Mainit.
Makipot.
Nakakasulasok na amoy.
Ito ang unang bubungad sa lugar na tinitirhan ni Ken Felicidad, isang binatang ulila at mag-isang binubuhay ang pitong taong gulang na kapatid. Hindi lang isang kahid, isang tuka ang nararanasan ng magkapatid dahil lapitin sila sa disgrasya at krimen.
Kung ilalarawan ang Barangay Biliran, isa ito sa mga pinakamahirap na barangay sa Maynila at talamak dito ang magnanakaw, sugalero't sugalera. Pilit mang umalis sa lugar na iyon si Ken ay hindi niya kakayanin. 'Yung mismong tinitirhan nila ay inuupahan lang at wala na siyang alam na lugar na mababa ang singil sa parenta. Kaysa naman matulog sa tabi ng daan ay ininda na lamang ni Ken ang hirap para sa kaniyang kapatid.
"Ken? Tao po!" tatlong magkakasabay na katok ang bumulabog sa mahimbing na tulog ni Ken. Ramdam pa rin nito ang pananakit ng braso dahil sa pagmamasa ng tinapay sa pinapasukan niyang bakery sa kabilang barangay.
Pupungas-pungas itong tumayo sa kamang gawa sa kawayan sabay binuksan ang pinto. Sumulpot sa kaniya si Aling Mendiola, ang nagpapaupa ng tinitirhan nilang bahay.
"Magandang umaga po, Aling Mendiola. Naparito po kayo?" magalang nitong saad sa matandang babae.
"Naistorbo ko yata ang tulog mo. Ah Ken, alam mo na naman siguro ang ipinunta ko rito 'di ba?"
Hindi man direktang sinabi sa kaniya ang pakay ni Aling Mendiola ay alam na nito ang tinutukoy nito. Napagawi ang kaniyang tingin sa kinakamot na palad ng matandang babae kaya paniningil lang ang tamang punto.
"Alam ko namang nagtatrabaho ka umaga't hapon. Iyang kapatid mo, nagkataong may sakit kaya todo ka kung kumayod. Pero Ken, kailangan ko na 'yung pera. Magkokolehiyo na kasi ang anak ko sa susunod na pasukan kaya kailangan ko ng pangmatrikula. Ayaw ko mang singilin ka pa sa mga utang mo kaso walang-wala na rin ako." mahabang turan ng babae na nagpayuko sa binata.
"M-magkano na po ba ang utang ko sa inyo?"
"Limang libo, Ken. Kasama na doon ang kuyente't tubig. Kahit itong buwan na lang muna ang bayaran mo, tsaka na lang natin pag-usapan 'yung iba mo pang utang."
"Sandali po," ani ni Ken bago naglakad patalikod para kunin ang bag. Binuksan nito ang wallet at dalawang libo lang ang nadatnan nito, pambili sana ng gamot at pagkain nilang magkapatid.
Lumapit si Ken na may hiya kay Aling Mendiola. Nahihiya man pero kinapalan na niya ang kaniyang mukha.
"Aling Mendiola, pasensya na po pero dalawang libo lang po muna ang maiaabot ko sa inyo. Gipit na gipit na po ako. Pwede po bang sa susunod na sabado ko na lang ibigay ang kulang? May ina-applyan pa po akong isang trabaho, mag-aadvance pay po ako para mabigay ko kaagad sa inyo."
"Eh ano pa nga ba? Kung hindi lang talaga ako naaawa sa kalagayan niyo ngayon, matagal ko na kayong pinaalis dito."
"Pasensya na po talaga."
May pagdadalawang-isip na tiningnan nito si Ken pero sa huli ay napapayag siya nito.
"O siya sige. Aasahan ko 'yan sa'yo Ken. Babalik ako para tubusin ang kulang. Una na 'ko." paalam nito at umalis na nang tuluyan sa tapat ng bahay. Napabuntong hininga si Ken at malungkot na tiningnan ang kapatid. Gusto niyang maluha pero pinipigilan lang niya ito.
"Paano na 'yan, wala na tayong pangkain. Saan ako maghahanap ng tatlong libo? Kung 'yung dalawang libo nga, dalawang buwan kong pinagtrabahuhan, paano pa kaya kapag malaki nang halaga ang pag-uusapan?" nanlulumo niyang bigkas sa sarili habang nakatanaw sa picture frame ng yumaong magulang.
"Nay, tay, tulungan niyo naman kami ni Carlo. Hirap na hirap na po ako." bigkas pa nito na pinanghihinaan ang loob.
Mahigit dalawang minuto siyang nagmuni at napagpasyahan na niyang gumayak para pumasok sa trabaho. Nag-iwan siya ng pagkain para sa umagahan ng kaniyang kapatid. Mabuti na lang ay naihahabilin niya ito sa isang babae na nakatira sa kabilang silid. Kahit papaano ay nabawasan ang kaniyang pag-alala kung sino ang magbabantay dito.
"Oh Ken, mabuti't maaga ka. Ang dami na nating customer." Ang sabi ni Ka Redolfo, ang may-ari ng bakery. Abala ito sa pagbibigay ng mga tinapay sa customer na nagtuturo.
'Di kalaunan ay tumulong siya sa pagbebenta at tiga-abot ng sukli. Nang humupa ang mga bumibili ay pumasok siya sa kusina para tulungan ang ibang trabahador na magmasa ng panibagong tinapay.
"Ken, kumusta 'yung restaurant na sinabi ko? Tinanggap ka?" sabi ni Loty na nagbubudbod ng harina sa malaking chopping board.
"Naku ate, may nakauna na. Hindi na 'ko tinanggap." maikli nitong sagot. Napatigil ang babae sa ginagawa at may pagkamarahas na nagtipa sa cellphone.
"Pepektusan ko talaga si Jobert kapag nakita ko siya. Sinabi ko nang i-reserve sa'yo 'yung pang-night shift na oras eh." nanggigil nitong saad sa kapatid na nagtatrabaho doon.
"Hayaan mo na ate. Mukhang kailangan na kailangan na rin kasi nila ng crew. Nahuli lang talaga ako. Salamat po pala."
"Wala 'yon. Oo nga pala, kumusta na si Carlo? May sakit pa rin ba?" pag-iiba nito ng usap.
"Medyo okay na siya pero may sinat pa rin. Sinabihan ko nang huwag maligo sa ulan, ang kulit pa rin."
"Hayaan mo na't bata. Pero buti na lang hindi ka tinanggap sa trabahong inalok ko." masaya nitong turan na nakatingin sa binata.
"Bakit naman ate?"
"Mas bigatin kasi 'to, Ken. I'm sure malaki ang sasahurin mo dito. Teka sandali." umalis si Loty sa kaniyang kinatatayuan at may hinalungkat na kung ano sa bag. Nang makita, ibinigay niya ito kay Ken na may pagtataka naman sa mata.
"Pendleton Company, urgent hiring. For more information, call this number or direct apply to the company." basa nito sa isang pirasong papel.
"Janitor yata ang hanap nila pero hindi ka magsisisi sa sahod. Diyan kasi nagtatrabaho 'yung isa kong kakilala kaya naitanong ko kung may bakanteng trabaho. Sakto't nangangailangan sila ng empleyado." pagpapaliwanag nito kay Ken.
"Sulutin mo na Ken. Sayang 'yan. Kaysa naman maghanap ka pa ng ibang trabaho, mas mahirap." pangongonsinte pa nito na nagpatango kay Ken.
"Sige ate. Susubukan ko."
_
Uso po ang vote...charot! Salamat po sa pagbabasa!🙏
BINABASA MO ANG
Craig's Obsession
Kısa HikayeObsession #1 Elvis Craig Pendleton is an obsessive person. His behavior turns into madness when he met the poor boy, Ken. That madness pushes him to keep Ken on his arms. And no one can touch him, even his heart and his soul. Because Ken is now Crai...