13 years ago – Day 243
***
"Sa'n punta mo? Ba't humahabol pabango mo?" tanong ni Ro paglampas ko sa kanya. Nakaupo siya sa barandilya ng balkonahe, nagseselpon.
Inamoy ko sarili ko. Sobrang bango ko ba? Parang wala naman akong maamoy. Baka gino-good time lang ako nito ni Ro. "'Di naman, ah."
"Sakit mo sa ilong, tanga."
Bumuwelta ako sa bahay at nagpalit ng kamiseta. Sayang, kasi mas bagay sa 'kin 'yong tri-color na hinubad ko kaysa rito sa blue shirt lang. Baka magustuhan ni Jela 'yon.
"Alis na 'ko," paalam ko at lumampas kay Ro.
"Sa'n nga punta mo?" habol niya.
'Di na 'ko sumagot. 'Di naman siya maiinggit pero iwas-malas kapag 'di nakantiyawan. Haha.
Ang aga kong kumatok sa pintuan ng bahay nina Jela. Lola niya ang nagbukas ng pinto. Kulubot na kulubot na ang balat ng matanda at matalas tumingin, kahit mukhang malabo na ang mga mata.
"Magandang hapon po. Ako po 'yong susundo kay Jelena," sabi ko.
"Ikaw si Magnus?" tanong niya.
"Opo." Pinigilan kong sumilip sa loob ng bahay para lang makita agad si Jela. Baka ma-bad shot ako sa lola niya.
Nakatitig sa 'kin si Lola. "Mukha ka namang matino."
Grabe. Matino naman talaga ako, ah. "Salamat po."
"Ikaw 'yong tumulong sa apo ko na bumili ng gamot noon. Naikuwento niya."
"Opo, ako po." Ginandahan ko ngiti ko para mukha akong mabait.
"Sabi ng apo ko, mabait ka raw. May crush ka ba sa kanya?"
"P-Po?"
"Hindi ko pa pinaliligawan ang dalaga ko. Bata pa siya."
Bata pa rin naman ako. Quits kami. "Hindi pa po ako manliligaw."
"Hindi pa? Pero pinagbabalakan mo na?"
'Tangina. Sasagot ba 'ko o ano? Kaso baka 'pag sinabi kong may balak ako, 'di na pasamahin sa 'kin ngayon si Jela.
Hindi ko alam kung ano ang tamang isagot. Sinabi ko na lang kung ano ang unang sumagi sa isip ko. "Magpapaalam po ako nang maayos, Lola, kapag may balak na ako."
Sumimangot siya at pumalatak. Sama tumingin ni Lola, pinagpapawisan ako. Ayoko naman magsinungaling kasi crush ko naman talaga si Jela at wala pa naman talaga akong balak na ligawan siya. Kasi si Jela na mismo ang nagsabi na wala pa sa isip niya 'yong mga crush o boyfriend; na focus muna siya sa pag-aaral niya.
"Sa'n mo dadalhin ang apo ko?"
"Sa library po."
Nabawasan ang kunot ng noo niya at napatango-tango. Nginitian ko siya uli.
"Pero bago po 'yon, dadalhin ko muna siya sa cake shop. Kakain lang po kami ng ice cream cake." Natuwa kasi si Jela no'ng nakaraan sa ice cream, kaya baka mahilig siya sa ice cream.
"O sige. Ibigay mo sa akin ang buong pangalan mo, address, pangalan ng mga magulang mo at numero nila."
Tindi ng bantay ni Jela. 'Tapos kani-kanina pa kami nag-uusap pero hanggang pinto lang ako. "Sige po. May papel kayo?"
"I-text mo sa 'kin."
"Pahingi po ng number n'yo."
Ibinigay niya ang number niya sa 'kin. Pinanood niya akong mag-type ng detalye at mag-send ng text message.
BINABASA MO ANG
Hashtag Boys Series 3: #TeaTime (Magnus)
RandomAng sabi ni Jelena, galit siya kay Magnus. Ang sabi ni Magnus, galit din daw siya kay Jelena. Ang sabi ng mga taga-Roseville, tuwing magkikita ang dalawa, parang may dadanak na dugo. Pero iba ang sabi ng past. Ang sabi ng past, patay na patay sila...