Chapter thirty four

588 16 1
                                    

Magtatatlong araw na magmula nang pansamanatalang tumira si Senyorito Vincent sa mansyon. Araw-araw kaming abala sa pag-aasikaso sa mga Pendleton at tama nga ang nasagap na tsismis ni Ate Bertha na mukhang mapapadalas na ang dagdag na panunungkulan namin sa aming bisita.

Normal naman ang pang-araw-araw naming ginagawa. Ako, inaasikaso ko ang pagpasok nang maaga ng kapatid ko para makisabay siya kay Mang Bert. Pagkatapos niyon, tutulong naman ako sa gawaing bahay at pagluluto ng umagahan.

Pero, kung tatanungin ako kung ano ang nagbago...iyon 'yung hindi ko na naaasikaso nang personal si Sir Craig. Hindi sa napapabayaan ko ang tungkulin ko sa kaniya, sadyang inaako ni Senyor Vincent ang pagpapainom ko rito ng gamot mula umaga hanggang gabi. Miski pagdadala ng pagkain sa kuwarto nito ay sinalo na rin niya sa tuwing tinatamad si Sir Craig na sumabay kumain sa baba. Wala naman akong narinig na reklamo mula sa kaniya kaya hindi ko na ipinilit ang sarili ko na mag-asikaso niyon tutal gusto raw itong gawin ni Senyorito Vincent. Ang tangi ko na lang na nagagawa bilang caregiver niya ay paalalahanan na lamang ito na uminom ng gamot sa tamang oras.

Kaya minsan pakiramdam ko, wala na akong silbi sa mansyon dahil limitado na lamang ang nagagawa ko. Halos ang trabaho kasi rito ay may kasambahay nang nakatoka kaya naman paminsan-minsan ay nakatambay na lamang ako sa labas o 'di kaya naman ay sa maid's quarter. Mabuti na lamang ay kasama ko si Salome na minsa'y inaalokan ko ng tulong sa pagdidilig ng mga halaman, na lagi niya ring tinatanggihan.

"Anong atin ngayon? Kung magtatanong ka kung kailangan ko ng tulong, hindi. Pero kung sasagutin mo 'ko ngayon, bakit hindi?" Malayo pa lang ako ay narinig ko na ang boses ni Salome. Waring alam na niya na ako ang papalapit sa kaniyang pwesto.

Magmula kasi nang muling pumasok sa buhay ng mga Pendleton ang senyorito, parang sa kaniya na lang umiikot ang kanilang mundo. Kumbaga sa isang teleserye, sila ang bida habang kami naman ay taga-alalay sa kanilang pangangailangan. Kontrabida man kung iisipin, heto ako't isang normal na kasambahay na lamang at naghihintay kung kakailanganin pa ba ako ng taong hindi na nasasambit ang pangalan ko sa nagdaang araw.

Bago pa man ako maging emosyonal, umiling na lamang ako sa biro ni Salome na ilang araw na rin niyang ginagawa. "Sira ka talaga. Alam mo bang hindi lang bugbog ang aabutin mo kay Sir Craig kapag narinig niya iyang mga sinasabi mo?" Pabiro ko ring turan.

"Atsaka mo na ako takutin kung nandito talaga ang senyorito. Panigurado, abala iyon sa trabaho kasama ang kaibigan niya," sagot nito habang ginugupit ang mga dahon para ihulma ang halaman nang pabilog.

Hindi ko na nakuhang sagutin ang sinabi niya at tanging tango na lamang ang naibigay kong tugon. Napansin naman ni Salome ang pagiging matahimik ko kaya alam niyang hindi na ito oras para sa mga biro. Itinigil niya ang kaniyang ginagawa sabay tinabihan ko sa aking inuupuan.

"Alam ko kung bakit ka nagkakaganiyan, Ken."

"Anong ibig mong sabihin?"

Ngumiti ito sa akin at inilagay ang kaniyang kamay sa aking balikat.

"Gusto ko lang sabihin sayo na halatang apektado ka sa pagpasok ng eksena ni Senyorito Vincent sa buhay ng mga Pendleton."

"A-ako? Apektado? Hindi naman siguro. Laking pasasalamat ko nga't dumating ang senyorito dahil hindi ko na kailangan pang magpagod sa pagsisilbi kay Sir Craig. Malaking bagay sa 'kin 'yon."

"Pasasalamat nga ba?"

"Teka Salome, ano bang gusto mong tumbukin?"

Mga ilang minuto ring namayani ang katahimikan bago niya sagutin ang tinatanong ko. May pag-aalinlangan sa mukha ni Salome na parang pinipigilan niya ang kaniyang sarili na sumagot. Bumuntang hininga ito at ako ay iniharap sa kaniya.

"Ken, aminin mo man sa akin o hindi, alam kong may pagtingin ka kay Sir Craig. At alam ko rin na may namamagitan sa inyong dalawa."

Sa mga oras na iyon ay hindi ko napigilang maitulak nang papalayo si Salome. Magkahalong kaba at takot ang naramdaman ko nang isiwalat niya ang sikretong dapat hindi mabunyag sa pagitan ng aking amo. Gustuhin ko mang magsinungaling pero alam kong hindi ito paniniwalaan ni Salome, bagay na alam ko ang pagkatao nito.

"Huwag kang mag-alala, Ken. Hindi naman ako masamang tao para ipagkalat ang nalalaman ko. Kaibigan kita at kailan ma'y hindi ko hahayaan na masaktan ka." May himig na sinseridad niyang sinabi at muli akong ginabayan para umupo. Idinantay ni Salome ang aking ulo sa kaniyang balikat pagkatapos ay hinagod ang aking likod para pakalmahin ang sarili.

Sa tagpong iyon ay kusang tumulo ang mga luha ko. Hindi ko alam kung naghahanap ako ng kakampi o talaga bang nag-aasal bata ako sa mga nakalipas na araw. Aaminin kong nakararamdam ako ng selos sa tuwing nakikita kong napapadalas na ang pagsasama nina Sir Craig at Senyorito Vincent. Nabigla lang ako sa ideya na parang noong isang gabi lang, ang sweet-sweet pa niya sa akin pero ngayon ay parang wala na siyang oras para pagtuunan ako ng atensyon.

"Alam kong may bigat iyang nararamdaman mo ngayon, Ken. Ayos lang kung hindi ka pa handa para pag-usapan natin 'yung sinabi ko kanina," banggit nito matapos akong tumigil sa pag-iyak.

"Pero ito ang lagi mong tatandaan, iniisip mo man na parang wala ka nang puwang sa mansyon na ito, nagkakamali ka. Malaking tulong ang naibigay mo para panatilihin sa katinuan si Senyorito Craig na kahit isa sa amin ay hindi namin magawa. Kailangan ka rito, iyon ang mahalaga."

Tumagos sa aking puso ang mga sinabi ni Salome. Lahat ng mga bumabagabag sa aking isipan ay biglang naghalo na siyang nagpakalma sa akin. Nagpasalamat ako sa kaniya at hinayaan na siyang tapusin ang trabaho para sa araw na iyon.

"Salome, pwede ka nang maging guidance councilor. Ang galing mo," panunuyo ko rito na siyang ikinailing niya. Parehas kaming tumawa bago ko siya tuluyang iwanan.

Habang naglalakad papasok ng mansyon ay saktong dumating ang sasakyan nina Sir Craig. Tumingin ako sa aking relos at napagtantong hapon na pala kaya naisipan kong ipagtimpla sila ng maiinom galing sa trabaho. Dadaluhan ko na sila para tulungan papasok pero napahinto ako nang bumaba si Senyorito Vincent mula sa sasakyan, akay-akay si Sir Craig. Sa hitsura pa lamang ay mahahalatang nakainom ito dahil namumula ang buo niyang mukha at pasuray-suray sa paglalakad. Nagpandali akong lumapit sa kanila para tulungan si Sir Craig na wala sa huwisyo.

"Ako na pong bahala kay Sir Craig," magalang kong alok sa senyorito.

Tutulungan ko sanang akayin ngunit bigla na lamang niyang tinapik ang aking kamay pagkatapos ay tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. Tumaas ang kilay nito at binigyan ako ng isang nakalolokong ngisi.

"I just happened to have a further conversation with him. So no, ako nang bahala kay Craig. Nag-celebrate kasi kami kanina kaya siya nakainom. I know that he's very happy dahil starting from now, we will always be together. Isn't that great, Ken?"

"P-po?"

"Nevermind. Just bring me towel ang hot water. I'll clean Craig upstairs," sabi ng senyorito na tila nagugustuhan ang paunti-unting pag-amoy ni Sir Craig sa kaniyang leeg.

"Senyorito, hindi niyo na po iyon kailangang gawin. Ako na pong bahala-"

"Who are you para diktahan ako? Just do what I said...now!"

Para akong sinabuyan ng malamig na tubig nang sigawan ako ng senyorito. Napakagat ako sa ibaba kong labi upang pigilan ang panginginig nito dahil sa takot.

"What's happening here?" Napagawi ang aking tingin kay Kuya Brent na kababa lang mula sa kaniyang kotse. Nagtataka itong tumingin sa aming dalawa ng senyorito.

"Nothing really, Kuya Brent. Just admiring Ken how dedicated he is to his job. Right, Kenny?"

Napatango na lamang ako at sinabing may kailangan pa akong tapusin na trabaho sa loob. Mabilis ang tibok ng puso ko at parang hindi ko kakayanin kung magtatagal pa ako na makita silang dalawa.

Craig's ObsessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon