[Yuri]
Hindi siya makatulog kakaisip sa tsekeng binigay ni Red kay Virvin. Ano ang gusto nitong palabasin? Na mukhang pera ang lalaking gusto niya?
Bago nito pinausad ang sasakyan nito ay binigyan pa siya nito nang nang-iinsultong tingin.
"Arrrggghhh! Ang yabang, adik naman!" Aniya habang nagpapagulong-gulong sa higaan niya.
Paano kaya niya makukumbinse si Virvin na ibalik ang pera ni Red? Paano kung maging si Virvin ay guluhin na nito?
May kumatok sa pintuan niya.
Dahan-dahan siyang tumayo at sumilip. Nakahinga siya nang maluwag nang hindi ito si Red kundi si Aling Maryang.
"May kailangan ka, Aling Maryang?" Kakabayad lang kasi niya sa upa kaya imposible naman na maniningil ito. "Ah, uutang ka ho? Sandali—" Pinigilan siya nito nang akmang kukunin niya ang wallet niya.
"Nagpadala ng package ang sponsor mo." Ani ng matanda.
Namilog ang mata niya. "Talaga po?" Dali-dali siyang sumunod dito. Gano'n nalang ang tuwa niya nang makita ang naglalakihang box na pinadala sa kanya.
Buwan-buwan may nagpapadala sa kanya mula pa nang bata siya. Hindi dumadaan sa mga money transfer ang pera, or kahit sa mga bank account. May paiba-ibang tao na naghahatid sa kanya ng allowance kada buwan. Kada-buwan din ay mayro'ng mga box na padala sa kanya katulad nito. Hindi niya sigurado kung sa iisang tao ba nanggaling ang mga 'to. Iisang tao man o hindi ay nagpapasalamat siya rito.
Kundi dahil sa suporta ay tiyak na nasa tabi ng kalsada siya natutulog— O baka nga namatay na siya dahil sa gutom.
"Naku, salamat dito, Yuri. Napakabait mo talagang bata ka. Sa tuwing nagpapadala sa'yo ang sponsor mo palagi mo rin kaming binibigyan." Tuwang sambit ng matanda.
Sa tuwing magpapadala kasi sa ay binibigay niya ang halos kalahati sa pamilya nito. Groceries, mga branded na gamit, minsan pati alahas pa. Hindi na iba sa kanya ang pamilya nito. Namulat kasi siya na dito na nakatira sa apartment nito. Hindi siya nakatanggap ng maltrato rito kahit pa minsan ay hindi siya nakakapagbayad ng renta sa tuwing nadedelay ang pagbigay sa kanya ng allowance. Sinisigurado rin ng pamilya nito na ligtas siya lalo na't musmos palang siya noon. Sa tuwing magkakasakit siya ay inaalagaan din siya nang matanda. Kaya malaki ang utang na loob niya sa pamilya nito.
TINITIGAN niya ang sarili habang suot ang bestida na galing sa package na pinadala sa kanya. Payat siya, pero itong pinadala sa kanya ay masikip pa rin. Parang pang bata yata.
Ang dami niyang tanong... Sino kaya ito? Ang sabi ni Aling Maryang sa kanya ay iniwan lang siya sa tapat ng bahay ng mga 'to habang tulog siya na mayro'ng sulat na kasama— Ang patuluyin siya sa bakante nitong apartment. Nakalagay din sa sulat na wala na siyang pamilya maski isa.
Pumanaw na raw ang lahat.
Walang nakakita kung sino ang nag iwan sa kanya. Pero ang sabi ng matanda kapag tulog siya ay umiiyak siya at nagmamakaawa na huwag siyang iwan.
Paulit-ulit din siyang nananaginip, malabo at paulit-ulit na eksena. Sa panaginip niya ay may tinatawag siyang kuya.
Pinahid niya ang luha.
Kaya hindi siya naniniwala na may kuya pa siya. Malinaw sa iniwang sulat na wala na siyang pamilya. Kung aasa siya sasaktan lang niya ang sarili niya.
"YURI, napag-isip- isip ko na masyadong malaki ang halagang binigay ng nakabangga sa akin kahapon kaya pinunit ko nalang ang tseke." Kumamot sa ulo si Virvin at nilagay ang pira-pirasong tseke sa kamay niya. "Naisip ko kasi na... dagdag pogi points kapag hindi ko 'to ginalaw."
Napaawang ang labi niya sa sinabi ng binata. Balak palang sana niyang i-open rito ang tungkol sa bagay na 'yon.
"Parang nagulat ka yata. Ginawa ko 'yon kasi ayaw ko din isipin mo na mukha akong pera. Alam ko rin kasi na kung ikaw ang nasa posisyon ko gagawin mo rin 'yon..."
Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Proud na proud siya kay Virvin. Hindi ito kagaya ng iba na tiyak sasamantalahin ang pagkakataon— Ito ay may paninindigan. Mas lalo tuloy siyang nahulog dito.
Kanina pa siya hindi mapakali— Palagay niya ay mayro'n na naman nakatingin sa kanya. Nang ilibot naman niya ang tingin ay wala naman siyang nakita.
Narito sila ngayon ni Virvin. Dito muna sila kakain dahil pareho silang nagtitipid. Isa sa kinatutuwa niya sa binata ay hindi ito nahihiya na dalhin siya sa ganito. Kapag hindi nito kaya, or wala itong budget ay magsasabi talaga sa kanya. Hindi ito puro payabang at pabida. Sobrang swerte niya talaga rito.
"Kapag na-promote ko as head manager dadalhin kita sa expensive and classy restaurant. Sa ngayon pagpasensyahan mo na kung hanggang sa ganito lang kita kayang dalhin. Sunod-sunod kasi ang mga gastusin ko. Nagpadala pa ako sa pamilya ko sa probinsya."
Hindi niya pinahalatang nagulat siya sa sinabi nito. Baka kapag sinabi niyang 'may pamilya ka?' Eh mainsulto ito. Kaya pala wala itong kasama sa bahay dahil nasa probinsya ang lahat ng kaanak nito.
"Yuri, ayos ka lang? Namumutla ka." Nag aalalang tanong ni Virvin nang mapansin ang paglinga niya sa paligid.
"Ayos lang ako, pagod lang dahil sa mga lessons." Ani niya. Nag aalalang humawak ito sa kanya nang muntik na siyang matumba.
"Mabuti pa magpahinga ka na. Ihahatid na kita." Inalalayan siya nito hanggang sa makasakay ng kotse nito.
Natigilan siya— Hindi na luma ang kotse nito ngayon.
"Nagkaro'n kasi ng pa-raffle sa company namin at nanalo ako. Bale kalahati lang ng price ni'yan ang babayaran ko, the rest ay company na namin ang sasagot." Paliwanag nito. "Inunahan na kita, baka kasi isipin mo ginamit ko ang pera na binigay sa akin kahapon."
"Virvin, hindi kita pag iisipan ng masama. Alam ko naman kasi na mabuti kang tao." Nang makapasok na sa bago nitong kotse ay hinawakan nito ang kamay niya.
"Yuri, I'm really glad I met you. Ang swerte ko dahil hindi ka lang mabuting tao, malawak pa ang pang unawa mo. I'm sure magiging mabuti kang ina at asawa balang araw." Pinisil nito ang kamay niya. "At sana ako ang lalaking 'yon, Yuri."
'Ikaw lang talaga ang lalaking 'yon, Virvin'
Iyon ang gusto niyang sabihin pero wala siyang kalakas-lakas. Daig pa niya ang babagsak ngayon sa sama ng pakiramdam niya. Gusto lang niyang mahiga sa kama at magpahinga na.
"Ihahatid na kita sa itaas, Yuri." Suhestiyon ng binata.
"H-Huwag na, Virvin. Kaya ko na. Saka di'ba magkikita kayo ng mga kasamahan mo sa trabaho? Go on, wag mo na akong alalahani . I'm fine." Aniya.
"Bye, Yuri. Babalik agad ako at aalagaan kita pagbalik ko." Ani Virvin.
Akala niya ay ipipilit nito na alagaan siya, pero hindi pala. Nagpapakipot lang naman siya, e. Nang mawala ito sa paningin niya ay saka siya pumasok sa apartment niya.
Malakas siyang napatili sa gulat ng pagbukas niya nang ilaw ay tumambad sa kanya ang isang lalaki— Si Red!
Humawak siya sa sintido. Lalo itong sumakit dahil nakita niya ito. "A-Ano ang ginagawa mo dito?" Unti-unti itong lumabo sa paningin niya.
No! Hindi siya pwedeng mawalan ng malay na kasama ito!
"You have a fever but your man chose to leave you. Oh, that's hurts, sweety." Ang may mapang-uyam nitong saad ang huli niyang narinig bago siya nawalan ng malay at bumagsak sa bisig nito.