entry 5 - PM

2.2K 177 48
                                    


Time: 10:59 PM


Shit talaga!!! Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari!!!

Pagdating ko ng university kanina, nakita ko agad si Firo sa gilid ng gate na parang natataranta habang may hinihintay. Nagtama ang mga mata namin at nagulat ako kasi tumakbo agad siya papalapit kahit pababa pa lang ako ng jeep.

Tinanong niya ako kung naalala ko ba raw ang panaginip ko. Yung lamay ng mga manok ni Max at yung multo sa kisame ni Hailey. Nagsitayuan ang mga balahibo ko. Kahit habang sinusulat ko 'to ngayon, nagsisitayuan na naman ang mga balahibo ko. Gago talaga. Paano 'yon nangyari??? Paanong naging magkasama kami sa panaginip??? 

Sa sobrang gulat sa mga nangyayari napa-cutting kami bigla ni Firo. Para kaming naging close ng wala sa oras. Kanya-kanya kaming labas ng takot at sama ng loob. Ilang gabi na rin daw pala siyang nagkakaroon ng sleep paralysis. Sinubukan niya lang na sundan ang matanda nang maging sobrang desperado na niya. Tapos hayun na, kumunekta siya bigla sa panaginip ko.

Habang nasa cafeteria kami at lumalaklak ng kape, dumating si Max kaya sugod agad kami sa kanya. Tinanong ko kung namatayan ba siya ng manok sa panaginip niya, tinanong naman ni Firo kung pinagpapalo ba siya ng sinturon ng mama niya. Akala ko mahihimatay si Max. Literal kasi siyang napaupo sa sahig. Hirap na hirap kami ni Firo sa pag-alalay lalo't 6-footer ang loko. 

Lumapit sa amin ang staff ng cafeteria at tumulong. Nagtanong ito kung napaano kami. Kaso kahit kami, hindi na rin namin alam anong nangyayari. 

Habang hinihintay ang kapeng binili namin, hinubad ni Max ang suot niyang jacket at nagulat kami nang makita ang mga latay ng sinturon sa braso niya. Marami pa nga raw sa likod niya. Pagod na pagod na raw siya sa mga panaginip niya at para na raw siyang masisiraan ng bait.

Pinaliwanag ni Firo  kay Max ang kasalukuyan naming alam. Takot na takot kaming tatlo. Bwisit lang. Pare-pareho pala kami ng pinagdadaanan. Kaya pala pare-pareho kaming mukhang mga multo nitong mga nakaraang araw. Shabu family pa nga raw sabi ng mga kaklase namin. 

Sinubukan naming hanapin si Hailey pero absent daw. Pagdating ng lunch break, nagtanong-tanong kami sa mga kaklase namin kung may nakakaalam saan siya nakatira. Nang aalis na sana kami, nagulat ako nang makita sina Mama at Papa na naghihintay sa gate. Sinundo nila ako dahil may pupuntahan daw kami. Inasa ko na lang kay Firo at Max ang paghahanap kay Hailey.

Bumyahe kami nina Mama at Papa ng mga dalawang oras hanggang sa dumating sa isang liblib na baranggay. Sinalubong kami ng isang matandang babae at dinala sa isang may kalakihang kubo. Namangha pa ako dahil kahit kubo ito, mayroon itong airconditioner.

Lumabas mula sa kubo ang isang matandang lalake na may suot na maraming kwintas na gawa sa kahoy. Sa sobrang dami, parang leeg ko ang sumakit dahil sa kanya. Mayroon din siyang bandana na para bang nakakorona sa kanyang ulo, may kasama pang mga dahon ng kung anong halaman.

Hindi na ako nagulat pa nang sinabi ni Mama na isa itong albularyo. Sa totoo lang, mas nagulat ako na napapayag niya si Papa na dalhin ako rito. 

Gusto ko sanang ikwento na nagiging konektado ang mga panaginip namin nina Firo at Max, pero alam kong hindi sila maniniwala. Sinarili ko na lang muna hangga't sa hindi pa namin lubos na alam ang mga nangyayari.

Nakangiwi lamang si Papa sa isang tabi habang dinadasalan ako ng albularyo at dinidikitan ng kung ano-anong dahon sa mukha. 

Biglang nasubok ang pasensiya ko nang pinalo-palo ako ng albularyo gamit ang isang makapal na sanga na may mumunti pang mga dahon. Pampawala raw ng sumpa. Kung wala siguro ako sa sitwasyong 'to, baka inagaw ko na ang sanga at pinalo-palo ang albularyo bilang ganti. Masakit siyang manghampas, ah!

Naglabas ng palanggana ang albularyo at nagpatak ng kandila sa tubig. Tutok na tutok kaming lahat, pati si Papa lumapit na rin. Isang hugis ang nabuo mula sa wax ng kandila, parang ulap na ewan pero sabi ng albularyo multo daw yun ng isang matandang lalake na nagkagusto sa akin at gusto akong kunin kasi mahilig daw ito sa mga kolehiyalang gaya ko. Ang daming pinagsasabi ng albularyo kaya napuno na si Papa at halos kaladkarin na kami paalis. Sa totoo lang, nagpapasalamat din ako kay Papa kasi pakiramdam ko nangmamanyak lang yung lecheng albularyo.

Akala ko uuwi na kami pagkatapos sa albularyo pero dumiretso kami sa ospital. This time, si Papa na ang todo asikaso at si Mama na ang nasa isang tabi lang. Halatang pinagbigyan nila ang isa't isa para lang matulungan ako. Kaso, wala rin kaming napala sa ospital. Wala raw ang espesyalista tapos ng magpa-check up naman, sinabihan lang ako na kailangan kong uminom ng vitamins at magpahinga kasi stress at overfatigue daw. Pababalikin lang ako sa susunod na linggo para sa mas maayos na check-up. Hay... Buhay pa ba ako sa susunod na lingo???

Gabi na nang makaalis kami sa ospital. Imbes na dumiretso sa bahay, dumiretso kami sa simbahan. Gulat na gulat ako kasi nawala sa isip ko na simula na pala ng simbang gabi. Sa totoo lang, nawala na rin talaga sa isip ko ang pasko. 

Face-to-face ko bang babatiin si Papa Jesus ng happy birthday ngayon????

Nga pala, sa gabing 'to sa kwarto nina Mama at Papa ako matutulog. Kahit papaano, parang hindi ako masyadong takot. Si Mama at Papa na 'to. Si Ate Apple na lang at aso naming si Garfield ang kulang.

Sa totoo lang, medyo masaya ako ngayon kasi buong araw kong kasama sina Mama at Papa. Ramdam na ramdam ko yung atensiyon at pag-aalala nila. Akala ko hindi sila naniniwala, pero kung saan-saan pa rin nila ako dinala para lang matulungan. Bonus yung kasama ko sila sa iisang kwarto ngayon. Parang bata lang ulit. Kahit papaano, nawala sa isip ko ang lahat ng masasamang nangyayari.

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon