entry 6 - AM

3K 191 41
                                    


Date: December 16, 2005

Time: 4:37 AM


Bedtime: 11

Estimated hours of sleep: 4-5


Hindi pa rin ako makapaniwala na nasa iisa kaming panaginip nina Max at Firo kanina.

Natagpuan ko ang sarili ko sa university na walang katao-tao. Doon kami nagkita ni Firo tapos sumunod na si Max. Gaya namin sinundan niya rin daw ang matandang lalake. Wala si Hailey kasi hindi raw nila ito nahanap. 

Isa-isa ulit naming binuksan ang bawat saradong pinto sa building, nagba-baka sakaling may mahahanap ulit kaming kagaya namin ng pinagdadanan. Nagba-baka sakaling may mahahanap kaming sagot sa mga nangyayari.

Habang busy kami, bigla naming narinig na may pumapalahaw. Taranta naming sinundan ang ingay hanggang sa nakarating kami sa tapat ng isang pinto. Nang buksan namin ito, nadatnan namin ang isang babae na para bang nalulunod sa kanyang kama. 

Parang nagiging pinaghalong dugo at putik ang kanyang kama at unti-unting lumulubog ang katawan niya rito. Todo pumiglas siya pero parang hindi na rin siya makagalaw. Sleep paralysis, ika nga ni Firo. At gaya ng dati, nakasilip sa bintana ang matandang lalake.

Sinubukang pumasok ni Max para sagipin ang babae pero sabi ni Firo na ang tanging magagawa lang namin ay alamin kung sino ito. Tiningnan ko ang paligid ng kwarto hanggang sa makita ko ang isang gradpic sa mesa. Hindi ko kilala ang nasa picture pero nang ituro ko ito, sabi ni Max na si Katya daw ito na kaklase niya sa isang subject.

Habang nag-uusap kami ni Max, bigla na lang kaming binangga at tinulak-tulak ni Firo. Taranta siya. Tumakbo na raw kami.

Bago pa man may makapag-react sa amin, biglang kumulimlim ang langit dahilan para unti-unting dumilim ang paligid. Sabay-sabay nagsilingon at nakita namin ang isang babae. Naglalakad siya sa gitna ng hallway, patungo sa amin. Basang-basa at ubod ng dumi ng kanyang buhok at damit. May naglalakihang hiwa ang kanyang mukha at halos yupi na ang kanyang ulo. Tuklap ang balat sa kanyang pisngi, pababa sa kanyang panga. At sa bawat hakbang niya, nalalaglag ang pinaghalong uod, laman, at patak ng dugo.

Nagtakbuhan agad kaming tatlo, wala nang lingon-lingon pa. Takbo lang kami nang takbo hanggang sa napansin kong para bang walang hanggan ang hallway at nagpapaikot-ikot lang kami. Walang hagdan, exit, o kahit ano. Desperado na ako kaya binuksan ko ang unang pinto na nakita ko pero nagulat ako nang sumambulat sa mismong harapan ko ang wasak na mukha ng babae. Sobrang nakakatakot!!! Narinig kong nagsigawan sina Firo at Max. Tatakbo sana ako patungo sa kanila pero biglang hinawakan ng babae ang magkabila kong pisngi.

Hindi ko na maalala ang mga sumunod na nangyari pero natagpuan ko na lang bigla ang sarili ko sa madilim kong kwarto. Nakahiga ako sa kama at hindi na naman makagalaw. Panay ang singhap at kurap-kurap ko habang pilit na ginagalaw ang mga daliri ko sa kamay at paa. Pero agad naglaho ang lahat ng takot ko nang makita si Mama na nakaupo sa gilid ng kama ko, pinagmamasdan ako at sinasabi sa akin na binabangungot ako.

Okay lang. Magiging okay ang lahat. Gigisingin ako ni Mama. Magiging okay ang lahat dahil sa kanya. Yun ang nasa isip ko.

Muli, pilit kong ginalaw ang mga daliri ko upang makuha ang buo niyang atensiyon. 

Pero nagulat na lang ako nang bigla niyang kinuha ang unan na nasa gilid ko at idiniin ito sa mismong mukha ko. Sa sobrang diin, hindi ako makahinga. Kahit sumigaw, hindi ko magawa. Parang nalulunok ko lang ang boses ko. 

Gusto kong magpumiglas pero hindi pa rin ako makagalaw. Gusto kong humingi ng tulong pero hindi ako makahinga. Akala ko katapusan ko na, pero bigla akong napasinghap at nakita si Mama na niyuyugyog ang mga balikat ko at tinatapik ang pisngi ko. Sa sobrang takot, tinulak ko siya palayo at dali-daling bumangon. Kumaripas ako ng takbo palabas sa pinto at nakita ko si Papa na palabas sa banyo, nagkakamot pa ng ulo at humihikab.

Sigaw ako nang sigaw na gusto akong patayin ni Mama. At nang narinig ko ang boses ni Mama na humabol, wala akong magawa kundi yumakap kay Papa at magtago sa likod niya.

Kanina pa ako gustong kausapin ni Mama pero hindi ko pa siya kayang makaharap. Takot na takot pa ako kaya mas pinili kong magkulong na lang muna sa kwarto ko. Ni hindi ako sumama sa kanila upang mag-simbang gabi. 


Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon