raw ni Olympia ang kasama nito sa picture. Sabi naman ni Prof, oo at sobrang close daw ang mag-lolo. Dapat din daw 1st place talaga si Olympia sa board exam pero dahil kamamatay lang ng lolo niya, na-depress daw ito at 3rd place lang ang inabot.

Nakakapanlumo ang usapan kaya hindi ko na nagawang magsalita. Halatang sobrang proud ni Professor Guada sa anak niya. Wala siyang ibang bukambibig kundi ang achievements nito. Ni halos hindi namin magawang makapagtanong dahil sobrang excited siya habang nagk-kwento.

Naglakas-loob si Firo. Tinanong niya kung kailan daw huling nakausap ni Professor Guada ang anak niya. Ngumiti lang si Professor Guada at sabing araw-araw daw.

Kinilabutan ako. Sesenyasan ko sana sina Firo at Max na wag inumin ang juice pero tuluyan akong kinabahan nang makitang ubos na ang baso ni Max at nangangalahati na lang ang kay Firo.

Para akong nanigas sa kinauupuan dahil sa magkahalong kaba at kilabot, lalo na nang biglang tinanong ni Professor Guada kung gusto ba raw naming makita si Olympia kagaya ni Hailey.

Napatayo si Firo, at ganoon din ako. Pero nagulat kami nang bigla na lamang bumulagta si Max sa sahig, hinang-hina at halos tumutulo na ng laway. Nagsisigaw si Firo pero nagsimula na rin siyang sumuray at para bang ano mang sandali ay pipikit na ang mga mata.

Nagkakagulo na kami pero nanatiling kalmado si Professor Guada sa kinauupuan. Ngumiti pa siya at lumingon sa picture ni Olympia. Sabi niya, nandamay na naman daw nito ng mga tao.

Akmang tatakbo na sana ako patungo sa pinto nang makita kong biglang ngumisi si Firo habang nakatingin kay Professor Guada. "PATAYIN MO MAN KAMI NI MAX, TALO KA PA RIN."

Napatayo si Professor Guada, nanlisik ang mga mata niya. Nagsisigaw siya kung sino pa ba raw ang ginambala ng anak niya.

Tumawa naman si Firo. May sinabi siyang halos nagpahinto sa puso ko. 

"MABUTI NA LANG WALA RITO SI DAISY."

Parang nag-flashback ang lahat sa isip ko. Kung paano walang tumitingin sa akin o sumasagot man lang. Kung paano nagtulakan sina Firo at Max kung sino ang kakatok. Kung paano dalawang juice lang ang inihanda ni Professor Guada.

Bigla kong narinig na may sumisitsit. Napalingon ako sa bintana at nakita ko kaagad ang matandang lalake na nakasilip. Nakangiti na naman at nakataas ang daliri sa ibabaw ng labi.

Doon ko lang lubos na napagtanto kung ano ang nangyayari.

Napaiyak na lamang ako't nagmakaawang gisingin niya ako.

Hindi ko matandaan ang mga iba pang nangyari pero nagising na lang akong nakahandusay na sa lupa, duguan ang noo at namimilipit sa sakit ang buong katawan. Nagsisigaw ako kay Mama at Papa hanggang sa lumabas na nga sila ng gate. 

Doon ko lang naalalang sumablay pala ang pagtalon ko pababa ng gate namin, dahilan para mawalan ako ng malay at makatulog.

Gamit ang natitira kong lakas, desperado akong nagmakaawa kay Papa at Mama na saklolohan sina Firo at Max. 

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon