Steven's POV
Gabi na nang makarating ako sa usapan namin. Isang maliit na bar, RestoBar. Hanggang ngayon, wala pa rin akong ideya kung ano ang pag-uusapan namin. Matagal na kaming walang contact ng kaibigan ko, tapos bigla siyang nagparamdam kung kailan problemado ako.
Matapos kong iparada ang kotse, dumiretso ako sa Resto. Maganda ang bar, medyo classy at cozy. Hindi na nakapagtataka—ganito talaga ang lifestyle niya mula noon. Pagpasok ko pa lang, agad siyang sumigaw habang kumakaway mula sa lounge.
"Steven! Dito!"
Pambihira talaga ang taong ito. Lahat ng tao sa bar, nalingon sa akin at nagbulungan habang papalapit ako sa mokong na 'to.
"Anong meron?" tipid kong tanong habang nakapoker face. "At nakainom ka na, hindi mo man lang ako hinintay?" Bigla niya akong inakbayan at ngumisi.
"Sus! Ang tagal mo kaya! Hik! Kahit kailan talaga, palaging masama ang timpla mo, parang iba naman ako sa'yo. Upo ka muna, marami-rami tayong pag-uusapan." anyaya niya habang inaakbayan ako paupo sa mataas na upuan. Masama na ang tama ng lokong 'to.
"Ngayon lang kita nakitang naglasing ng ganyan," sambit ko sa kanya. Pinandilatan niya lang ako ng mata.
"Ako? Lasing?" tumingin siya sa paligid. "Hindi ako lasing! Hik! Gusto mo, kiss pa kita?" nagmuso-muso pa siya sa akin.
Tinignan ko siya ng seryoso. "Tumigil ka baka bumaon 'tong kamao ko sa labi mo."
"Hehehe, langya ka talaga, hindi ka mabiro." hagikgik niya sabay lagok ng natitirang alak sa baso niya. Amoy vodka.
Humarap siya sa akin at hinawakan ang balikat ko. "Pagpasensyahan mo na 'tong munti kong negosyo. Hik! Kasisimula pa lang kaya medyo tutok ako ngayon dito," paliwanag niya sabay senyas sa waiter.
Umuunlad na talaga 'tong mokong na 'to.
"Halata nga," tipid kong sambit. Hinintay ko lang 'yung alak bago ako kumibo uli. "Hindi ko akalaing papasok ka sa ganitong negosyo. Parang dati lang, computer ang hawak mo, ngayon alak na. Demonyo ka talaga," seryoso kong sambit. Tinawanan niya ako, kasabay ng pag-serve ng vodka namin dalawa. "Maswerte ka talaga, alam mo 'yan."
"Sa tingin mo? Hehehe, ikaw talaga, palabiro! Hik!" wika niya sabay lagok ng beer. Humagikgik siya matapos uminom. Masama pa rin talaga siyang uminom hanggang ngayon.
"Wag na tayong maglokohan dito, sa ating dalawa ikaw palagi may ganap sa buhay," wika ko sa kanya. Nagbago ang timpla ng boses niya.
"Puro kamalasan naman nangyari sa akin," magdadrama na naman 'to.
"Hindi rin. Lahat dinadaan mo sa pagpapacute at pangiti-ngiti." Matapos kong sabihin iyon, nginitian niya ako ng malapad. "Sa totoo lang, hanggang ngayon, sarap mo pa ring konyatan."
"Hehehe, kilala mo talaga ako eh, no? Sa totoo lang, namiss talaga kita, Pareng Steven!" Tinaas niya ang kanyang baso. Nailing na lang ako habang inaangat ang baso ko. "Cheers!"
Matapos noon, tumagay kaming dalawa. Pinagbawal na sa akin ang alak ni Doc kanina lang—fuck! Wala na akong pake. Kailangan kong makalimot, kahit sa pag-inom lang. Kasabay ng paghagod ng vodka sa lalamunan ko ang pagkababa ng stress na nararamdaman ko. Gusto kong magpakalunod.
Matapos noon, bigla niyang tinapik ang braso ko. "Nga pala, may raket ako para sa'yo." Agad niyang tinawag ang waiter at kinausap. Ilang sandali pa, may inabot sa kanyang envelope, na inabot naman niya sa akin.
"Ano naman 'to?" tanong ko sa kanya. Nginitian lang niya ako. Mukhang seryoso naman siya kaya binuksan ko na ang envelope. Hindi ko inasahan ang mga nakita ko.

BINABASA MO ANG
Daddy Issue: Steven Vasques #boyxboy #tagalog
General FictionPaalala sa mga Mambabasa: Ang librong ito ay naglalaman ng mga temang at nilalaman na maaaring hindi angkop para sa lahat ng mambabasa. Ito ay isang SPG (Strict Parental Guidance) na nobela na nagtatampok ng mature na nilalaman, kabilang ang malalim...