Patawad Na Naman

10 0 0
                                    

Patawad
Tila isang tinik sa lalamunan ko na bumabara
Bibig ay puno ng masasakit na salita
Labing lapnos sa umaapoy na mura
Sukdulan ang sakit, hindi mo ba nakikita?

Oo, sinisisi kita dahil ikaw ang may gawa
Sa kalbaryo kong daan na araw at gabi kong nararanasan
Na sa bawat turo ng daliri mo, ako'y nasasaktan
Hindi ako si Hesus pero krus mo ang aking pasan

Buhat ko ang mga batong apoy na mula sa'yo
Sing-tigas ng diyamente, parang puso mo
Teka, sandali, hindi ko maitatanggi
Sa lahat ng kauri mo, ikaw ang natatangi

Ang baliw ko, ano? At alam ng lahat na ako'y baliw sa'yo
Nakakaaning 'yung yakapin mo ang pumapatay sa'yo
Hahalikan pa't huhubarin ang buong pagkatao
Isasanla ang kaluluwa sa isang demonyo

Walang nakakaalam kung bakit nga ba ako bumabalik
Ngunit alam na alam nating lason ang iyong halik
Na handa akong laklakin ang likidong alak
Sa bituka kong nilulusaw, bumitaw at umayaw ay hindi balak

Tinanggap kita ng isa, dalawa, higit pa sa isang libo
Kapalit ng bente singko mong pag-ibig, abonado pa ako
Tinanong mo ako kung sobra-sobra ba
Ito 'yung nakakagago, kulang na kulang pa

Dito ko napatunayan na tanga akong tunay
May dalawang mata ngunit hindi makita ang kulay
Ng puso mong marami kaming nakasakay
Iisang karo at bulaklak para sa lahat ang iyong alay

Ganyan ka magmahal
Sisinghal kung madadagit
Huling-huli ang isda sa kanyang bibig

Ganyan ka magmahal
Hahabulin pa't luluhod sa batuhan
Ito ang iyong gusto, katawan mo'y nasasarapan

Ganyan ka magmahal
Naghahanap ng kapalit
Salitang mapait at pag-ibig mong pilit

Ganyan ka magmahal
Isasama ako sa dilim, wala akong makita
Liwanag ay isang guni-guni, ako ay nag-iisa

Ganito ako magmahal
Daang libo kang pinasan paakyat
Hindi ako tumigil, hingal at payat

Dahil inubos mo ang loob ko
Tila sabaw na hinigop, sinarili mo
Hindi pa nakuntento at nilamon ng buo
Sakim ka't walang itinira, sagad buto

Ngayon, hindi ko na maririnig ang patawad
Sapagkat tutuldukan ko na ang puso mong huwad
Kutsilyong ginamit mo sa akin ang sa iyo'y huhubad
Ibabaon hanggang gitna tulad ng iyong iginawad
Sa aking puso, dugo ay umaagos
Sabay tayong lilisan, patay na pag-ibig ay tinapos

Mga Hindi Masabi Ng Puso (Poem Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon