13 years ago - Day 243 Narration 2

694 50 10
                                    

13 years ago – Day 243 Narration 2

***

"Mahilig ka bang magbasa ng libro?" bulong ni Jela habang nakatayo ako sa tabi niya, inaabutan niya ng mga librong hinuhugot mula sa shelf.

May anim na sa kamay ko—dalawang fiction, dalawang self-help, isang psychology book, at isang business book. Nasa shelf na kami ng mga poem book.

Mahilig ba siya sa tula, bukod sa motivational na nasa dingding nila?

Binuksan niya ang bagong kuhang libro at natuon ang atensyon doon. Pinanonood ko naman siya.

Si Jela, 'pag nagbabasa, puwede ring basahin ang mukha. Ngumingiti siya kapag maganda ang nasa libro, kumukunot ang noo kapag may sinusubukang maintindihan, at minsan, parang nagagalit din. 'Yong expression niya ngayon, magdadala ng chismis. Namula kasi siya bigla.

Cute eh.

"Jela? Okay ka lang?" tanong ko.

Sumulyap siya sa 'kin pero sandaling-sandali lang, bago napapasong magbawi ng tingin. Ano 'yon? Nakakapaasa. Parang crush din ako.

"Uhm, yes, okay lang. Upo na tayo?"

Tumango ako at nagpatiuna sa hanay ng mga mesa para sa mga gustong magbasa. Ipinaghila ko siya ng upuan bago ipatong ang mga libro sa mesa. Pagkaupo niya, luminga siya sa paligid.

Linggo ngayon pero walang tao sa library.

"Grabe, tayo lang dito. Exciting, 'no?" mahina ang boses na sabi niya.

Pinigilan ko 'yong katarantaduhang bumulong sa tainga ko.

"Mahilig ka ring magbasa ng libro?" tanong niya uli.

Oo nga pala, 'di ko siya nasagot kanina dahil busy akong panoorin siya. Hmm. 'Di ako mahilig magbasa. Ang dami-daming computer games na puwedeng laruin para magbasa. Ang dami ring puwedeng panoorin. Pero minsan, nagbabasa rin naman ako. Hubad nga lang ang mga nasa binabasa ko.

Napatikhim ako. "Hindi ako mahilig magbasa."

Natigilan siya ro'n. Iba yata ini-expect niyang sagot.

"Uhm . . . Bakit tayo nandito kung hindi ka mahilig magbasa?" kunot ang noong tanong niya. "Ano lang . . . akala ko kasi, kaya ka nagyaya rito kasi mahilig ka rin sa books?"

Ah. "Hindi ako mahilig sa books. Mas mahilig ako sa computer games. Taas nga ng rank ko sa games."

Nakatitig lang siya sa 'kin. Naghihintay siguro ng punch line o ng linaw kung bakit kami nandito.

"Mahilig kang magbasa kaya tayo nandito," sabi ko.

"Pero . . . 'di ba, magkasama tayo today dahil para sa 'yo dahil birthday mo?"

"Oo."

"So dapat, gagawin natin kung ano ang gusto mo."

Ah. "Gusto kong samahan ka rito sa library. Kaya tayo nandito. Puwede na ba 'yon?"

Nanlaki sandali ang mga mata niya bago mamula nang kaunti ang pisngi. Napahawak siya sa pisngi niya. "Medyo mainit, 'no?"

Malakas ang air-conditioning sa library. Pero oo, mainit dahil kasama ko siya. Siguro, dahil 'yon sa bigla-bigla na lang bumibilis ang tibok ng puso ko sa wala. Basta na lang din akong sumasaya at kinikilig kapag bigla siyang tumitingin sa 'kin.

"Iba-browse ko lang sandali 'tong mga libro para malaman ko kung alin ang iuuwi ko. Sorry na agad kung maiinip ka," sabi niya.

Hindi naman ako maiinip dahil panonoorin ko siya. "Sige lang. May oras pa naman tayo bago umuwi. Sulitin mo. Makikibasa na lang din ako ng mga pinili mo kung maiinip man ako."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 11, 2024 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hashtag Boys Series 3: #TeaTime (Magnus)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon