entry 3 - PM

2.3K 165 26
                                    


Time: 9:13 PM


Sabi ko iiwasan kong ma-stress, pero yung stress pa nga ata ang lumalapit sa akin. May reporting kami sa Filipino pero dahil umabsent si Hailey, biglang ako na ang susunod. Akala ko next week pa ako kaya wala akong naihandang kahit ano. Ni basahin ang topic ko, hindi ko pa ginagawa.

Grabeng sermon ang inabot ko kay Professor Guada. Masakit ang mga sinabi niya, pero mas dama ko yung kahihiyan kasi pinagalitan niya ako sa gitna mismo ng klase. Kesyo puro raw ako pa-cute. Na wala raw akong mapapala sa buhay kasi puro lang daw ako tawa at arte. Hindi ko alam saan nanggaling ang pinagsasabi niyang 'yon gayong consistent honor student naman ako mula high school. Ngayon lang talaga ako pumalpak. Na-offend ba siya kasi pangiti-ngiti lang ako habang nag-e-explain ako? Eh sa ganun ako kapag natataranta at nahihiya! Buti na lang talaga, hindi lang ako ang pinagalitan niya. Habang nasa kalagitnaan kasi ng impromptu report ko, pinatigil niya ako at pinaupo. Tinawag niya si Firo na siya palang kasunod kong mag-report, kaso gaya ko, hindi rin ito nakapaghanda kaya na-semonan din nang todo. Kung ako tinawag niyang maarte, si Firo naman ay tinawag na puro hangin ang utak at puro papogi lang daw. Hindi niya siguro alam na valedictorian noon si Firo sa eskwelahan niya. Natawa nang wala sa oras si Edgar, tuloy pati siya ay nasermonan din ni Prof Guada at natawag na sugo ng demonyo.

Kilala si Prof Guada sa tabas ng dila niya. Minsan na akong sinabihan ni Jewel na mag-ingat sa kanya, pero hindi ako masyadong naniwala. Akala ko gaya lang siya ng teacher ko noong elementary na mala-tigre sa sobrang bagsik sa loob ng classroom, pero paglabas sobrang mapagmahal na nanay. Kaso mali ako. Higit pa sa tigre si Prof Guada. Sa katunayan, pati nga siguro mga tigre ay iiyak at tatakbo kapag nakita siyang paparating. 

Dahil sa panaginip ko kanina, takot akong matulog mag-isa. Gusto kong magpatabi kay Mama pero ayokong may masabi na naman si Papa. Naisip kong imbitahan si Jewel na mag-sleep over sa bahay pero pass daw muna siya dahil hindi siya nakapagpaalam. Gano'n din ang iba naming kaibigang babae.

Naisip ko si Winona kaya dumiretso ako sa studio pagkatapos ng klase. Weekends lang ang shift ko kaya nagulat si Winona pagdating ko. Absent ang photographer ng studio at puro process ng order lang ang ginawa ni Winona kaya libre kaming nakapagdaldalan.

Napansin ni Winona ang pangangayayat ko. Panay tanong siya kung okay lang ba ako. Naisip kong baka gaya lang siya nina Mama at Papa na aakusahan akong nagkulang sa dasal o di kaya'y nasobrahan ng horror movies kaya hindi ko na kinwento ang tungkol sa mga panaginip ko.

Pasimple kong inimbitahan si Winona na matulog sa bahay at buti na lang pumayag siya. 

Parang naibsan nang konti ang takot ko kasi at least, may katabi ako sa pagtulog ngayon. Kailangan ko nga lang itago ang journal na 'to para hindi niya mabasa.

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon