Hindi na kami bumalik pa sa bulwagan kung saan ginaganap ngayon ang selebrasyon sa kaarawan ng Grandmaster ng Phoenix. Wala na rin naman doon ang mga taong pakay ko kaya naman ay hindi na ako tumutol pa noong yayain na akong umalis ni Dylan.
Tahimik lang ako sa kinauupuan ko habang nakatingin sa labas ng sasakyan. Sa tabi ko ay iyong tahimik din na si Dylan at tila malalim ang iniisip. For sure, iyong tungkol sa kalagayan namin ngayon ni Cordelia ang laman ng isip nito. Malapit ang loob nito kay Cordelia at maiintindihan ko kung biglang magbabago ang turing nito sa akin ngayon alam na niya kung sino talaga itong nasa katawan ng kaibigan niya.
"We're here." Napaayos ako nang pagkakaupo noong marinig ang boses ni Dylan. Napabaling ako sa may harapan ng sasakyan at napatango na lamang noong makita ang pamilyar na paligid. Nakabalik na kami sa bahay ni Tanner! Mayamaya lang ay kumilos na si Dylan at nauna nang bumaba sa sasakyan. Humugot muna ako ng isang malalim na hininga at napagdesisyunan na rin sumunod sa kanya.
Pagkalabas ko, agad kong namataan ang papalayong bulto ni Dylan. Nauna na itong pumasok sa loob ng bahay ni Tanner kaya naman ay napangiwi na lamang ako.
Isang malalim na hininga muli ang ginawa ko at tahimik na inangat ang isang paa. Nagsimula na akong maglakad at noong nasa tapat na ako ng pinto, agad akong natigilan sa pagkilos. Wala sa sariling napakunot ang noo ko at muling binalingan ang karwaheng sinakyan kanina. Segundo lang ay umandar na ito at noong tuluyang nawala sa paningin ko ang karwahe, mabilis akong bumaling muli sa may pinto. Akmang hahawakan ko na sana ang doorhandle nito noong biglang natigilan muli ako.
What the hell?
Hindi ko alam kung paranoid lang ako pero malakas ang pakiramdam ko na may nakamasid sa akin ngayon! Humigpit ang pagkakahawak ko sa magkabilang bahagi ng suot kong dress at muling bumaling sa may likuran ko. Madilim ang paligid kaya naman ay nahihirapan akong makita kung may ibang tao ngayon malapit sa akin!
Mayamaya lang ay mabilis akong napapitlag noong biglang bumukas ang pinto sa likuran ko. Agad akong bumaling doon at namataan ang seryoso mukha ni Dylan. Napalunok ako at humugot muli ng isang malalim na hininga.
"What are you doing?" He coldly asked me.
"I..." I sighed again. "Never mind," saad ko at kumilos na sa kinatatayuan. Umatras naman si Dylan at hinayaan na akong makapasok na sa bahay ni Tanner. Dali-dali akong naglakad at hindi na ito binalingan pa. Agad kong binuksan ang pinto ng silid na tinutuluyan ko at marahang isinara iyon. Wala sa sarili akong napasandal sa nakasarang pinto at napailing na lamang.
Malakas ang kutob ko na may nakamasid sa akin kanina. Kahit na kaunting presensiya lamang nito ang naramdaman ko, natitiyak kong nasa malapit lang ito kanina sa akin. "Was it Meredith?" Wala sa sariling tanong ko at umalis na mula sa pagkakasandal sa may pinto. "But... it was a different presence. Iba iyong presensiyang naramdaman ko sa kanya kanina kumpara sa presensiyang nasa labas ng bahay ni Tanner." Naupo na ako sa gilid ng kama at maingat na inalis ang mga palamuti na nasa buhok ko.
Humugot muli ako ng isang malalim na hininga at tumayong muli. Ipinilig ko ang ulo pakanan at nagsimula nang alisin ang magarbong damit na suot. Maingat ang bawat galaw ko at noong matapos na ako sa ginagawa, isang simpleng damit na lamang ang isinuot ko sa katawan. It was still a long dress but compared to the one I wore at the party, mas magaan sa katawan ito. Mas nakakagalaw ako at hindi nahihirapang humakbang.
Pabagsak akong nahiga sa kama at wala sa sariling napatitig na lamang sa may kisame. Humugot ako ng isang malalim na hininga at inilagay ang kanang kamay sa kamay dibdib ko. "Cordelia," mahinang sambit ko sa pangalan nito. "Kailangan kong matapos ang misyon ko sa lalong madaling panahon. Hindi ako maaaring magtagal sa katawan mo. You... need to help me, Cordelia. You need to help yourself, too. Kaya naman ay nakikiusap ako sa'yo. Show me everything. Ipakita mo sa akin ang kung anong nangyari talaga sa'yo noong araw na iyon."