entry 4 - PM

2.1K 175 30
                                    


Time: 11:59 PM


Sinabi ko sa mga magulang ko ang lahat ng mga nangyari mula umpisa, pati na ang tungkol sa nangyari kanina kay Winona. Gusto na ni Mama na magtawag ng albularyo pero ayaw ni Papa. Mas gusto ni Papa na ipatingin ako sa doktor kasi lumuluwag na raw ang turnilyo sa utak ko. Pumunta rin si Papa sa bahay ni Winona para tanungin kung bakit ba talaga ako nasugatan, pero ayaw daw lumabas ni Winona sa kwarto niya. Galit din ang mga magulang ni Winona, todo tanong kung ano raw ba ang ginawa ko at nagkaganon ang anak nila.

Hindi ko alam kung ano ang nakita ni Winona sa loob ng aparador, pero kung alam ko lang na magkakaganoon siya, sana hindi ko na lang siya inimbitahan. Kasalanan ko ang lahat.

Ayaw sana akong papasukin ni Mama pero nagpumilit pa rin ako. Sa totoo lang, natatakot akong magtagal sa bahay. Pakiramdam ko ay mas ligtas ako sa university kung saan maraming tao.

Buong araw, parang nakalutang ang utak ko. Antok na antok ako pero pilit ko itong nilalabanan. Panay ang biro sa akin nina Edgar kung nagsha-shabu ba raw ako gaya ni Firo. May mga leche namang tinutukso kami sa isa't isa. Shabu couple daw. Sabi naman ni Jewel, Shabu family daw kasama sina Max at Hailey. Sabi naman ng isa kong classmate, mukha raw akong naglalakad na bangkay. Kung alam lang nila bakit ganito ang hitsura ko.

Kanina  pala, habang nag-aabang ng jeep pauwi, may nangyaring kakaiba. Si Firo kasi, bigla na lang lumapit sa akin. Ang weird kasi tiningnan niya lang ako mula ulo hanggang paa, tapos biglang tumingin sa braso kong may benda.

Habang nakatingin sa kanya, saka ko lang napansin na may kakaiba sa kilos niya. I mean, natural na siyang parang walang gana sa buhay kung kumilos. Mukhang ring seryoso palagi kaya nachi-chismis na masungit daw at walang ibang ginagawa kundi mag-aral. Pero ngayon, parang mukha talagang pagod na pagod ang mga mata niya. Malalim ang mga ito at mamula-mula pa.

Ang awkward kasi hindi naman kami masyadong nag-uusap. Mas awkward pa dahil sa kinikilos niya. Sa huli tinanong ko na lang kung okay lang ba siya. Nagulat ako nang sinabi niya na ilang gabi na raw siyang hindi nakakatulog nang maayos. Tatanungin ko sana siya kung binabangungot din ba siya, pero bigla niyang tinuro ang sugat ko. Mas nagulat pa ako nang tinanong niya kung sinaksak ko ba raw ang sarili ko ng ballpen.

Tinanong ko siya kung paano niya 'yon nalaman pero parang nagulat din siya sa sinabi ko. Bago pa man kami makapag-usap nang maayos, biglang umalingawngaw ang sunod-sunod na busina ng sasakyan. Paglingon ko, nagtaka ako nang makita si Papa na sakay ng kanyang lumang Nissan.

Bago ko pa man mabalik ang tingin kay Firo, bigla siyang may binulong at dali-daling umalis.

Hanggang ngayon, hindi pa rin maalis sa isip ko ang sinabi niya...

"SUNDAN MO ANG MATANDANG LALAKENG NAKASILIP SA BINTANA MO"

Daisy's Sleep JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon